Sino ang Magiging Regalo?
Ana Márcia Agra de Oliveira, Pernambuco, Brazil
Noong 1982, sa ikalawang Pasko namin bilang mag-asawa, nagpasiya kami ni Cleto na magpasimula ng mga tradisyon sa pamilya. Dahil kami ang mga unang miyembro ng Simbahan sa aming mga pamilya, ang dati naming mga pagdiriwang ng Pasko—kahit nagdulot sa amin ng masasayang alaala—ay kulang sa tunay na habag at paglilingkod. Bukod pa rito, ang panganay naming anak, ang walong-buwang si Diego, ay sapat na dahilan para pagbutihin ang aming sarili sa ganitong paraan.
Medyo abala kami sa pag-aaral sa unibersidad, mga gawaing-bahay, mga tungkulin sa Simbahan, at sa pagiging magulang sa kauna-unahang pagkakataon, ngunit inilaan pa rin namin ang aming sarili sa paghahanda para sa espesyal na okasyon. Ginamit namin ang bawat family home evening sa Disyembre para gumawa ng mga dekorasyon at mas maunawaan ang mga simbolo at kulay na nakikita namin sa lahat ng dako. Nagplano rin kaming maghanda ng simpleng hapunan, at umisip kami ng mapapakinabangan at hindi mahal na mga regalo. Habang sinusunod namin ang isang programa sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, naisip namin na ang tunay na pagbabago sa aming pagdiriwang ng pagsilang ni Cristo ay kapapalooban ng pagpili ng regalo para sa Tagapagligtas.
Naisip namin, “Ano ang ibibigay mo sa Nagmamay-ari ng langit at lupa?” Nasa mga banal na kasulatan ang sagot, na nagsasabi na anuman ang gawin natin para “sa pinakamaliit na ito” (Mateo 25:40) ay sa Kanya natin ginawa. Dahil ang Pasko ay panahon ng pakikipagkaibigan at pagmamahalan, ginusto naming mag-imbita ng isang miyembro ng Simbahan para maranasan ang mainit at magiliw na diwang nadarama namin sa aming tahanan. Naghanap kami nang husto ng isang taong kailangang pasayahin at tulungan upang maging Pamaskong regalo namin sa Tagapagligtas.
Tuwing mag-iimbita kami ng isang babae o lalaki sa ward o stake na magpunta sa aming tahanan, masaya kami na matuklasan na kasali na ang taong iyon sa iba pang mga aktibidad. Ngunit di nagtagal ay sumapit ang Bisperas ng Pasko, at wala pa rin kaming nakikitang taong babahaginan namin sa Pasko.
Dahil suko na kami, naghahanda na kami ng hapunan nang tumunog ang doorbell. Pagbukas ko ng pinto, natuwa akong makita ang isang kaibigang matagal-tagal ko nang hindi nakikita. Katatapos pa lang dumanas ng kalungkutan si Avelar dahil sa paghihiwalay nilang mag-asawa. Malungkot siya at nag-iisa at nadama niyang gusto niyang makihalubilo sa amin.
Tinanggap namin nang may pagmamahal si Avelar, at sinabi niya sa amin na natagpuan niya ang kapaligirang kailangan niya para maaliw sa gitna ng mga pagsubok sa kanyang buhay. Sinabi namin sa kanya ang ginawa naming mga paghahanda upang mapaglingkuran at matulungan ang isang taong nangangailangan para malaman niya na kilala at mahal siya ng Panginoon.
Para sa aming lahat, napakasayang malaman na isinugo ng Tagapagligtas ang isang taong hindi namin mahanap: ang kaibigan naming si Avelar. Nalaman namin ang malaking kahalagahan ng pag-uugnayan ng mga anak ng Ama sa Langit. Dahil diyan, nang sumunod na mga Pasko lagi naming naaalala at ng tatlong anak namin na ang layunin ng Kapaskuhan ay para patibayin ang bigkis ng pagkakaisa, pagmamahal, at pagkakaibigan.