Pasko sa Bagong Daigdig
Sa lupain ng Amerika, ang palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas—isang gabing walang kadiliman—ang nagligtas sa mga mananampalataya.
Mapapansin ba ninyo kung biglang lumitaw ang isang bagong bituin sa kalangitan isang gabi? Baka hindi. Pero tiyak na mapapansin ninyo ang isang gabing hindi dumilim—isang gabing nanatiling kasingliwanag ng tanghaling-tapat kahit lumubog na ang araw. Mahirap na hindi mapansin iyan, lalo na kung kasama kayo ng maraming tao nang tumayo si Samuel na Lamanita sa ibabaw ng pader ng lungsod at binigkas ang malalaking palatandaan at kababalaghang magiging hudyat ng pagsilang ng Anak ng Diyos. Kung narinig ninyong nagsalita si Samuel, tiyak na babantayan ninyo ang mga palatandaan.
Ang Misyon ni Samuel sa Zarahemla
Si Samuel ay isang Lamanita na inutusan ng isang anghel na magpunta sa lupain ng Zarahemla upang sabihan ang mga Nephita na magsisi. Sa panahong ito sa kasaysayan ng Bagong Daigdig gaya ng nakatala sa Aklat ni Mormon, mga Lamanita ang mas mabubuting tao—kaya nga kinailangan ng isang propetang Lamanita. Walang dudang batid ng Panginoon na mahaba-habang panahon ang kailangan ng mga Nephita para talikuran ang masasama nilang gawain at tanggapin Siya bilang Manunubos ng daigdig, kaya’t nauna nang limang taon ang pagsugo Niya kay Samuel para ihanda ang mga tao sa Kanyang pagdating.
Bukod sa pangangaral na magsisi, inutusan ng isang anghel si Samuel na ituro sa mamamayan ng Zarahemla ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo. Alinsunod dito, ipinahayag ni Samuel na pagkalipas ng limang taon ay magkakaroon ng “palatandaan sa panahon ng kanyang pagparito; sapagkat masdan, magkakaroon ng mga dakilang liwanag sa langit, kung kaya nga’t sa gabi bago siya pumarito ay hindi magkakaroon ng kadiliman, kung kaya nga’t sa paningin ng mga tao ito ay magmimistulang araw” (Helaman 14:3). Magaganap daw ang palatandaang ito “sa gabing bago [ang Panginoon ay] isilang” (Helaman 14:4). Bilang karagdagan sa pagpopropesiya tungkol sa isang gabi na walang kadiliman, sinabihan sila ni Samuel na abangan ang “isang bagong bituin … , isa na hindi pa kailanman namamasdan” (Helaman 14:5).
Pinagtawanan ang mga Mananampalataya
Mga limang taon pagkaraan ng mga propesiya ni Samuel, ang matatapat ay hinamak ng kanilang mga kaaway, na nagsabing, “Ang panahon ay lumipas na, at ang mga salita ni Samuel ay hindi natupad; anupa’t ang inyong kagalakan at ang inyong pananampalataya hinggil sa bagay na ito ay nawalang-saysay” (3 Nephi 1:6). Nagsabwatan pa ang mga hindi naniniwala na patayin ang mga mananampalataya kung hindi lumitaw ang mga palatandaan sa takdang petsa (tingnan sa 3 Nephi 1:9).
Nang papalapit na ang takdang limang taon, ang matatapat ay nagsimulang “malungkot nang labis, at baka sa anong paraan ang mga bagay na sinabi ay hindi mangyari” (3 Nephi 1:7). Ngunit patuloy silang “matatag na naghintay sa maghapong yaon at sa magdamag na yaon at sa maghapon na magiging isang araw na parang walang gabi, upang malaman nila na ang kanilang pananampalataya ay hindi nawalang-kabuluhan” (3 Nephi 1:8).
