Paano Ko Nalaman
Tulad ng Matamis na Gatas
Kung tatanggapin at ipamumuhay ninyo ang tunay na ebanghelyo ng Panginoon, patatamisin nito ang inyong buhay tulad ng pagpapatamis ng asukal sa gatas.
Lumaki akong seryoso at responsableng tao na sumusunod sa mga alituntuning itinuro ng mga magulang ko, sa limitadong kaalaman nila tungkol sa relihiyon. Gayunman, nang mamatay ang tatay ko noong 2005, noong 15 taong gulang ako, nagbago ako. Siguro paraan iyon ng pagpapakita ng pait na nadarama ko dahil hindi ako nakapagpaalam sa kanya. Lagi kong panghihinayangan ang hindi paghalik sa kanya bago siya naospital.
Pagkamatay niya nagsimula akong makihalubilo sa mga taong hindi mabuti ang gawain. Ginagawa ko noon ang mga bagay na akala ko ay OK lang at ginagawa naman ng lahat, ngunit nauunawaan ko na ngayon na hindi iyon kalugud-lugod sa Panginoon. Nasisiyahan ako noon, batay sa kasiyahang dulot ng mundo, ngunit ang totoo ay hindi ako maligaya. Hungkag ang buhay ko at may kulang sa akin, pero hindi ko alam kung ano. Nagsimulang bumaba ang marka ko sa eskuwela. Ang masama pa ay hindi ko alam kung paano ako liligaya sa buhay. Noon ay hindi ko batid kung gaano ang pinalalampas kong pagkakataon pagdating sa pamilya at nanay ko, na siyang pinakamamahal ko.
Sa gabi ay nagdarasal ako sa Diyos. Walang nagturo sa akin kung paano magdasal, ngunit parang nadama kong nakikinig Siya. Hiniling ko na tulungan Niya akong lumigaya at ipaalam sa akin kung OK ang tatay ko. Takot na takot ako na baka nahihirapan siya sa kung saan. Maraming gabi akong nagsumamo.
Sa wakas ay dumating ang sagot. Akala ko matatanggap ko ang sagot sa isang panaginip, ngunit sa halip ay dumating ito sa pamamagitan ng dalawang elder. Nagpunta sila sa bahay namin noong Disyembre 2006. Hindi ko naunawaan na sila ang sagot sa aking mga dalangin, at ayaw kong makinig sa kahit isang talakayan. Nakinig ang nanay ko at nagpasiyang magsimba. Simula noon ay hindi na siya tumigil sa pagsisimba. Nabinyagan siya, at sa loob ng ilang linggo ang mga pamangkin at ate ko ay nabinyagan. Napansin ko ang malaking pagbabago sa nanay ko matapos siyang mabinyagan, at mukhang bumata at mas lumigaya siya. Ang kaligayahan at kapayapaan niya ay damang-dama sa aming tahanan; kapag may dumating sa bahay agad nilang nadarama na may kakaiba.
Natanto ko kung ano ang nangyari at nagpasiya akong magsimba. Kakaibang karanasan iyon; wala pang nakitungo sa akin nang gayon kabait. Mababait ang kababaihan at napakaganda ng pakikitungo nila sa akin kaya panatag ang loob ko sa simbahan. Unti-unti akong nakumbinsi na totoo ang Simbahan, at nagpasiya akong makinig sa mga aralin mula sa mga elder.
Nabinyagan ako noong Pebrero 3, 2007, sa Uribe Ward, Veracruz Mexico Stake, ng dalawang kahanga-hangang mga elder. Lagi ko silang maaalala, at itinuturing ko silang mga anghel namin. Ang binyag ko ay isang araw na hindi ko malilimutan kailanman. Nalinis ako mula sa lahat ng kasalanan. Nabura ang mga kamalian ko dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Naglaho ang kalungkutan ko, at hindi na ako nakadama ng kahungkagan. Napalitan ito ng napakalaking galak sa aking kaluluwa.
Ang totoong ebanghelyo ay nagdulot sa akin at sa aking pamilya ng napakalaking kaligayahan. Nagkaroon ako ng mga walang-hanggang kaibigan. Patuloy akong nakikibaka sa mundo, ngunit ngayon ay nasa akin na ang totoong ebanghelyo at ang Espiritung nagbibigay sa akin ng galak at kapayapaan araw-araw. Alam ko na ngayon ang sagot sa napakatagal ko nang tanong sa Panginoon. Kung tinanggap ng tatay ko ang mga ordenansang isinagawa namin sa templo para sa kanya, alam kong maligaya siya at payapa. Naniniwala ako na tinanggap niya ang ebanghelyo at hinihintay kami.
Kung minsan nagbabalik-tanaw ako at natatanto ko kung gaano ako kapalad. Nakita ko na may kaligayahang higit pa sa iniaalok ng mundo at mga kasiyahan at panggagambala nito. Ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa ebanghelyo ni Jesucristo. Lahat ng itinuturo ng ebanghelyo ay para sa ating kabutihan.
Minsan ay may natanggap akong e-mail kung saan ipinaliliwanag ng isang ina sa kanyang batang anak na lalaki na ang Diyos ay tulad ng asukal na idinaragdag mo sa iyong gatas. Hindi mo ito nakikita, pero pinatatamis nito ang lahat. Sa gayunding paraan, hindi mo nakikita ang totoong ebanghelyo ng Panginoon, ngunit kung tatanggapin at ipamumuhay mo ito, patatamisin nito ang iyong buhay tulad ng pagpapatamis ng asukal sa gatas.