2010
Mga Tradisyon sa Pasko ng Pitumpu
Disyembre 2010


Mga Tradisyon sa Pasko ng Pitumpu

Ibinahagi ng mga miyembro ng Pitumpu kung paano nila ipinagdiriwang ang Pasko at ginugunita ang pagsilang ng Tagapagligtas.

Paano natin maipagdiriwang ang Pasko upang maging makabuluhan ito sa bawat miyembro ng pamilya? Paano natin mapananatiling nakasentro sa Tagapagligtas ang Pasko? Anong mga tradisyon ang makatutulong sa atin na maalala Siya at ang Kanyang pagsilang?

Ibinahagi ng mga miyembro ng Pitumpu mula sa iba’t ibang bansa at kultura ang mga paraan nila sa pagsagot sa mga tanong na ito para sa kanilang sarili at sa mga mahal nila sa buhay. Dito ay nagbahagi sila ng ilang makabuluhang alaala, patotoo, at tradisyon sa Pasko. (Ang kanilang bansang sinilangan ay nakalista sa mga panaklong.)

Elder Marcos A. Aidukaitis

Elder Marcos A. Aidukaitis (Brazil): Ang Pasko ay napakaespesyal na pagkakataon para pag-usapan ng aming pamilya ang ilang sagradong bagay na hindi namin napag-uusapan sa ibang mga araw ng taon sa gayon kapormal at natatanging paraan. Ito ay pagkakataon para mahalin at pasalamatan ang iba sa mga bagay na nangyari sa ating buhay.

Elder David S. Baxter

Elder David S. Baxter (Scotland): Noong maliliit pa ang mga anak namin, nagkakaroling kami sa Bisperas ng Pasko, naghahatid ng mga regalong malalaking kahoy na panggatong sa fireplace sa mga di-gaanong aktibong pamilya sa aming ward. Nagsisindi kami ng mga kandila sa Bisperas ng Pasko, nagbabasa ng kuwento tungkol sa Pasko, kumakain ng espesyal na hapunan, at magkakasamang nagsasaya sa Pasko.

Elder Gérald Caussé

Elder Gérald Caussé (France): Sa aming pamilya napagpasiyahan namin na ang Pasko ay hindi lamang sama-samang pagsasaya, kundi pagtutuon din ng pansin kay Cristo at paglilingkod sa ibang mga tao. Mga 10 taon na ang nakalilipas bumuo ang aming pamilya ng isang koro. Nagpunta kami sa mga ospital at bahay-pahingahan ng matatanda at kumanta ng mga awiting Pamasko. Noong una ay maliit na grupo lang kami. Karga namin ang aming mga sanggol at ang iba ay nasa mga stroller. Ngunit ngayon malalaki na ang mga sanggol na ito, at mahuhusay nang umawit. Ang koro namin ay binubuo ng 44 na katao na nagbabahagi hindi lamang ng mga awiting Pamasko sa wikang Pranses kundi mga himno rin ng Simbahan, at nagtagumpay kami. Pagkatapos kumanta, pumupunta ang mga bata sa mga maysakit o matatanda at nag-aabot ng mga munting regalong inihanda ng aming pamilya. Sinisikap naming mag-ukol ng oras sa bawat tao, at kausapin siya tungkol sa tunay na kahulugan ng Pasko at makinig din sa kanya. Laging maraming naibabahagi ang bawat isa.

Ang mga pagbisita namin ay mga espesyal na okasyon upang maalala ang alam namin tungkol sa pagiging Kristiyano at pagtataglay ng pangalan ni Cristo. Ang Pasko ay magandang paalala ng dapat nating iasal o ikilos sa buong taon.

Elder Eduardo Gavarret

Elder Eduardo Gavarret (Uruguay): Ang Pasko ay espesyal na panahon sa aming buhay. Laging maganda ang aming pakiramdam sa panahong iyan. Pagsapit ng buwan ng Disyembre, natatanto namin na ang Pasko ay panahon ng kapayapaan at pagsasama-sama ng pamilya. Tradisyon naming sulatan ang aming mga kaibigan, ngunit mas nasisiyahan kaming sulatan ang Tagapagligtas at ilagay ang mga ito sa Christmas tree bilang regalong nais naming ibigay sa Kanya.

Elder Carlos A. Godoy

Elder Carlos A. Godoy (Brazil): Bilang pamilya isinusulat namin ang aming patotoo sa mga kopya ng Aklat ni Mormon at ipinadadala ang mga ito sa mga kaibigan at kamag-anak bilang mga regalo sa Pasko. Dahil Pasko, laging tanggap ang mga regalo. At magandang paraan ito para maibahagi ang ebanghelyo at maalala na si Cristo ang pinakamahalagang bahagi ng araw na ito.