Natupad ang Propesiya
Ang itinakdang araw ng pagpatay sa mga mananampalataya ay papalapit na. Ang mga pangamba ng kanyang mga tao ay nagpalungkot nang husto sa propetang si Nephi kaya’t nagsumamo siya sa Ama sa Langit “sa kapakanan ng kanyang mga tao, oo, yaong maaaring mapahamak dahil sa kanilang pananampalataya. [At] siya ay nagsumamo nang buong taimtim sa Panginoon sa buong araw na yaon” (3 Nephi 1:11–12). Narinig ang kanyang mga pagsamo, at nangusap sa kanya ang Panginoon, “Itaas mo ang iyong ulo at magalak; sapagkat masdan, dumating na ang panahon, at sa gabing ito ang palatandaan ay makikita, at kinabukasan, paparito ako sa daigdig, upang ipakita sa sanlibutan na tutuparin ko ang lahat ng aking pinapangyaring sabihin ng bibig ng aking mga banal na propeta” (3 Nephi 1:13). Nang gabing iyon, “sa paglubog ng araw ay hindi nagkaroon ng kadiliman” (3 Nephi 1:15), tulad ng ipinropesiya ni Samuel. Lahat ng ipinropesiya ni Samuel ay nangyari, maging ang paglitaw ng isang bagong bituin.
Walang Dahilan para Hindi Maniwala
Sa Biblia walang nakatalang isang gabi na walang kadiliman sa panahon ng pagsilang ni Cristo at maikli lamang ang binanggit tungkol sa bagong bituin, na nakita ng mga Pantas na sumunod dito papunta sa batang Cristo (tingnan sa Mateo 2:2, 9–10). Sa rehiyon ng Judea, iilang tao lang ang nakasaksi sa mga palatandaan ng pagsilang ni Cristo, gaya ng mga pastol (tingnan sa Lucas 2:8–18). Ngunit sa mga lupain ng Amerika, “lahat ng tao sa balat ng buong lupa mula sa kanluran hanggang sa silangan, kapwa sa lupain sa hilaga at sa lupain sa timog” ay nakita ang mga palatandaan at nalaman na “ang Anak ng Diyos hindi maglalaon ay magpapakita” (3 Nephi 1:17).
Bakit nasaksihan ng napakaraming tao ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas sa Bagong Daigdig? May kaunting paliwanag ang mga salita ni Samuel: “Sinabi ng anghel sa akin na marami ang makakikita ng higit na mga dakilang bagay kaysa rito, sa layuning sila ay maniwala na ang mga palatandaang ito at mga kababalaghang ito ay mangyayari sa ibabaw ng buong lupaing ito, sa layuning huwag magkaroon ng dahilan na magkaroon ng kawalang-paniniwala sa mga anak ng tao” (Helaman 14:28; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Naligtas Din sa Wakas
Nang muling sumikat ang araw sa kalangitan pagkatapos ng gabing walang kadiliman, “alam [ng mga tao] na ito ang araw na ang Panginoon ay isisilang, dahil sa palatandaang ibinigay” (3 Nephi 1:19). Para na ninyong nakita ang malaking kagalakan! Ligtas na ang mga mananampalataya. Naligtas ang kanilang buhay mula sa kamatayan sa mga kamay ng kanilang mga kaaway na hindi naniniwala. Naligtas din sila sa espirituwal, dahil naparito ang Anak ng Diyos sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Hindi natin karaniwang iniisip ang Pasko bilang pagdiriwang ng pagkaligtas, gaya ng Paskua sa mga Judio, na nagdiriwang ng pagkaligtas ng mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit ang araw ng pagsilang ng Tagapagligtas ay talagang araw ng kaligtasan para sa mga mananampalataya sa Bagong Daigdig.
Sa pagdiriwang ninyo ng Pasko sa taong ito, alalahanin ang mga pangyayaring naganap sa lupain ng Amerika gayundin ang nangyari sa kabilang panig ng mundo sa lugar na sinilangan ng Tagapagligtas. Bagama’t ang Kanyang pagsilang ay naghatid ng espirituwal na kaligtasan sa buong sangkatauhan, talagang literal nitong iniligtas sa kamatayan ang isang grupo ng matatapang na mananampalataya sa Bagong Daigdig. At ang Kanyang pagsilang ay patuloy na naghahandog ng kaligtasan sa lahat ng tumatanggap sa Kanya bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas.