2010
Ipinagtanggol Ko si Propetang Joseph
Disyembre 2010


Ipinagtanggol Ko si Propetang Joseph

Maria Brando, Italy

Noong 1978 nagkaroon ako ng di-malilimutang panaginip kung saan may dalawang taong nagpakita sa akin. Habang kausap ko sila sa panaginip na ito, nakadama ako ng kakaibang kagalakan. Naroon pa rin ang magandang pakiramdam pagkagising ko kinaumagahan.

Nang araw ding iyon dalawang misyonerong Banal sa mga Huling Araw ang kumatok sa pinto ng aming tahanan at nagtanong kung maaari silang magbahagi ng mensahe. Nang maalala ko ang panaginip ko, pumayag ako at pinapasok ko sila. Atubili ang asawa ko, pero pumayag siya nang sabihin kong hindi ko matiis na umalis sila nang hindi ko sila nakakausap.

Bukod pa rito, itinuro sa akin ng mga misyonero ang tungkol sa mga propeta noong araw na iyon. Pamilyar ako sa mga propeta ng Biblia, tulad nina Abraham at Moises, ngunit itinuro din sa akin ng mga misyonero ang tungkol sa isang makabagong propeta, si Joseph Smith. Sa pagtatapos ng aming aralin, nagtanong ang mga elder kung maaari silang bumalik para sa marami pang talakayan. Pumayag ako.

Pagkatapos ng mga karagdagang talakayan inanyayahan ako ng mga misyonero na magpabinyag. Gusto ko ang natutuhan ko, pero bago mabinyagan, gusto kong magkaroon ng patotoo tungkol kay Joseph Smith. Sa lahat ng bagay na itinuro sa akin ng mga misyonero, ang kuwento niya ang pinakamahirap tanggapin. Ngunit alam ko na kung taos kong hahangaring magkaroon ng gayong patotoo, pagtitibayin ng Ama sa Langit ang katotohanan sa akin.

Nakipagkita ako sa isang lider ng simbahang kinalakhan ko. Ikinuwento ko ang itinuro sa akin ng mga misyonero at ipinahiwatig ko na gusto kong makipagkitang muli sa kanila. Pero bago pa ako nakapagsalita, sinabi niya sa akin na baliw si Joseph Smith, na siya ay mapangitaing tao.

Bigla kong narinig ang isang tinig na nagsabi sa akin, “Si Joseph Smith ay totoong propeta.” Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko, at kahit hindi pa ako nabibinyagan sa Simbahan, nasumpungan ko na ipinagtatanggol ko ang Propeta ng Panunumbalik.

Lalo pang lumakas ang pagpapatibay na nadama ko pag-alis ko sa opisina ng lider ng simbahan. Natanggap ko na ang sagot at alam ko kung saang simbahan ko dapat palakihin ang aking mga anak.

Hindi nagtagal at nabinyagan ako, at nadama ko ang matinding hangaring ibahagi ang natuklasan ko. Natanggap ko ang espirituwal na pagpapatibay tungkol kay Propetang Joseph Smith, at gusto kong maranasan ng iba ang kagalakang nadarama ko ngayon sa buhay dahil dito. Naranasan mismo ng asawa ko ang kagalakang iyon nang sumapi siya sa Simbahan dalawang taon pagkatapos kong sumapi.

Nagpapasalamat akong mabuhay sa panahon na muli tayong nagkaroon ng mga propeta sa mundo. Dahil sa kanilang paggabay, may tamang landas akong masusundan.