Ang Pinakamagandang Regalo
Wala kaming makain noong Paskong iyon. Umasa na lang kami sa himala.
Noong 12 taong gulang ako, nakatira ang aming pamilya sa isang bukirin sa Brazil, malayo sa lungsod. Noong Disyembreng iyon nag-aani kaming magkapatid ng mga mani para sa isa pang may-ari ng bukid nang biglang umulan. Ilang araw na nagpatuloy ang napakalakas na ulan kaya’t hindi kami makapagtrabaho.
Halos Pasko na, at paubos na ang pagkain ng aming pamilya. Nag-alala ang nanay ko na baka wala kaming makain sa hapunan sa Pasko, kaya’t sinabihan niya kami ng kuya ko na hingin sa may-ari ng bukid ang perang kinita namin. Hindi kalakihan ang halagang iyon, pero makakabili na ng kaunting pagkain para sa aming pamilya sa panahong pinaghahandaan ng iba ang pagsasaluhan nila sa Pasko.
Ilang milya ang nilakad namin ng kuya ko sa maputik na daan para marating ang bahay ng may-ari ng bukid. Pagdating namin, nagulat ang may-ari. “Ano at napasugod kayo, ang lakas pa naman ng ulan?” tanong niya. Ipinaliwanag namin ang aming sitwasyon, at sabi niya, “Wala akong perang pambayad sa inyo, pero mababayaran ko kayo ng tseke.” Tinanggap namin ito at mabilis kaming umalis para mai-cash namin sa bayan ang tseke at mabili ang kailangan namin.
Pagdating namin sa bayan, halos lahat ng tindahan ay sarado na para sa Pasko. Pagod na kami, at ang pagsisikap naming mai-cash ang tseke ay nawalan ng saysay.
Pagdating namin sa bahay na walang dalang mga groseri, lungkot na lungkot ang nanay ko at walong kapatid. Tseke lang ang dala namin, na sa sandaling iyon ay walang halaga sa amin. Sumapit ang Bisperas ng Pasko na walang anumang regalo at kakatiting ang pagkain. Naghapunan lang kami ng kanin at nagsitulog na.
Nagsibangon kami sa Pasko ng umaga dahil sa ingay ng mga kapitbahay namin na nagdiriwang sa labas, pero nasa loob lang kami ng bahay, sa pag-asang magkakaroon ng himalang maglalagay ng pagkain sa aming mesa. Nagulat kami nang bago mananghali ay may kumatok sa aming pinto. Naroon at nakatayo ang isa sa mga kapitbahay namin, hawak ang napakalaking mangkok na nakabalot ng tuwalya.
“Heto, may dala ako para sa inyo,” sabi niya. Buong pasasalamat na tinanggap ni Inay ang mangkok, at nang tingnan namin ang laman nito, natuklasan naming puno ito ng mga pagkaing Pamasko. Para sa amin napakalaking handa niyon, isang tunay na himala!
Ang Pamaskong pagkaing iyon ang pinakamagandang regalong natanggap ko dahil pinakain kami nito sa napakaespesyal na araw. Bagama’t hindi alam ng aming kapitbahay ang aming sitwasyon, alam kong alam iyon ng ating Ama sa Langit, at kumilos Siya sa pamamagitan ng kapitbahay namin upang pakainin kami sa Paskong iyon. Alam ko na kapag wala na tayong magagawa pa, ang Panginoon sa Kanyang walang-katapusang awa at kabutihan ay gumagawa ng malalaking himala sa ating buhay. At gaya ng natutuhan ng aming pamilya sa Paskong iyon, mapaglilingkuran namin ang Panginoon—tulad ng ginawa ng aming kapitbahay—sa paghahatid ng mga himala sa buhay ng ibang tao.