2010
Kung Naro’n Ako
Disyembre 2010


mga young adult

“Kung Naro’n Ako”

Ang mga titik at himig na isinulat ng isang binatang taga-South Africa ay naghihikayat sa bawat isa sa atin na pakaisipin ang Tagapagligtas, hindi lamang sa Pasko kundi sa tuwina.

Ang tono ay nagsisimula sa banayad na bulong, isang himig na agad pumupuspos sa iyong kaluluwa pagkarinig mo rito. Mas lalong hindi ito malilimutan kapag nagsimula nang kantahin ng koro ang:

Kung naro’n ako pagdating nitong karpinterong Jesus ang ngalan,

‘Libu-libong nakapaligid, susundan ba’t S’ya’y pakikinggan?

“Pag S’ya’y nakita, kaagad ba S’yang makikilala?

Malalaman bang si Cristo S’ya?

Tingnan ang koro, at makikita ninyo na lahat ng miyembro ay umaawit mula sa puso. Tingnan ang mga tagasaliw na maingat na tinutugtog ang bawat kuwerdas at ang mga sound technician na nagbabalanse ng buong pagtatanghal para mapagtugma ang iba’t ibang tono. Masdan ang mga young adult ng Pretoria South Africa Stake, na iba’t iba ang mga pinagmulan at karanasan, na pinagsama-sama ang kanilang mga tinig sa pagpuri sa Panginoong Jesucristo.

At nasa gitna ng lahat ng ito ang 20-taong-gulang na tagakumpas na siyang nagsulat ng bawat titik, bumuo ng bawat nota, nagsaayos ng bawat ensayo at pagtatanghal, at lumikha ng kalaunan ay naging Pamaskong regalo para sa kanyang mga kaibigan, mga miyembro ng Simbahan, sa komunidad, at maging sa kanyang Tagapagligtas at Ama sa Langit.

Hindi inasahan ni Michael McLeod, na hindi magtatagal ay maglilingkod na sa full-time mission, na ang kanyang ginawa ay hahantong sa gayon—mga pagtatanghal sa apat na kapilya, na bawat isa ay puno ng daan-daan at tuwang-tuwang mga miyembrong manonood. Tumugon lang siya sa isang atas na ibinigay sa mga young single adult (YSA) ng kanyang stake na maghanda ng isang kantata, isang programa ng musika at mga salita na tutulong sa mga tao na sambahin ang Tagapagligtas. Katunayan, orihinal na nakaiskedyul ang programa para sa Hunyo o Hulyo 2009 ngunit makalipas ang ilang pagkaantala ay nalipat sa Disyembre.

“Nang sabihin sa akin ng mga stake YSA representative ang ipinagagawa sa kanila, agad kong sinabi na, ‘Bakit hindi tayo gumamit ng orihinal na musika sa halip na gamitin ang musika ng ibang tao?’” paggunita ni Michael. Pumayag ang mga YSA representative. At alam din nila ang tamang tao na bubuo ng lahat ng ito—si Michael McLeod.

Si Michael ay estudyante sa University of Pretoria, na may major sa English at mathematics education. “Gusto ko talagang maging isang guro,” sabi niya. Ngunit noon pa man ay hilig na ni Michael ang musika. Katunayan, dibdiban niya itong pinag-aralan hanggang sa mag-17 anyos siya.

“Naging libangan ko ang musika,” paliwanag niya, “at hilig ko pa rin ito. Gusto ko kung paano antigin ng musika ang puso ng mga tao. Hilig ko ang pagkumpas at gusto kong madama ang sigla ng koro, lalo na kapag kanta ito tungkol sa ebanghelyo. Gustung-gusto kong pagmasdan ang kongregasyon habang naaantig sila ng musika at madama ang Espiritu habang nadarama nila ang Espiritu. Palagay ko magiging bahagi ko habambuhay ang musika dahil napakahalaga nito sa akin.”

Ngunit higit sa lahat gustung-gustong ibahagi ni Michael ang kanyang patotoo sa Tagapagligtas, at ang paggawa niyan sa pamamagitan ng musika sa Kapaskuhan ay naging napakagandang pagkakataon. “Ang layon ay maibahagi ang aming patotoo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng musika at mga titik ng kantata,” sabi niya. “Gusto namin ng nakaaantig na musika at kasabay nito ay magkaroon ng malalakas na patotoo, kaya ginamit namin ang mga patotoo ng mga tao sa mga banal na kasalutan na nakakikilala sa Tagapagligtas: sina Maria, Jose, Ana, Simeon, Pedro, Santiago, Juan na Pinakamamahal, Maria Magdalena, at ang mga pinagaling at tinuruan ni Cristo. Sinikap naming iparating ang alam nila, at napakaepektibo nito. Ginamit din namin ang sariling patotoo ng Tagapagligtas. Napakaganda ng kinalabasan nito.”