2010
Ang Pinakamaganda Kong Pasko
Disyembre 2010


Ang Pinakamaganda Kong Pasko

Morten Sønderskov, Denmark

Isang Disyembre noong bata pa ako, nagkasakit nang malubha ang nanay ko. Nanlalata siya dahil sa iniinom niyang gamot, at mga 18 oras siyang natutulog sa isang araw.

Dahil mag-isa lang ang nanay ko, sinisikap namin ng ate ko na gawin ang lahat ng gawain sa bahay sa abot ng makakaya namin, pero napakabata pa namin noon at walang muwang, at hindi kami gaanong mahusay. Nang ilang araw nang maysakit ang aming ina, naghanap na kami ng makakain. Habang naghahanap kami sa kusina, tumunog ang doorbell.

Isang babae mula sa aming ward ang nasa balkon, at may dalang pagkain. Hindi niya alam ang aming pangangailangan, ngunit naroon siya at may dalang pagkain. Nagtanong siya kung gaano katagal nang maysakit ang aming ina at kung paano namin nakayanan iyon na kami lang. Tiniyak namin sa kanya na ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin, ngunit nagpasalamat kami sa kabaitan niya sa pagbibigay sa amin ng pagkain.

Pag-alis niya sa aming tahanan, tinawagan niya ang Relief Society president at ipinaalam ang sitwasyon ng aming pamilya. Kinabukasan at sa maraming araw pa mula noon, naghatid ng mga pagkain ang mga miyembro ng ward sa bahay namin. Laking pasasalamat namin! Ang hindi namin nakain agad ay inilagay namin sa freezer, at dahil sa kabaitan ng aming ward, sumobra pa ang pagkain ng aming pamilya nang sumunod na tatlong buwan. Ngunit hindi doon natapos ang kabaitang ipinakita ng iba.

Paparating na ang Pasko, at unti-unti nang bumuti ang kalagayan ni Inay, ngunit mas mahina pa rin siya kaysa dati. Dumating sa bahay namin ang tito ko mula sa Copenhagen, mga 40 milya (65 km) ang layo, upang tumulong sa mga paghahanda para sa Kapaskuhan. Bukas-palad niyang ginawa ang makakaya niya, nagbigay ng Christmas tree at kaunting pagkain para sa pagdiriwang ng aming pamilya. Nagdala rin siya ng ilang regalo para sa aming magkapatid. Kami naman ay bumili ng ilang simpleng regalo para sa aming ina at tito. Alam namin na marami kaming dapat ipagpasalamat, ngunit dahil mga bata pa medyo nalungkot kami sa kinalabasan ng Paskong ito.

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, tumunog ang aming doorbell. Dumungaw ako sa bintana pero wala akong makitang sinuman. Naisip ko na baka may nagbibiro sa amin, pero sabi ng kapatid ko buksan ko na lang ang pinto. Nakita namin sa aming balkon ang isang malaking basket ng pagkain at iba pang mga kailangan namin, pati na ilang laruan. Natiyak namin na naihatid ito sa maling bahay. Nagpunta kami sa kapitbahay para itanong kung sa kanila dapat inihatid ang basket, pero wala sila roon. Pagkatapos ay napansin namin na nakasulat ang mga pangalan namin sa mga regalo. Mayroon pang para sa tito ko. May taong nakaalala sa amin.

Dahil sa bukas-palad na pagbibigay ng isang taong hindi nagpakilala sa aming pamilya noong taon na iyon, ang isang madilim at malungkot na Pasko ay naging pinakamagandang Pasko sa buhay ko. Ang kabaitan at pagmamahal na nadama namin mula sa iba ay patuloy pa ring umaantig sa akin ngayon.