2010
Mga Tanong at mga Sagot
Disyembre 2010


Mga Tanong at mga Sagot

“Hirap akong maganyak ang sarili ko na magbasa ng mga banal na kasulatan. Paano ako magaganyak?”

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay maaaring mahirap sa simula. Napakaraming konseptong pag-aaralan, at tila ibang-iba ang mga tao at lugar. Ngunit ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay magiging makabuluhang karanasan kung ipagpapatuloy mo ito.

Subukan ang eksperimentong ipinaliwanag ng propetang si Alma (tingnan sa Alma 32:27–34). Itinuro niya na kung “magbibigay-puwang” ka sa buhay mo para sa salita ng Diyos, palalaguin nito ang iyong kaluluwa at liliwanagin ang iyong pang-unawa. Gaganyakin ka rin nitong magpatuloy sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan dahil, tulad ng pangako ni Alma, ang salita ng Diyos ay magsisimulang maging masarap para sa iyo (tingnan sa Alma 32:28).

Ang isa pang paraan para maganyak ay hanapin ang maraming pagpapalang nagmumula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan:

  • Ang regular at taimtim na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mag-aanyaya sa Espiritu sa iyong buhay, sasagutin ang iyong mga tanong, tutulungan kang magkaroon ng malinis na kaisipan, gaganyakin kang paglingkuran ang iba, tutulungan kang manalangin nang mas mabisa, at palalakasin ang iyong patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Pagpapanumbalik.

  • Tuturuan ka ng mga banal na kasulatan na magkaroon ng pananampalataya, makilala ang Espiritu Santo, at magsisi. Ituturo ng mga ito sa iyo kung bakit kailangan natin ng Tagapagligtas, kung bakit kailangan ang oposisyon, kung bakit nilikha ang daigdig na ito, at marami pang iba.

Habang natatanggap mo ang mga pagpapalang ito, hindi mo na kailangang pilitin ang iyong sarili na magbasa—aasamin mo na ito.

May mga Sagot sa mga Banal na Kasulatan

Sa pagbabasa ng 2 Nephi 32:3, agad mong mauunawaan kung bakit natin kailangang basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Alam ko na nasa mga banal na kasulatan ang lahat ng sagot sa ating mga katanungan! Dapat nating maunawaan na ang mga banal na kasulatan ay ibinigay upang tulungan tayong sumulong sa pagiging sakdal o perpekto, na napakahalagang bahagi ng buhay na ito. Bawat araw lahat tayo ay may ilang minutong mailalaan sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan.

Sergij C., edad 21, Novosibirsk, Russia

Mas Malakas na Patotoo

Matagal na akong hindi nagbabasa ng mga banal na kasulatan hanggang sa imungkahi ng Young Women president ko na gawin ko ang Pansariling Pag-unlad. Hiniling niya na araw-araw kong basahin ang mga banal na kasulatan sa loob ng ilang linggo. Matapos gawin ito, hindi na ako tumigil pa sa pagbabasa nito. Ang pinakamagandang payong maibibigay ko ay gawin mo ang iyong Pansariling Pag-unlad o Tungkulin sa Diyos. Hamunin mo ang iyong sarili na basahin pa nang basahin ang mga banal na kasulatan, at makikita mo ang pagbabago sa iyong sarili. Sinasabi ko ito sa iyo nang walang pag-aalinlangan—makikita mo na lalakas ang iyong patotoo.

Paola S., edad 16, Cortés, Honduras

Manalangin para Makaunawa

Kahit noong marami akong proyekto at asaynment sa eskuwela, itinatabi ko ang mga bagay na iyon at inuuna kong basahin ang mga banal na kasulatan. Nagsisimula ako sa isang panalangin upang anyayahan ang Espiritu Santo sa pag-unawa sa salita ng Diyos. At sa tulong ng mga manwal sa seminary, nagkaroon ako ng hangarin na basahin ang mga banal na kasulatan at patuloy itong lumalago.

