2010
Ibinahagi ng mga Miyembro ng Simbahan ang Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Internet
Disyembre 2010


Ibinahagi ng mga Miyembro ng Simbahan ang Ebanghelyo sa Pamamagitan ng Internet

Ang mga misyonero sa iba’t ibang panig ng mundo ay nahaharap sa isang problema nitong mga nakaraang taon: matapos maturuan nang isa o dalawang beses, ang isang investigator na nagpakita ng tunay na interes ay bigla na lamang ayaw nang makipagkita sa mga misyonero. Natuklasan ng mga mananaliksik na iisa lamang ang dahilan ng karamihan sa mga investigator na iyon: nawalan sila ng interes matapos makakita ng negatibo at maling impormasyon sa Internet tungkol sa Simbahan.

Nitong nakaraang anim na taon 80 porsiyento ng mga result ng mga search engine sa paghahanap ng salitang “Mormon” sa Ingles ay negatibo o mali. Ngayon ay bumuti na ang sitwasyon. Sa ilang mga bansa, ang mga Internet search result para sa salitang “Mormon” ay umabot na sa 80 porsiyentong positibo.

Bakit malaki ang naging pagbabago? Bukod pa sa mga opisyal na Web site ng Simbahan, ang iba pang mga di-opisyal na Web site na nagbabahagi ng positibong impormasyon tungkol sa Simbahan ay lumalaganap na sa Web. Ginagamit nila ang mga blog para ibahagi ang kanilang mga pinahahalagahan, at ang mga mensahe ng ebanghelyo ay nakikita na sa mga social networking site.

Sa madaling salita, dahil sa paraan ng paggamit nito ng mga miyembro, nadadala rin ng Internet ang mga tao sa mga full-time missionary.

Maraming miyembro ng Simbahan ang nabigyang-inspirasyon sa payo ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagsabing, “Nakikiusap ako na sumali kayo sa usapan sa Internet para ibahagi ang ebanghelyo at ipaliwanag ang mensahe ng Panunumbalik sa simple at malinaw na mga salita.”1

Narito ang ilang paraan na magagamit ng mga miyembro ng Simbahan ang Internet upang ipalaganap ang ebanghelyo sa simple ngunit makabuluhang mga paraan.

Bagong Mormon.org

Binabago ang disenyo ng Mormon.org, isang opisyal na Web site ng Simbahan at matatag na kasangkapan ng misyonero, upang tuwirang maikonekta ang mga gumagamit nito sa mga miyembro ng Simbahan gamit ang mga personal profile.

Makikita na ang bagong Mormon.org sa maraming wika sa kalagitnaan ng 2011, simula sa wikang Espanyol at Portuges. Tinutulutan nito ang mga miyembro na lumikha ng mga profile na nagpapaliwanag sa kanilang mga paniniwala at paraan ng pamumuhay. Makikita ng mga bumibisita ang mga profile page na ito at marami silang matututuhan tungkol sa Simbahan mula mismo sa mga miyembro nito.

“Gusto naming makilala ng mga bumibisita ang mga miyembro ng Simbahan at makaugnayan sila,” sabi ni Ron Wilson, manager ng Internet at marketing sa Missionary Department ng Simbahan.

(Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga profile na ito at iba pang mga tampok sa bagong Mormon.org, tingnan ang kasamang kuwento.)

Ang More Good Foundation

Ang More Good Foundation ay isang di-pangkalakal na organisasyong nilikha ng mga miyembro ng Simbahan na may layuning bigyan ang Simbahan ng magandang imahe sa Internet. Bagama’t ang organisasyong ito ay hindi pinamamahalaan o ginagastusan ng Simbahan, mahalaga ang ginampanan nito sa pagpapaganda ng imahe ng Simbahan sa Internet.

Sinimulang pag-aralan ng mga nagtatag ng More Good Foundation ang mga search engine at kung paano sila pumipili ng mga resulta. Nalaman nila na dalawang espasyo lang ang pinahihintulutan ng Google, isang popular na Internet search engine, na masakop ng isang site sa results page. Ibig sabihin, kahit daan-daan ang magkakaugnay na pahina ng LDS.org, dalawa lang ang lalabas na mga resulta ng pagsasaliksik. Sa gayon ay malaking espasyo ang naiiwan para sa mga negatibong site, at parang nahihila ang mga tao sa mga site na walang kaugnayan sa Simbahan bilang isang institusyon.

“Hinahanap nila ang opinyon ng mga kaedad nila sa halip na magtiwala sa mga organisasyon,” sabi ni Jonathan Johnson, pangulo ng More Good Foundation. “Kung nauunawaan natin ang prinsipyong iyan, mauunawaan natin kung bakit sinasabi ng ating mga lider na tayong mga miyembro ay maaaring maging mas epektibo. Iniiwasan natin ang mga pagitang nalilikha kapag nakita ng mga tao ang isang tao na gumaganap sa opisyal na katungkulan.”

