Mensahe ng Unang Panguluhan
Nakikita Ba Natin ang Cristo?
Isang gabi binabasahan ng isang lolo ng kuwento ang kanyang apat-na-taong-gulang na apong babae nang tumingala ito at sinabing, “Lolo, tingnan po ninyo ang mga bituin!” Magiliw na ngumiti ang matanda at sinabing, “Nasa loob tayo ng bahay, apo ko. Walang mga bituin dito.” Ngunit mapilit ang bata, “May mga bituin po sa kuwarto ninyo! Tingnan ninyo!”
Tumingala ang lolo at, laking gulat niya nang mapansin na tadtad ng metallic glitter ang kisame. Karaniwan ay hindi ito nakikita, ngunit nang matutukan ng liwanag ang glitter, talagang para itong mga bituin sa kalawakan. Mga mata pa ng isang bata ang kinailangang makakita sa mga ito, samantalang matagal nang naroon ang mga ito. At mula sa sandaling iyon, nang pumasok sa kuwartong ito ang lolo at tumingala, nakita niya ang hindi niya nakita noong una.
Pumapasok tayo sa isa pang napakagandang Kapaskuhang puno ng musika at mga ilaw, pagtitipon at regalo. Ngunit sa lahat ng tao, tayo bilang mga miyembro ng simbahan na nagtataglay ng pangalan ng Tagapagligtas ay kailangang lampasan ng tingin ang mga nakikita sa panahong ito at tingnan ang dakilang katotohanan at kagandahan sa panahong ito ng taon.
Ilan kaya sa Bet-lehem ang nakaalam na doon mismo, malapit sa kanila, isinilang ang Tagapagligtas? Ang Anak ng Diyos, ang pinakahihintay at ipinangakong Mesiyas—Siya ay kasama nila!
Naaalala ba ninyo kung ano ang sinabi ng anghel sa mga pastol? “Ipinanganak sa inyo ngayon sa bayan ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo ang Panginoon.” At sinabi nila sa kanilang sarili, “Magsiparoon nga tayo ngayon hanggang sa Bet-lehem, at tingnan natin itong nangyari” (Lucas 2:11, 15).
Gaya ng mga pastol noong unang panahon, kailangan nating sabihin sa ating puso, “Tingnan natin itong nangyari.” Kailangan natin itong hangarin sa ating puso. Tingnan natin ang Banal ng Israel sa sabsaban, sa templo, sa bundok, at sa krus. Gaya ng mga pastol, luwalhatiin at purihin natin ang Diyos para sa mga balitang ito ng malaking kagalakan!
Kung minsan ang mga bagay na pinakamahirap makita ay ang mga bagay na nasa harapan lang pala natin noon pa. Gaya ng lolong hindi nakita ang mga bituin sa kisame, kung minsan ay hindi natin makita ang bagay na nasa harap na natin.
Tayo na nakarinig na sa maluwalhating mensahe ng pagparito ng Anak ng Diyos, tayo na nagtaglay sa ating sarili ng Kanyang pangalan at nakipagtipan na tatahakin ang Kanyang landas bilang Kanyang mga disipulo—dapat nating buksan ang ating mga puso’t isipan at tunay Siyang makita.
Ang Kapaskuhan ay napakaganda sa maraming paraan. Panahon ito ng pagpapakita ng kabaitan at pagmamahal ng kapatid. Panahon ito ng higit na pagninilay tungkol sa sarili nating buhay at sa maraming pagpapalang napasaatin. Panahon ito para magpatawad at mapatawad. Panahon ito ng kagalakan sa musika at mga ilaw, pagtitipon at regalo. Ngunit hindi dapat padilimin ng panlabas na kariktan ng panahon ang ating paningin at maging hadlang upang tunay na makita natin ang Prinsipe ng Kapayapaan sa Kanyang kamahalan.
Gawin nating panahon ng kagalakan at pagdiriwang ang Kapaskuhan sa taong ito, isang panahon na kinikilala natin ang himala na isinugo ng ating Makapangyarihang Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang tubusin ang mundo!