Elieser N., edad 16, Ilocos Norte, Philippines

Baluti ng Diyos

Ang susi sa pagkakaroon ng anumang kaugalian ay pagnanais. Naisin mong magbasa araw-araw. Ilista kung gaano karami ang nabasa mo, at subukang magbasa sa oras ding iyon araw-araw. Makakatulong ito sa iyo na gawin iyon palagi. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay parang pagsusuot ng baluti ng Diyos. Hindi ka susugod sa labanan nang hindi suot ang iyong baluti. Huwag pumasok sa makasalanang mundo nang hindi suot ang baluti ng Diyos. Protektahan ang iyong sarili—basahin ang mga banal na kasulatan.

Andrew G., edad 18, Maine, USA

Isang Bagay para sa Lahat

Nakakatulong sa akin ang isipin kung ano ang nasa mga banal na kasulatan. Hindi lamang ito naglalaman ng ebanghelyo, mga turo ni Cristo, at mga utos, kundi ang mga ito—lalo na ang Aklat ni Mormon—ay isang malaking aklat ng pakikipagsapalaran, puno ng mga digmaan, bayani, bida, at kontrabida. Ang mga banal na kasulatan ay may isang bagay para sa lahat.

Eve W., edad 15, Nevada, USA

Hindi Lamang Isang Aklat

Huwag isipin na ang mga banal na kasulatan ay isang aklat lamang na kailangan mong basahin sa seminary o dahil kailangan mo itong basahin. Nababasa mo ang salita ng Diyos. Ito ay naglalaman ng mga pakikipagsapalaran, dalamhati, digmaan. Ang mga banal na kasulatan ay isang tipan ni Jesucristo—na Siya ang ating Tagapagligtas, na nabuwis ang Kanyang dugo at namatay para sa atin. Ang mga propeta ay nagpropesiya tungkol sa Kanyang kabanalan. Maraming namatay dahil ayaw nilang itatwa ang alam nilang totoo. Hindi natinag ang kanilang pananampalataya. Dapat tayong magpunyaging lahat na maging tapat na tulad nila.

Kaleb L., edad 14, Utah, USA

Nais Ka Niyang Makausap

Ang ating Ama sa Langit ay may sagot sa bawat tanong mo sa Kanya; ang kailangan mo lang gawin ay basahin ang mga banal na kasulatan at ipamuhay ang mga ito. Ang pagkabatid na nais ng Ama sa Langit na makipag-usap sa iyo at sagutin ang iyong mga dalangin ay makatutulong sa paghahanap mo sa Kanya araw-araw sa mga banal na kasulatan. Kapag sinunod mo ang Kanyang salita, gaganda ang buhay mo, at magkakaroon ka ng kanlungan at katiwasayan. Magiging maligaya ka kapag narinig mo ang Kanyang tinig.

Elberth R., edad 18, Ixtapaluca, Mexico

Ugaliing Magbasa

Makatutulong nang malaki kung uugaliin mong magbasa. Magsimula nang paunti-unti; magbasa ng isa o dalawang kabanata sa bawat araw. Hindi magtatagal ay makakaugalian mo nang basahin ang mga banal na kasulatan. Karaniwan ay nagbabasa ako ng dalawang kabanata bawat gabi at kumakanta ng isang himno. Ang gawaing ito ay nagpapasigla sa akin at dahil dito umaasa ako na may mabuting mangyayari kinabukasan. At mas nauunawaan ko na ang mga aralin sa seminary. Ang mga banal na kasulatan ay isang pagpapala. Samantalahin ang mga ito.

Taylor C., edad 15, Washington, USA

Payo para sa Iyong Buhay

Ang mga banal na kasulatan ay kuwento ng mga karanasan ng mga taong dumaranas ng mga kahirapang tulad ng dinaranas natin. Sa pagsisimula mo ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan, mag-alay ng panalangin at manampalataya na mahahanap mo ang payo para sa iyong buhay. Ang mga banal na kasulatan ay isa sa mga paraan ng pakikipag-usap ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak. Sa mga banal na kasulatan makakakuha tayo ng lakas upang harapin ang lahat ng uri ng pagsubok, at pinatototohanan ko na kapag tayo ay naturuan nang maayos, magtatagumpay tayo sa paghiwatig ng mabuti sa masama at maiiwasan ang mga bitag ni Satanas.

Anderson F., edad 19, São Paulo, Brazil