2010
Pasko sa Ubasan
Disyembre 2010


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pasko sa Ubasan

Ano ang nakahihikayat sa isang grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw na iwan ang kanilang mga tahanan sa araw ng Pasko para maghapong magtrabaho? Hangad nilang maglingkod sa Kanya na ang pagsilang ay ating ipinagdiriwang.

Sa huling bahagi ng Disyembre nababalot ng malamig na hamog ang mga baging ng ubas sa dilim ng madaling-araw. Tahimik ang ubasan maliban sa isang bahagi nito, na puno ng mga tinig at maliliwanag na siga. Umaga ng Pasko noon, at sa buong lambak na ito, namamaluktot pa rin ang mga tao sa kanilang higaan o kaya naman ay nakatipon sa paligid ng mga Christmas tree at minamasdan ang mga batang nananabik. Ngunit hindi ang maliit na grupo sa ubasan. Nagpunta sila para magbigay ng regalo.

Para maunawaan ang ibig sabihin ng regalo, dapat ninyong malaman na ang ubasang ito sa Madera, California, USA, ay bahagi ng welfare production system ng Simbahan. Bawat taon nakakagawa ito ng 400,000 libras (180,000 kg) ng mga pasas. Kalahati ng ani ay napupunta sa mga estante ng bishops’ storehouse. Ang nalalabi ay ginagamit sa pamamahagi sa mga taong nangangailangan sa buong mundo. Ang mga ward at branch mula sa walong stake ay inaatasan ng mga gagawin at mga hanay ng tanim na ubas na pangangalagaan nila.

Ang isang mahalagang gawain ay pungusan ang mga baging ng ubas. Ang nakabuhol na mga baging sa nakaraang anihan ay kailangang pungusin, na iniiwan lamang ang ilang sangang magbubunga ng ubas sa susunod na pag-ani. Kung wala ang pagpupungos na ito sa panahon ng hindi pamumunga ng ubasan, masyadong yayabong ang ubasan. Hindi kakayanin ng mga ugat ang napakaraming baging. Kakaunti ang nagiging bunga, at malaki ang kabawasan nito sa ani.

Bakit kailangang gawin ito sa araw ng Pasko? Dahil marami sa mga miyembro ng ward ang nagtatrabaho sa bukid, nagpupungos ng mga ubasan at taniman ng mga prutas bilang hanapbuhay. Puspusan ang kanilang trabaho sa panahong ito, kaya ito lang ang araw na libre sila sa loob ng ilang linggo. Pasko na—at dito nila ito ginugugol sa ubasan ng Simbahan. Katunayan, nitong nakaraang 15 Pasko ay 8 beses silang naparito. Sa mga miyembrong ito ng Madera Third Ward na Espanyol ang wikang gamit, ito ang regalo nila sa El Niño—sa batang Cristo.

Ipinaliwanag ng isang manggagawa, si Miguel Chavez, na isang paraan ito ng pagtanaw ng utang na loob sa lahat ng pagpapalang natatanggap nila mula sa Panginoon: “May naibibigay kami sa mga pamilyang nangangailangan. Ang maliit naming kontribusyon ay nagiging malaking pagpapala sa ibang tao.” Isa pang miyembro ng ward ang nagsabing, “Ito ang pinakamagandang trabahong magagawa namin dahil ito ay ubasan ng Diyos.”

Kaya’t sa araw na ito ng Pasko, kapag tapos nang magpungos, magbalot, at magtali ng kanilang mga baging ng ubas ang mga miyembrong ito ng Madera Third Ward, tinatapos nila ang bahagi ng dalawang magkatabing hanay na nakatoka sa ward. Ito ay regalong angkop sa isang Hari.

Larawang kuha ni Howard Collett