Isinilang si Jesus
Dahan-dahang dumidilim sa luntiang gilid ng kaburulan malapit sa Bet-lehem. Tagsibol noon, panahon na kung kailan ay maraming tupa ang isinisilang. Tiningnan ng mga abalang pastol ang isang tupa at ang isa pa bago magpahinga sa gabing iyon.
Marami ring tao noon sa Bet-lehem. Maraming dumating na mga manlalakbay sa nayon dahil sa utos ng emperador ng Roma na lahat ng tao ay kailangang magpunta sa lungsod ng kanilang mga ninuno upang magbayad ng buwis. Dalawa sa mga manlalakbay—si Jose at ang kanyang asawang si Maria—ang kailangang makahanap ng tutuluyan para sa gabing iyon.
Sa wakas nakakita sina Jose at Maria ng kanlungan sa isang kuwadra, kung saan nakakulong ang mga hayop. Sa abang kuwadrang iyon isinilang ang sanggol ni Maria. Ang sanggol ay ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas ng sanglibutan.
Ibinalot ni Maria ang kanyang sanggol sa malinis na lampin at gumawa ng munting higaan para sa Kanya sa malambot at malinis na dayami ng sabsaban. Alam ni Jose na ang sanggol na ito ang Anak ng Ama sa Langit. Pinangalanan niya ang sanggol na Jesus, tulad ng sabi sa kanya ng isang anghel noon.
Nagalak ang mga anghel ng langit! Natupad ang mga pangako ng mga propeta. Si Jehova, na tinatawag ngayong Jesus, ay isinilang sa mundo. Isang bagong bituin ang nagningning sa kalangitan upang ipahayag ang mabuting balita.
Sa isang gilid ng burol isang anghel ang nagpakita sa mga pastol, at isang matinding liwanag ang nagningning sa paligid. Noon lang nakakita ng gayon ang mga pastol, at takot na takot sila.
“Huwag kayong mangatakot,” sabi ng anghel, “sapagka’t narito, dinadalhan ko kayo ng mabubuting balita ng malaking kagalakan, na siyang sasa buong bayan. Sapagka’t ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon. At ito ang sa inyo’y magiging pinakatanda: Masusumpungan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban.”
Biglang lumitaw ang mga anghel na nagsabi sa mga pastol, “Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”
Pag-alis ng mga anghel, agad humangos sa Bet-lehem ang namanghang mga pastol, kung saan nakita nila ang sanggol na si Jesus na nakahiga sa sabsaban. Pagbalik ng mga pastol sa kanilang mga tupa, pinuri nila ang Diyos at sinabi sa iba ang lahat ng nakita nila.