2010
Si Handel at ang Kaloob na Messiah
Disyembre 2010


Si Handel at ang REGALONG Messiah

Sa pagtatapos ng mga araw na itinakda sa atin ng langit, nawa’y magawa nating kilalanin, kasama ni Handel, na dinalaw tayo ng Diyos.

Elder Spencer J. Condie

Si George Frideric Handel ay tila isinilang na may angking talino sa musika. Noong binatilyo pa lang siya sa Germany, naging mahusay siya sa pagtugtog kapwa ng biyolin at ng organo. Matapos ikatha ang una niyang opera sa Germany, lumipat siya sa Italy, ang sentro ng mga opera sa mundo, upang subukang kumatha ng musika sa estilong Italyano. Doon ay nagtagumpay siya nang kaunti sa pagkatha ng mga opera at chamber music.

Noong 1711, sa edad na 26, nagpasiya si Handel na lumipat sa England, kung saan nagsimulang makilala ang kanyang mga opera at oratorio. Gayunman, sa huling bahagi ng 1730s, hindi gaanong sabik ang mga Briton sa mga operang inawit sa wikang German o Italian; sa halip, mas gusto nila ang mga komedya na tulad ng The Beggar’s Opera. Dahil dito, nahirapan si Handel na bayaran—ang mga pinagkakautangan niya—sa loob ng ilang taon.

Noong 1737, matapos isubsob nang husto ang sarili sa pagkatha ng apat na opera sa loob ng 12 buwan, inatake ang 52-taong-gulang na kompositor, at pansamantalang naparalisa ang kanyang kanang braso. Sabi ng isang doktor sa tapat na sekretarya ni Handel: “Maaari natin siyang mailigtas—ngunit habampanahon nang maglalaho ang kompositor. Sa tingin ko tuluyan nang napinsala ang kanyang utak.”1

Nilabanan ng kompositor ang nasabing sakit. Sa paglipas ng panahon tumugon ang katawan niya sa paggagamot sa maiinit na bukal sa Aix-la-Chapelle (Aachen, Germany), at nanumbalik ang lakas ng kanyang katawan. Matapos subukan ang kakayahan niyang tumugtog ng organo sa kalapit na katedral, masigla niyang sinabi, “Nakabalik ako mula sa Hades.”2

Nang bumalik siya sa London at muling kumatha ng mga opera, hindi gaanong tinanggap ang kanyang mga katha, at sinimulan na naman siyang habulin ng mga pinagkakautangan niya. Sa kawalan ng pag-asa, naisip niya, “Bakit pa ako binuhay ng Diyos, para lang tulutang ilibing akong muli ng mga kapwa-tao ko?”3 Noong Abril 1741 idinaos ni Handel ang inakala niyang konsiyerto ng pamamaalam. Ginamit niya nang husto ang pagkamalikhain niya. Isinulat ng isang biographer: “Wala nang sisimulan o tatapusin pa. Naharap si Handel sa kawalan.”4

Isang hapon sa Agosto ng taon ding iyon, pagbalik ni Handel mula sa mahaba at nakakapagod na paglalakad nalaman niya na iniwan sa kanya ng isang makata at dating katuwang sa musika na si Charles Jennens ang isang manuskrito. Ang libretto na ito ay malayang hinango mula sa mga banal na kasulatan, lalo na sa mga salita ni Isaias, na nagpopropesiya tungkol sa pagsilang ni Jesucristo at naglalarawan ng Kanyang ministeryo, Pagpapako sa Krus, at Pagkabuhay na Mag-uli. Ang katha ay isa sanang oratorio. Dahil sa kanyang mga naunang kabiguan, nangamba si Handel nang simulan niyang basahin ang teksto.

Ang unang mga titik ng manuskrito na “Comfort Ye,” [Inyong aliwin] ang una niyang nakita sa pahina. Pinawi nito ang maiitim na ulap na matagal nang nakalukob kay Handel. Nabawasan ang kanyang kalungkutan at nauwi sa kasabikan ang kanyang interes nang patuloy niyang basahin ang mga pahayag ng anghel tungkol sa pagsilang ng Tagapagligtas at ang mga propesiya ni Isaias tungkol sa Mesiyas, na paparito sa mundo upang isilang na katulad ng iba pang mga sanggol na mortal. Isang pamilyar na himig na dati nang kinatha ni Handel ang dumaloy sa kanyang isipan nang mabasa niya ang “For unto Us a Child Is Born [Sapagka’t sa Atin ay Ipinanganak ang Isang Bata].” Mabilis na pumasok sa kanyang isipan ang mga nota bago pa niya maisulat ang mga ito nang mailarawan niya sa kanyang isipan ang mapagmahal na Mabuting Pastol sa aria na pinamagatang “He Shall Feed His Flock [Kanyang Papastulin ang Kanyang Kawan].” Sumunod ang matinding pagbubunying nakasaad sa “Hallelujah Chorus,” na sinundan ng banayad at sukdulang patotoo ng “I Know That My Redeemer Liveth [Talastas Ko na Manunubos sa Akin ay Buhay].” Ang katha ay maringal na nagwakas sa “Worthy Is the Lamb [Karapat-dapat ang Cordero].”

