2010
Ang Open House
Disyembre 2010


Ang Open House

“Lahat ng yaong tunay na naniniwala kay Cristo ay tinaglay sa kanilang sarili, nang may kagalakan, ang pangalan ni Cristo, o mga Cristiyano” (Alma 46:15).

Sabik na nakinig si Alison nang ibalita ng bishop na magkakaroon ng open house sa Pasko ang ward nila sa taong ito. “Gusto naming maging espesyal na gabi ito,” sabi niya. “Napakagandang pagkakataon nito para imbitahin ang mga kaibigan at kapitbahay.”

Gustung-gusto ni Alison ang Kapaskuhan. Gusto niya ang namimili ng mga regalo para sa kanyang pamilya at mga kaibigan at kumanta ng mga awiting Pamasko. At gustung-gusto niyang basahin ang kuwento ng pagsilang ni Jesus at isipin Siya noong sanggol pa Siya.

Ang sumunod na sinabi ng bishop ang nakaagaw ng kanyang pansin. “Dahil sa open house, hindi natin idaraos ang ating tradisyonal na ward Christmas party ngayong taon.”

Sumimangot si Alison. “Walang party?” bulong niya sa kanyang ina. Ang ward Christmas party ang isa sa mga paborito niyang bahagi ng Kapaskuhan.

Pinatahimik siya ni Inay.

“Hindi nauunawaan ng ilan sa mga kaibigan at kapitbahay natin na tayo ay mga Kristiyano,” pagpapatuloy ng bishop. “Gusto nating malaman nila na naniniwala tayo kay Jesucristo.”

Pinag-isipan iyon ni Alison. Naalala niya na sinabi ng matalik na kaibigan niyang si Erica na ang mga Mormon ay hindi Kristiyano. Hindi niya naunawaan ang ibig sabihin ni Erica, kaya tinanong niya ang kanyang mga magulang tungkol doon.

“Maraming tao ang nakatuon sa pangalang ‘Mormon’ o ‘mga Banal sa mga Huling Araw,’” paliwanag ni Inay. “Nalilimutan nila na ang ating Simbahan ay nakapangalan kay Jesucristo.”

Sa paaralan, nasabi na ni Alison kay Erica ang unang saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo.”

Ngunit nagkibit-balikat lang si Erica. “Kung gayon bakit hindi Kristiyano ang tawag sa inyo ng mga tao sa halip na mga Mormon?” tanong niya.

Ibinalik ni Alison ang kanyang pansin sa bishop.

“Ang open house ay magtutuon kay Jesucristo,” sabi niya. “Hinihiling namin sa mga pamilya na magdala ng mga belen, at isasadula natin ang tagpo ng Pagsilang ni Jesus.”

Habang papalapit ang open house, nagsimulang masabik si Alison. Inanyayahan nina Inay at Itay ang isang matandang kapitbahay sa open house. Inanyayahan ni Alison si Erica.

Sa gabi ng open house, tinulungan ni Alison si Inay na balutan ng lumang diyaryo ang belen ng pamilya. Pagkatapos ay sinundo nila nina Inay at Itay si Erica.

Pagdating nila sa simbahan, tiningnan nina Alison at Erica ang mga belen mula sa Japan, Austria, Pilipinas, at iba pang mga bansa.

Pagkatapos ay lumabas ang mga batang babae kung saan isinasadula ng mga kabataang lalaki’t babae ang Pagsilang ni Jesus. May totoong mga baka, tupa, at may isang gatasang kambing pa. “Lahat maliban lang sa kamelyo,” sabi ni Alison.

Hiniling ng bishop na magtipon ang lahat sa kapilya. Umupo sina Alison at Erica kasama ang mga bata sa Primary. Kinanta ng mga bata ang “Picture a Christmas”1 at “Awit ng Kapanganakan,”2 at itinanghal ng ward choir ang ilang bahagi ng Messiah.

“Ang ganda talaga,” sabi ni Erica habang papauwi. “Sana nakapunta ang mga magulang ko.”

“Siguro sa isang taon,” sabi ni Alison, na nakangiti. Naisip niya ang open house at natanto na hindi naman pala siya nalungkot na walang Christmas party.

Mga Tala

  1. “Picture a Christmas,” Children’s Songbook, 50.

  2. “Awit ng Kapanganakan,” Aklat ng mga Awit Pambata, 32.

Paglalarawan ni Greg Newbold