2010
Pasko ng Isang Misyonero
Disyembre 2010


Mga Kabataan

Pasko ng Isang Misyonero

Sa ikalawang Pasko ko bilang full-time missionary, binisita namin ng kompanyon ko ang isang bagong binyag na miyembro at ang pamilya nito. Pagkatapos ng masarap na Pamaskong hapunan, nagbahagi kami sa kanila ng isang mensahe sa Kapaskuhan.

Hiniling namin sa pamilya na idrowing ang mga bagay na nagpapaalala sa kanila ng Kapaskuhan, tulad ng mga bituin, regalo, belen, at Christmas tree. Pagkatapos ay nagbasa kami ng ilang talata sa banal na kasulatan, kabilang na ang 2 Nephi 19:6: “Sapagka’t sa atin ay isinilang ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging Kahanga-hanga, Tagapayo, Ang Makapangyarihang Diyos, Ang Amang Walang Hanggan, Ang Prinsipe ng Kapayapaan.” Kinanta namin ang “Once in Royal David’s City” (Hymns, blg. 205), nanood kami ng isang pelikula tungkol sa Pagsilang ni Jesus, at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo.

Iyon ay simpleng Pasko, malayo sa aming mga pamilya at sa karaniwang pagdiriwang ng Pasko, ngunit nang magpatotoo kami tungkol sa Tagapagligtas, nakadama ako ng mas matinding pagmamahal at pasasalamat sa Kanya at sa Kanyang pagsilang kaysa dati. Natanto ko na iyon ang huli kong Pasko sa paglilingkod ko bilang full-time missionary sa aking Ama sa Langit, ngunit naunawaan ko na ang Kanyang Espiritu ay makapagpapatotoo sa akin tungkol sa Kanyang Anak saanman ako naroon.