Elder Christoffel Golden Jr.

Elder Christoffel Golden Jr. (South Africa): Sa Bisperas ng Pasko sama-sama kaming naghahapunan, pagkatapos ay binabasa namin ang salaysay ni Lucas tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Sa Pasko ng umaga, suot ang aming damit-pangsimba, dumadalo kami sa isang maikling miting sa Pasko. Sa miting na ito dumadalo rin ang ilang hindi miyembro at di-gaanong aktibong miyembro. Kalaunan ay kinakausap namin ang mga kaibigan at iba pang mga kamag-anak sa mga pagtitipon ng pamilya at doon ay pinatitibay ang ugnayan ng aming pamilya sa tunay na diwa ng Pasko.

Elder Donald L. Hallstrom

Elder Donald L. Hallstrom (USA): Tuwing Bisperas ng Pasko noong mga nakaraang taon nagtitipon kami para magdaos ng kalugud-lugod at di-malilimutang sandali ng pagpapatotoo. Bawat miyembro ng pamilya ay binibigyan ng pagkakataong ipahayag ang kanyang damdamin tungkol sa Tagapagligtas at sa ating Ama sa Langit. Ang matinding pagmamahalan na iyon ang naglalapit sa amin sa isa’t isa, at damang-dama ang pagpapakita ng pagmamahal sa mga kapamilya. Pagkatapos ay sasabihin ng aking ama ang kanyang mga inaasam para sa pamilya at hihikayatin nang husto ang bawat miyembro ng pamilya na manatiling tapat sa pananampalataya. At saka kami sama-samang luluhod sa pangwakas na panalangin ng pamilya.

Elder Paul V. Johnson

Elder Paul V. Johnson (USA): Isa sa mga tradisyon ng aming pamilya ang dumalo taun-taon sa pagtatanghal kung saan makakasabay ang mga nanonood sa pag-awit ng koro ng Messiah ni Handel. Gustung-gusto namin iyan. Bawat isa sa amin ay may kopya ng musika, at binibigyan kami nito ng pagkakataong kantahin ang magagandang titik, na nilapatan ng himig ni Handel, at gunitain ang ministeryo ng Tagapagligtas.

Elder Yoshihiko Kikuchi

Elder Yoshihiko Kikuchi (Japan): Mga 30 araw bago sumapit ang Pasko, sinisikap na naming mag-asawa na basahin ang mga salita ng mga propeta sa mga banal na kasulatan tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas. Kung araw-araw kayong magbabasa hanggang Disyembre 25, unti-unti ninyong madarama ang diwa ng Pasko, sa bawat kuwento, sa bawat talata ng mga banal na kasulatan. Iyan ang sinisikap naming gawin sa aming pamilya.

Lagi kong naaalala ang sagot ni Nephi sa tanong ng anghel tungkol sa kahulugan ng punungkahoy sa panaginip ng kanyang ama. Sabi ni Nephi, “Oo, ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa mga puso ng mga anak ng tao” (1 Nephi 11:22). Para sa akin, ang Pasko ay tungkol sa pag-ibig ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Erich W. Kopischke

Elder Erich W. Kopischke (Germany): Sa panahong ito, kitang-kita ang pagbabago sa buong kabahayan. May dekorasyon ang mga sanga ng fir tree, may mga palamuting kandila sa mga bintana, at may nakasabit na mga Christmas light. Naglalagay ang mga bata ng mga Pamaskong dekorasyon sa kanilang silid, nagluluto ng mga cookie at gingerbread, at nalalanghap ang masarap na amoy sa buong bahay—ang mabangong amoy ng fir tree at cinnamon.

Bisperas ng Pasko ang paboritong oras naming mag-imbita ng mga kapamilya at kaibigan sa aming tahanan. Nagsisindi kami ng mga kandila at nagpaparikit ng apoy sa fireplace. Naghahanda kami ng mga espesyal na aklat ng mga Pamaskong awitin na gustung-gusto naming kantahin. Inilalabas ko ang aking accordion, at pumipili ng kantang Pamasko ang bawat isa na sabay-sabay naming kinakanta. May kakaibang diwang ikinasisiya ng bawat isa.

Pagkatapos ay nagbubukas kami ng mga regalo. Ang maliliit na bata muna. Lahat ay nakatingin at nasasabik habang inaalisan ng balot ang bawat regalo. Matapos buksan ang lahat ng regalo, biglang nawawala ang mga bata na bitbit ang mga iniregalo sa kanila. Naiiwan ang matatanda at nag-uusap-usap. Para talagang isang espesyal na family home evening.

