Ebanghelyo sa Aking Buhay
Walang Sapat na Panahon?
Akala ko wala akong sapat na panahon para sa institute. Ngunit hinikayat ako ng Espiritu na bigyan ito ng panahon.
Noong mga huling araw ng Disyembre 2008 nakaupo ako sa silid selestiyal ng Seoul Korea Temple, na iniisip ang darating na bagong taon. Mga dalawang buwan pa lang akong naikakasal sa templong ito, at nitong nagdaang mga araw at linggo ay tila punung-puno ako ng trabaho, tungkulin sa Simbahan, at nagsisimula pa lang ako sa buhay may-pamilya. Noon pa ako regular na dumadalo sa mga klase ng institute, ngunit ngayon ay napag-isip ko na marahil ay titigil na ako sa pagdalo.
Habang ipinagdarasal na magabayan ako sa bagong taon, nadama ko ang malinaw na impresyon na magpatuloy ako sa pagdalo sa institute. Nadama ko rin na dapat kong dalasan ang pagpunta sa templo. Pag-alis ko sa templo nang araw na iyon, napuno ako ng kapayapaan at pasasalamat sa bagong patnubay na ibinigay sa akin ng Panginoon. Damang-dama ko na kung susundin ko ang patnubay na natanggap ko, pagpapalain ako.
Mula noong Enero nagsimula akong maglingkod bilang temple worker sa Seoul Temple. Kinailangan kong magbiyahe nang mga isang oras nang dalawang beses sa isang linggo upang makarating sa templo sa oras ng aking trabaho. Dagdag pa rito, isang oras ding nagbibiyahe ang asawa ko nang dalawang beses sa isang linggo, ang isa para maglingkod bilang temple worker at ang isa pa ay para kasabay kong dumalo sa klase ng institute sa Aklat ni Mormon.
Habang ginagawa ko ang karagdagang mga tungkuling ito, hindi nagtagal ay naging malinaw na kailangan kong bawasan ang pagtatrabaho ko nang ilang oras bawat linggo. Yamang ang trabaho ko ay sa sales o pagbebenta, binabayaran ako ayon sa bilang ng kliyenteng hawak ko. Natanto ko na sa pagbabawas ko ng oras sa trabaho, baka malaki rin ang mabawas sa suweldo ko. Gayunman, naalala ko ang impresyon na natanggap ko, at nalaman ko na ang lahat ng iba pa ay malalagay sa ayos kung lubusan akong mangangako na susundin ang Panginoon.
Nang mas regular akong dumalo sa institute at templo, maraming pagpapala ang nagsimulang dumaloy sa buhay ko. Napuna ko ang ilang mahahalagang pagbabago. Mas napalapit ako sa Espiritu at mas madalas na nadama ito, at lumago ang aking patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Tumanggap kaming mag-asawa ng malaking biyaya sa paglilingkod sa templo at pagdalo sa aming klase sa institute. At hindi inaasahan, tumanggap din ako ng mga temporal na pagpapala. Kahit paano, sa kabila ng bawas na oras ko sa pagtatrabaho, mas marami akong nakilalang kliyente kaysa dati. Hindi nabawasan ang suweldo ko; sa halip, halos dumoble pa ito.
Alam ko na ang magagandang pagpapalang ito ay nagmula sa Panginoon. Nagpapasalamat ako na binigyan Niya ako ng kapanatagang malaman na kapag ating “[hinanap] muna … ang kaharian ng Diyos at ang kanyang kabutihan, … lahat ng bagay na ito ay idaragdag sa inyo” (3 Nephi 13:33).