2010
Ang Ating Responsibilidad na Makibahagi sa Gawain sa Templo at Family History
Disyembre 2010


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Ating Responsibilidad na Makibahagi sa Gawain sa Templo at Family History

Pag-aralan ang materyal na ito at, kung angkop, talakayin ito sa kababaihang dadalawin ninyo. Gamitin ang mga tanong upang tulungan kayong patatagin ang mga kapatid at gawing aktibong bahagi ng inyong buhay ang Relief Society.

Relief Society seal

Pananampalataya • Pamilya • Kapanatagan

Sa nakalipas na mga siglo maraming tao ang nangamatay nang walang alam tungkol sa ebanghelyo. Ilan sa mga taong iyon ay malalapit at malalayo ninyong kamag-anak. Hinihintay nilang gawin ninyo ang kinakailangang pagsasaliksik upang mapag-ugnay ang inyong mga pamilya at maisagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila.

Karamihan sa mga templo sa daigdig ay hindi gaanong abala o matao. Nangako ang Panginoon na ang inyong puso ay magbabalik-loob sa mga ama upang ang mundo ay hindi lubusang mawasak sa Kanyang pagparito (tingnan sa D at T 2:2–3).

May natatanggap kayong mga personal na pagpapala bunga ng pakikibahagi sa gawain sa templo at family history. Isa na rito ang galak na nadarama ninyo sa paglilingkod sa inyong mga ninuno. Ang isa pa ay nagiging karapat-dapat kayo para sa temple recommend, na palatandaan na karapat-dapat kayo sa harap ng Panginoon. Ang mga taong hindi karapat-dapat ngayon sa pribilehiyong magkaroon ng recommend ay dapat makipag-ugnayan at magpatulong sa bishop o branch president upang maging marapat sa lalong madaling panahon. Huwag sanang mawala sa inyo ang mahalagang kwalipikasyong ito. Pinatototohanan ko na ang Pagbabayad-sala ay tunay at ang mga kasalanan ay mapapatawad matapos magsisi nang wasto.

Sa pakikibahagi natin sa gawain sa templo at family history, tiyak na sasaatin ang Espiritu upang aliwin tayo habang nariyan ang mga hamon sa buhay at gabayan tayo sa mahahalagang desisyon. Ang gawain sa templo at family history ay bahagi ng gawain nating magbigay ng tulong, o maglingkod, sa sarili nating mga ninuno.

Julie B. Beck, Relief Society general president.

Mula sa mga Banal na Kasulatan

Malakias 4:5–6; I Mga Taga Corinto 15:29; I Pedro 3:18–19; D at T 110:13–16; 128:24

Mula sa Ating Kasaysayan

“Sabi ni Propetang Joseph Smith, ‘Ang pinakamalaking responsibilidad sa mundong ito na iniatang sa atin ng Diyos ay ang saliksikin at kilalanin ang ating mga patay’ (History of the Church, 6:313). Sa simula pa lang, sinuportahan na ng mga kapatid sa Relief Society ang dakilang gawaing ito. Sa Nauvoo noong 1842, ang hangarin ni Sarah M. Kimball na tulungan ang mga trabahador na nagtatayo ng templo ay nagtulak sa isang grupo ng kababaihan na magsama-sama upang mas epektibo silang makapaglingkod. Nang magsimula silang magpulong, inorganisa ng Propeta … ang unang Relief Society ayon sa kaayusan ng priesthood. Mula noon, tumulong ang kababaihan ng Relief Society na isulong ang gawain sa Nauvoo Temple. …

“Noong 1855, walong taon matapos dumating ang mga Banal sa Utah, ang Endowment House ay itinatag. Si Eliza R. Snow, na matagal nang isa sa mga orihinal na miyembro ng unang Relief Society at nagpreserba sa mga talaan ng samahang iyon, ay tinawag ni Pangulong Brigham Young noong 1866 na maging general Relief Society president. Siya at ang iba pang mga babae ay matatapat na manggagawa noon sa Endowment House. At nang matapos ang St. George, Logan, at Manti Temple, naglakbay ang kababaihang ito sa bawat templo upang magsagawa roon ng gawain para sa mga patay.”1

Tala

  1. Mary Ellen Smoot, “Family History: A Work of Love,” Ensign, Mar. 1999, 15.

Paglalarawan ni Jerry Garns