Matapos ang lahat ng kinatha niyang musika sa buong buhay niya, sa huli ay nakilala si Handel sa buong mundo dahil sa kaisa-isang kathang ito na, Messiah, at malaking bahagi nito ang kinatha sa loob lang ng tatlong linggo noong mga huling araw ng tag-init ng 1741. Nang matapos ang kanyang komposisyon,mapagpakumbaba niyang sinabi, “Dinalaw ako ng Diyos.”5 Sasang-ayon dito ang mga taong naaantig ng Banal na Espiritu kapag nadama nila ang malakas na patotoo ng Messiah ni Handel.

Sa mga tumangkilik ng unang pagtatanghal ng oratorio, sinabi ni Handel na ang kikitain nito at lahat ng pagtatanghal ng Messiah sa hinaharap “ay ipagkakaloob sa mga bilanggo, ulila, at maysakit. Nagkasakit na rin ako nang malubha, ngayon ako’y magaling na,” sabi niya. “Nabilanggo ako noon, at ako’y napalaya.”6

Kasunod ng unang pagtatanghal sa London ng Messiah, isang manonood ang bumati kay Handel sa napakahusay na “pagtatanghal.”

“Ginoo, dapat akong humingi ng paumahin kung inaliw ko lang sila,” mapagpakumbabang sagot ni Handel. “Gusto ko sanang gawin silang mas mabubuting tao.”7

Natapos na rin sa wakas ang walang-tigil na paghahanap niya ng katanyagan, magandang kapalaran, at papuri ng madla—ngunit iyon ay nang matapos lang niya ang pinakamaganda niyang katha para sa mga tagapakinig na kinabilangan ng mga wala na sa mundong ito. Ang mga bagay na pinakamahalaga ay hindi na nakaasa sa mga bagay na hindi mahalaga. Si Handel, ang hindi mapalagay na kompositor, ay panatag na ngayon.

Mga Aral mula sa Buhay ni Handel

Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa buhay ni George Frideric Handel at sa komposisyon ng isang piyesa ng musika na naging espirituwal na bantayog?

  1. Kailangan tayong magtiwala sa ating mga kakayahan at matutong tanggapin ang mga pamimintas sa ating gawain. Sa mga salita ng makatang si Rudyard Kipling: “Magtiwala sa sarili kahit duda sa iyo ang lahat ng tao, ngunit isipin na baka may dahilan ang pagdududa nila sa iyo.”8

  2. Ang dami ng nagawa ay hindi pamalit sa kalidad at pagkakaiba-iba. Ang mga naunang opera ni Handel ay halos limot na. Ang nakababagot at paulit-ulit na mga nota nito ay hindi nagbigay-inspirasyon; bawat opera ay halos katunog ng nauna niyang mga katha.

  3. Kapag kumilos tayo ayon sa inspirasyon, ginagawa natin ang gawain ng langit. Hindi natin mapipilit ang Espiritu, ngunit kapag dumating ang inspirasyon at paghahayag, dapat tayong makinig at kumilos ayon sa mga panghihikayat. Nangako ang Panginoon na “ang kapangyarihan ng aking Espiritu ay nagbibigay-buhay sa lahat ng bagay” (D at T 33:16).

  4. Kailangan nating kilalanin ang pinagmumulan ng ating inspirasyon at paghahayag. Tayo ay mga kasangkapan lamang sa gawaing ginagawa natin na nagpapala sa ibang tao. Kailangan nating matanto, tulad ni Handel nang iwaksi niya ang papuring ibinigay sa kanyang nagawa, na “Dinalaw [tayo] ng Diyos.”

  5. Huwag nating maliitin kailanman ang kapangyarihan ng salita. May kapangyarihan sa salita ng Diyos na higit pa sa mga salaysay ng pinakamahuhusay na manunulat sa mundong ito (tingnan sa Alma 31:5).

  6. Ang tunay na espirituwal na kahulugan sa isang gawain ay naipararating sa pamamagitan ng pagpapatotoo ng Espiritu Santo. “Kapag [ang isang tao ay nagsasalita o umaawit] sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao” (2 Nephi 33:1).

