2010
Sa Pinakamaliit na Ito
Disyembre 2010


Paglilingkod sa Simbahan

Sa Pinakamaliit sa mga Ito

Bilang ina ng apat na batang paslit, parang wala akong bakanteng oras. Sa isa sa mga araw na abala ako at nagmamadali, tinawag ako ng bishop namin at tinanong kung puwede niya kaming kausaping mag-asawa. Nagulat ako nang tawagin niya ako na maging Relief Society president.

Sinabi ko sa bishop na ipagdarasal ko iyon. Hindi ko lang alam kung paano ko magagampanan ang gayon kaabalang tungkulin sa panahong iyon ng aking buhay. Naisip ko ang kakulangan ko ng kakayahan at kawalang-katiyakan, at umiyak-dili ako sa loob ng dalawang araw.

Tinawagan ako ng isa sa mga visiting teacher ko, na walang kaalam-alam sa kalituhang nadarama ko noon, at nagtakda ng petsa para makipagkita sa akin. Nang bumisita siya nagkuwento siya tungkol kay Emma Somerville McConkie, na naglingkod bilang Relief Society president noong nagsisimula pa lang ang Simbahan sa Utah. Isang babae sa ward ni Sister McConkie ang may maraming anak, na kinabibilangan ng isang bagong silang na sanggol. Dahil hikahos ang pamilya ng babae, araw-araw nagpunta si Sister McConkie sa bahay nito, nagdadala ng pagkain at tumutulong sa pag-aalaga sa bata.

“Isang araw umuwi [si Sister McConkie] na talagang pagod at hapo. Natulog siya sa kanyang upuan. Nanaginip siya na pinapaliguan niya ang isang sanggol na natuklasan niyang ang Batang Cristo. Naisip niya, Naku, napakalaking karangalan ang maglingkod sa mismong Cristo. Habang nasa kanyang kandungan ang sanggol, napuspos siya ng kagalakan. … Hindi mabigkas na kagalakan ang pumuno sa kanyang buong katauhan. … Ang kanyang kagalakan ay sukdulan kaya’t nagising siya. Paggising niya, ang mga salitang ito ay sinabi sa kanya, “Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.’”1

Pinuspos ng kuwento ng kaaliwan at kapayapaan ang aking puso’t kaluluwa. Alam kong alam ng Panginoon ang aking kalagayan, na nais Niya akong maglingkod sa kababaihan sa ward, at pagpapalain Niya ako para magampanan ko ang lahat ng aking responsibilidad. Tinanggap ko ang tungkulin.

Namamangha pa rin ako na nagampanan ko ang aking tungkulin habang inaasikaso ko ang mga pangangailangan at kagustuhan ng aking pamilya, at nagpapasalamat ako sa isang visiting teacher na nabigyang-inspirasyon na magbahagi ng napapanahong mensahe. Simula noon hindi na ako nag-atubiling tumanggap ng tungkulin kahit kailan. May patotoo ako na kapag naglilingkod tayo sa ating Ama sa Langit, binibiyayaan Niya tayo ng oras, lakas, at kakayahang kailangan natin para magampanan ang ating mga tungkulin.

Tala

  1. Bruce R. McConkie, “Charity Which Never Faileth,” Relief Society Magazine, Mar. 1970, 169; idinagdag ang pagbibigay-diin.

Kanan: paglalarawan ni Laureni Fochetto