Nagkaroon ng karapatan ang More Good Foundation sa mahigit 1,400 URL at pinatulong ang mga miyembro ng Simbahan sa paglikha ng mga Web site na tumatalakay sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Nakagawa sila ng 320 site sa halos 12 wika. Nakapaglagay rin sila ng mahigit 1,900 video sa YouTube, na nagbigay sa mga taong nagsasaliksik tungkol sa Simbahan ng mas maraming pagkakataong mahanap ang katotohanan.

Mga Blog

Para sa mga miyembrong walang oras o mga kasanayang lumikha ng isang buong Web site, magandang alternatibo ang pagba-blog. Ang mga blog (pinaikling salita para sa “mga weblog”) ay mga simpleng Web site na madaling gamitin at karaniwan ay libre.

Daan-daang miyembro ng Simbahan sa buong mundo ang gumagamit ng kanilang blog para ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Normal sa mga blogger na ibahagi ang mga bagay na mahalaga sa kanila, kaya angkop na lugar ito para pag-usapan ang ebanghelyo.

Isang bata pang ina na nagbabahagi ng kanyang pananampalataya sa Internet ang nagkaroon ng matatapat na tagasubaybay. Nagsimula ng blog si Stephanie Nielson, ang nieniedialogues.blogspot.com, kung saan isinalaysay niya ang kanyang buhay bilang inang nasa bahay lang. Patuloy niyang in-update ang kanyang blog nang makaligtas siya sa pagbagsak ng eroplanong sinakyan niya noong 2008 na nag-iwan ng malaking pilat sa kanya ngunit nagpalakas sa kanyang espirituwalidad.

Ibinahagi ni Stephanie ang ebanghelyo sa kanyang blog sa pamamagitan ng kanyang mga post at naglagay ng malaking button na nakakonekta sa LDS.org. Nag-aalok din siya sa mga bumibisita sa kanyang blog ng libreng kopya ng kanyang “paboritong aklat”—ang Aklat ni Mormon—na ipadadala niya “saanman sa mundo … kahit saan!”

Mga Social Media Web Site

Milyun-milyong katao ang kumokonekta sa Facebook, Twitter, at YouTube, at nagbabahagi rin ng ebanghelyo ang mga miyembro ng Simbahan dito.

Mabilis at madaling lumalaganap ang impormasyon sa mga social network, kaya magandang paraan ito para maibahagi ang ebanghelyo. Sa LDS.org, lahat ng aytem sa bahaging Gospel Library ay nagtatampok sa “Share” tool, na nagtutulot sa mga gumagamit na madaling makakonekta sa mga artikulo ng magasin, mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at mga manwal ng mga aralin sa Simbahan sa iba’t ibang mga social media site.

Ang mga gumagamit ng social network ay maaari ding maging tagasubaybay ng mga opisyal na pahina ng Simbahan sa Facebook. Ang Simbahan ay may mahigit 280,000 tagasubaybay, ang Aklat ni Mormon ay may mahigit 162,000 tagasubaybay, at libu-libo pang mga gumagamit ang nakibahagi sa iba pang mga pahinang may kaugnayan sa Simbahan. Kapag sumali at nakilahok sa isang grupo ang isang gumagamit ng Facebook, ipinaaalam ito sa kanyang mga kaibigan. Sa gayon, ang mga kaibigan ng libu-libong gumagamit ng Facebook ay may alam na tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng Facebook.

Ang mga miyembro ng Simbahan ay gumagamit din ng Twitter, isang social networking Web site para magpadala ng maiikling mensahe (“tweets”) sa pamamagitan ng Internet, upang ibahagi ang ebanghelyo. Kapuna-puna na pangkalahatang kumperensya ang nanguna sa Twitter sa weekend ng kumperensya noong Abril 2009,2 ibig sabihin ay pangkalahatang kumperensya ang nabanggit sa mas maraming tweet kaysa ibang paksa.

Makikita rin ang Simbahan sa YouTube, isang popular na Web site na pinagpapaskilan ng mga video, na nakakuha ng positibong reaksyon mula sa mga miyembro at di-miyembro. Bawat Mormon Messages video, tulad ng iba pang nakapaskil sa YouTube, ay madaling ipaskil sa blog o ibahagi sa pamamagitan ng e-mail, Facebook, o Twitter.

Ang Internet ay isang paraan para makahanap ng mga tuturuan ang mga miyembro ng Simbahan sa mga paraang hindi maiisip ng sinuman sa nakalipas na henerasyon, at habang umuunlad ang teknolohiya, gayon din ang kakayahan ng mga miyembro ng Simbahan na ibahagi ang ebanghelyo.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo Gamit ang Internet,” Liahona, Hunyo 2008, B4.

  2. “Top Twitter trend: LDS General Conference,” Mary Richards, ksl.com, Abril 6, 2009. http://www.ksl.com/?nid=148&sid=6074101.

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga miyembro online dahil parami nang parami ang mga taong nagsasaliksik tungkol sa Simbahan sa pamamagitan ng Web.

Larawang kuha ni Welden Andersen