  7. Ang kapangyarihan ay nasa Diyos at sa Kanyang mga gawa, hindi sa ating mga salita. Tungkol sa mga propesor ng relihiyon sa panahong iyon, sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph Smith, “Lumalapit sila sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin, … na may anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan ang kapangyarihan nito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:19). Nakakatha si Handel ng iba pang mga oratorio at opera na may mga tekstong nagmula sa Biblia, ngunit ang kanyang musika ay hindi tugma sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan—ang makapangyarihang mga propesiya ni Isaias tungkol sa pagsilang at ministeryo ng Tagapagligtas o ang katuparan ng mga propesiyang iyon ayon sa nakasaad sa Apocalipsis at sa mga Ebanghelyo nina Lucas at Juan. Sa Messiah ni Handel, matatagpuan natin kapwa ang anyo ng kabanalan at ang kapangyarihan niyon. Sa Messiah, ang mga labi at mga puso ay napapalapit sa langit.

Bawat isa sa atin, tulad ni George Frideric Handel, ay gumagawa sa malikhaing espirituwal na gawain sa buhay na ito. Ang pisikal na pagtataguyod ng mortal na buhay at mabuting pamumuhay habang narito tayo sa mundo ay kapwa mga espirituwal na gawain. Dalangin ko na maging sensitibo tayo sa inspirasyon mula sa itaas, na mabigyang-inspirasyon tayo sa paraan na ang mga bunga ng ating mga pagsisikap ay magbigay-inspirasyon sa ibang tao. Sa paghahangad nating sagipin ang iba, nawa’y hindi tayo malimitahan ng mga subok na paraan at mga sariling palagay na pumipigil sa ating espirituwal na pagkamalikhain at sa paghahayag.

Sa kanyang tulang epiko na, Aurora Leigh, ipinahayag ni Elizabeth Barrett Browning ang malinaw na kaisipan na:

Diwa ng kalangitan lupa’y pinuspos,

At bawat palumpong ay nagliliyab sa Diyos;

Ngunit siya lang na nakakita ang naghubad ng sapatos;

Ang iba nama’y namitas lamang ng mga bunga nito.9

Nawa’y hubarin ng bawat isa sa atin ang ating sapatos at puspusin ng diwa ng kalangitan ang ating mga ginagawa, at nawa’y wala sa atin ang makitang namimitas ng mga prutas samantalang may mas dakila at maringal na gawaing kailangang isagawa.

Sa pagtatapos ng mga araw na itinakda sa atin ng langit, nawa’y magawa nating kilalanin, kasama ni Handel, na dinalaw tayo ng Diyos sa ating mga gawain.

Mga Tala

  1. Sa Stefan Zweig, The Tide of Fortune: Twelve Historical Miniatures (1940), 104.

  2. Sa The Tide of Fortune, 107.

  3. Sa The Tide of Fortune, 108.

  4. Sa The Tide of Fortune, 110.

  5. Sa The Tide of Fortune, 121.

  6. Sa The Tide of Fortune, 122.

  7. Sa Donald Burrows, Handel: Messiah (1991), 28; tingnan din sa “A Tribute to Handel,” Improvement Era, Mayo 1929, 574.

  8. Rudyard Kipling, “If—,” sa The Best Loved Poems of the American People, sel. Hazel Felleman (1936), 65.

  9. Elizabeth Barrett Browning, sa John Bartlett, comp., Familiar Quotations, ika-14 na edisyon (1968), 619.

Larawan ni Handel na ipinalalagay na gawa ni Balthasar Denner © Getty Images; larawan ng biyolin na kuha ni Matthew Reier; paglalarawan ni Jed Clark © IRI

Ang Pagsilang ni Jesus, ni Carl Heinrich Bloch, ginamit nang may pahintulot ng National Historic Museum at Frederiksborg sa HillerØd, Denmark Tinuturuan ni Cristo sina Maria at Marta, ni Soren Edsberg, hindi maaaring kopyahin; Pinagagaling ni Cristo ang Bulag, ni Carl Heinrich Bloch, ginamit nang may pahintulot ng National Historic Museum at Frederiksborg sa HillerØd, Denmark, hindi maaaring kopyahin; mga larawang kuha ni Richard M. Romney

Pagtatatwa ni Pedro, ni Carl Heinrich Bloch, larawang kuha ng orihinal ni Charlie Baird sa National Historic Museum at Frederiksborg sa HillerØd, Denmark; Ang Tatlong Maria sa Puntod © SuperStock, hindi maaaring kopyahin; mga paglalarawan nina Matthew Reier, Craig Dimond, Christina Smith, JOHN LUKE, AT HYUN-GYU LEE