2010
Pagtulong sa mga Bata na Gamitin ang Kanilang Kalayaan
Disyembre 2010


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Pagtulong sa mga Bata na Gamitin ang Kanilang Kalayaan

Tulad ng pagtuturo ng Ama sa Langit kina Eva at Adan tungkol sa kalayaan, kailangan nating tulungan ang ating mga anak na maunawaan at magamit ang sarili nilang kalayaan.

Nang likhain ng Ama sa Langit sina Eva at Adan, sila ay walang kamalayan. Wala silang gaanong alam tungkol sa buhay at mga bunga nito. Ngunit ang Ama sa Langit ay kasama nila at tinuruan sila, at Siya ay mapagtiyaga sa kanila habang natututo sila tungkol sa buhay nila rito.

Bilang mga magulang may pribilehiyo rin tayong makapiling ang ating musmos na mga anak at turuan sila. Gayunman, palagay ko ay maaari nating malimutan kung minsan na ang ating mga anak ay mga espiritung anak din ng ating Ama sa Langit. Responsibilidad nating ituro sa kanila ang mga unang aral nila sa buhay, at misyon nating gabayan sila tungo sa Tagapagligtas na si Jesucristo.

Kung susundan natin ang halimbawa ng Ama sa Langit sa Halamanan ng Eden, aakuin natin ang responsibilidad na pangalagaan ang ating mga anak at ituturo sa kanila ang tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa paggawa nito, kailangan nating ituro sa kanila ang mga ibubunga ng kanilang mga gagawin. Hindi ito madaling gawin, dahil tayo mismo ay natututo pa, at kung minsan ay bigo tayong sundin ang kalooban ng ating Ama sa Langit. At kung minsan gusto nating makialam at sagipin ang ating mga anak kahit na maaari silang matuto sa kanilang mga kamalian.

Matiyagang itinuro ng Ama sa Langit kina Eva at Adan ang tungkol sa kalayaan sa simula pa. Binigyan Niya sila ng mga kautusan, mga bunga nito, at ng kakayahang gamitin ang kanilang kalayaan, na sinasabing, “Sa lahat ng punungkahoy sa halamanan ay malaya kang makakakain, datapwat sa punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama, ay huwag kang kakain nito, gayon pa man, ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagkat ito ay ibinigay sa iyo; subalit, pakatandaan na ito ay aking ipinagbabawal, sapagkat sa araw na kumain ka niyon ikaw ay tiyak na mamamatay” (Moises 3:16–17; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Maaari nating isipin kung paano hihikayatin ang ating mga anak na sundin ang mga kautusan nang hindi sila pinipilit. May ilang bagay tayong magagawa na makatutulong. Maaari nating ituro sa ating mga anak ang ebanghelyo, lalo na mula sa mga banal na kasulatan, pagkatapos ay mamuhay tayo ayon sa mga alituntuning iyon. Maaari natin silang turuan sa salita at halimbawa na umasa sa ating Ama sa Langit at ibahagi sa kanila ang mga pagpapalang nagmumula sa pamumuhay ng ebanghelyo. Maaari nating ituro sa kanila na dahil sa ating mga kahinaan, tayo bilang mga magulang ay kailangan ang Kanyang pagmamahal, awa, at pasensya tulad ng ating mga anak.

Kung minsan, kapag gumawa ng kapilyuhan ang musmos nating mga anak, maaari tayong mawalan ng pag-asa, ngunit hinding-hindi mawawalan ng pag-asa sa atin ang ating Ama sa Langit. Kailangang matuto tayong tingnan ang ating mga anak na tulad ng pagtingin sa atin ng ating Ama sa Langit: bilang Kanyang mga anak na may potensiyal na maging katulad Niya sa pamamagitan ng kapangyarihan at biyaya ng Kanyang Anak. Wala tayong kapangyarihang iligtas ang ating mga anak, ngunit maaari tayong maging mabubuting halimbawa at sumampalataya alang-alang sa kanila.

Hindi tayo narito para pilitin ang sinuman na gawin ang kalooban ng Ama sa Langit. Mangyari pa, ang kalayaan at responsibilidad na ibinibigay natin sa ating mga anak ay depende sa kanilang edad at mga kakayahan. Sa pagtulong sa ating mga anak na gamitin sa wastong paraan ang kanilang kalayaan, mas magiging madali silang turuan at mahalin, anuman ang gawin nila.

Alam ng ating Ama sa Langit na matutukso sina Eva at Adan at kakainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman ng mabuti at masama. Noon pa man ay naghanda na Siya ng paraan para makabalik sila sa pamamagitan ng Kanyang Anak. Nagsugo Siya ng anghel upang ituro sa kanila ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas, ang mga alituntunin ng pagsisisi, at kung paano sila mananawagan sa Diyos sa pangalan ng Anak at magkamit ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ng Ama sa Langit (tingnan sa Moises 5).

Sa pagpapakita ng pagmamahal sa ating mga anak at pagtuturo sa kanila na kahit maligaw sila ng landas, mananatili tayong matatag, umaasa at nagdarasal na magkaroon sila ng galak sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo at tunay na pagsisisi. Habang isinasaisip ang mga alituntuning ito, pagpapalain tayo na lalong mapuspos ng dalisay na pag-ibig ni Cristo at mas magtatagumpay bilang mga magulang (tingnan sa D at T 121:41–46).

Paglalarawan ni Michael Parker