Mga Klasikong Ebanghelyo
Ang Kuwento na Hindi Naluluma
Walang sinumang nabuhay sa lupa na nagkaroon ng impluwensya sa tadhana ng mundo na katulad ng ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo.
Ang kuwento tungkol kay Jesus, ang Cristo, ay sinaunang kuwento na hindi kailanman naluluma. Kapag mas madalas kong binabasa ang tungkol sa Kanyang buhay at mga ginawa mas matinding galak, kayapaan, kaligayahan, at kasiyahan ang pumupuspos sa aking kaluluwa. Sa tuwina ay may bagong kaluguran akong nadarama sa pagninilay-nilay sa Kanyang mga salita at sa plano ng buhay at kaligtasan na itinuro Niya sa mga tao noong nabubuhay pa Siya sa lupa.
Alam nating lahat na walang sinumang nabuhay sa lupa na nagkaroon ng impluwensya sa tadhana ng mundo na katulad ng ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo; gayunman isinilang siyang hindi tanyag, inihiga sa isang sabsaban. Pinili Niyang maging Kanyang mga Apostol ang mahihirap at hindi nakapag-aral na mangingisda. [Mahigit] 1,900 taon na ang nakalipas mula nang ipako Siya sa krus, subalit sa buong mundo, sa kabila ng lahat ng awayan at kaguluhan, nag-aalab pa rin sa puso ng milyun-milyong katao ang patotoo sa kabanalan ng Kanyang ginawa. …
Ito ang pinagmumulan ng walang katapusan kong kaligayahan at hindi ko maipaliwanag ang pag-uumapaw ng puso ko kapag naiisip ko ang katotohanan na dumalaw ang ating Ama sa Langit at ating Panginoong Jesucristo sa mundo at muling inihayag ang ebanghelyo sa tao; at puspos ako ng pasasalamat at pagtanaw ng utang-na-loob, na higit pa sa kaya kong sambitin, na biniyayaan Niya ako ng kaalaman tungkol sa kabanalan ng gawaing ating ginagawa. Lagi kong taimtim na idinadalangin sa Kanya na kailanman ay huwag magdilim ang aking isipan, na hindi ako malihis sa tuwid na landas, kundi sa aking pagtanda ay maragdagan ang aking pang-unawa, mag-alab ang liwanag at inspirasyon ng Espiritu ng Diyos sa aking puso at liwanagin nito ang aking pang-unawa at panatilihin akong matatag at tapat sa paglilingkod sa aking Ama sa Langit.
At nais kong sabihin sa mga Banal sa mga Huling Araw na kailangan natin, na nakatanggap ng patotoo sa kabanalan ng gawaing ating ginagawa, na ayusin ang ating buhay sa araw-araw upang luwalhatiin ang gawain ng Diyos sa ating mabubuting gawa, na hayaang magliwanag ang ating ilaw upang ang mga tao, kapag nakita ang mabubuti nating gawa, ay luwalhatiin naman ang Diyos. Walang grupo ng mga tao sa balat ng lupa na pinagpalang tulad ng mga Banal sa mga Huling Araw; walang grupo ng mga tao na nakatanggap ng mga pagpapamalas ng kabaitan at awa at mahabang pagtitiis ng Diyos na ipinagkaloob sa atin, at sinasabi ko na tayo, higit sa lahat ng kalalakihan at kababaihan sa mundo, ay dapat mamuhay sa makadiyos at matwid na paraan.