Kung minsan nag-aanyaya kami ng iba sa Bisperas ng Pasko na maaaring nag-iisa. Napakaganda talaga ng mga Paskong ito.

Elder Michael John U. Teh

Elder Michael John U. Teh (Philippines): Ang kahulugan sa akin ng Pasko ay si Cristo at ang aking pamilya. Pagkakataon ito para muling mangako sa aking sarili na pagbutihin pa ang kaugnayan ko sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas at bilang asawa’t ama. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makadalo sa sacrament meeting sa buong taon dahil ito ang sandali para mapanibago ko ang mga tipang iyon at gunitain ang Pasko. Maaaring maging Pasko linggu-linggo, isang panahon na muli akong mangangako sa aking sarili na alalahanin ang Tagapagligtas.

Elder José A. Teixeira

Elder José A. Teixeira (Portugal): Ang pinakamainam na paraan para mapanatili sa aming pamilya ang diwa ng Pasko, hindi lamang sa panahong ito kundi sa buong taon, ay sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sa pagbabasa ng pamilya namin ng mga banal na kasulatan, naaalala namin ang Tagapagligtas at ang tunay na diwa ng Pasko.

Ang tunay na kahulugan ng Pasko sa amin ng pamilya ko ay si Jesucristo. Panahon ito ng pagbibigay, pagtanggap, muling pakikipag-ugnayan sa ating mga pamilya, at pagpapakita ng dagdag na pagmamahal sa mga tao sa ating paligid.

Elder Francisco J. Viñas

Elder Francisco J. Viñas (Spain): Nais kong ibahagi sa inyo ang isang karanasan namin sa paglilingkod ko bilang mission president noong 1989. Habang naglilingkod kami sa Argentina Salta Mission, ilang araw bago sumapit ang Pasko, tumanggap kami ng tagubilin mula sa Missionary Department na kailangang manatili ang mga misyonero sa kanilang apartment hanggang sa makatanggap ng panibagong pabatid dahil sa pananakop ng Estados Unidos sa Panama.

Sa umaga ng Disyembre 24, pinuno namin ang mga sasakyan ng misyon at hinati ang misyon sa dalawa: ang mga assistant ay nagpunta sa hilagang bahagi ng misyon, at kami ng anak kong lalaki na walong taong gulang ay nagpunta sa katimugang bahagi ng misyon. Ang layunin ay bisitahin ang bawat magkompanyon sa kanilang apartment, maghatid ng pagkain, at magbahagi ng Pamaskong mensahe sa kanila. Napakagandang karanasan nito para sa amin ng anak ko. Ang pagpunta sa bawat apartment at pagbabahagi sa mga misyonero ay isang napakagandang karanasan para sa aming dalawa—na lagi naming ituturing na napakagandang alaala ng Pasko.

Nanatili sa mission home ang aking asawa at dalawang anak na babae, at nagbalik kami ng anak kong lalaki noong madaling-araw ng Disyembre 25. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na hindi kami magkakasama ng pamilya ko sa Bisperas ng Pasko, ngunit para sa amin iyon ang Paskong hindi malilimutan sa lahat.

Elder Jorge F. Zeballos

Elder Jorge F. Zeballos (Chile): Kapag may patotoo kayo kay Jesucristo—na Siya ay buhay, na Siya ang ating Tagapagligtas, ating Manunubos—ang pinakamainam na paraan para maipakita ang inyong pagmamahal sa Kanya ay maging masunurin sa Kanyang mga kautusan. Kaya’t para sa akin, ang pinakamainam na paraan para maalala Siya, hindi lamang sa Kapaskuhan kundi araw-araw, ay maging masunurin sa lahat ng bagay na ipinagagawa Niya sa atin.

Elder Claudio D. Zivic

Elder Claudio D. Zivic (Argentina): Ang kahulugan ng Pasko sa aming pamilya ay pagdiriwang ng pagsilang ni Jesucristo, na ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang ibig sabihin nito ay pagtitipon ng pamilya sa Bisperas ng Pasko upang magdaos ng home evening kung saan kasali ang lahat sa pagtatanghal, pagbabasa, at pagkanta ng mga espesyal na kaganapan sa pagsilang ng Sanggol ng Bet-lehem. Noon pa man ito na ang pinakamahalagang pagdiriwang sa aming tahanan, at sinisikap naming panatilihin ang diwa nito sa pamumuhay ng ebanghelyo sa bawat araw.

Mga retrato ng mga dekorasyon sa Pasko na kuha ni John Luke; globo na gawa ng Mountain High Maps © 1993 Digital Wisdom