Kayo ang mga Anghel
Heidi Windish Fernandez, Oregon, USA
Lumukso ang puso ko nang mabasa ko ang poster: “Messiah ni Handel na itatanghal ng Swansea Orchestra at Welsh Choir.”
Anim na buwan na ako sa aking misyon sa Swansea, Wales, at nadama ko ang pangungulilang madalas madama ng mga bagong misyonero sa Kapaskuhan. Marami kaming tradisyon sa pamilya kapag mga pista-opisyal, pero ang paborito ko ay ang pakikinig sa Messiah ni Handel. Si Inay ang tumutugtog ng organo sa gayong mga pagtatanghal. Nauupo ako, nakikinig, at dinadama ang musika.
Sa pahintulot ng mission president, bumili ako ng mga tiket para sa mga misyonero sa aming lugar. Sa gabi ng pagtatanghal, nagbihis ng makapal na damit ang grupo namin para hindi kami ginawin at naglakad kami papunta sa bulwagan ng konsiyerto. Tahimik akong nanalangin na madama naming lahat ang kasagraduhan ng nagbibigay-inspirasyong musika.
Pagdating namin, nalaman ko na huli na kami at nagsimula na ang pagtatanghal. Hindi kami papapasukin hangga’t hindi pa intermission! Habang pinakikinggan ko ang musika sa may pintuan, hindi ko mapigil na mapaiyak.
Napuna siguro ng isang usher ang lungkot ko at nagpasiyang papasukin kami. Sinabihan niya kaming tumayo sa likuran hanggang sa mag-intermission para hindi kami makaistorbo sa pagkanta. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan, at lahat kami ay tahimik na pumasok.
Ang pagpasok sa bulwagan ay parang pagpasok sa langit. Napuspos ako ng damdamin ng kapayapaan at kagalakan. Gayunman, hindi nagtagal ay napansin naming naglingunan ang mga tao, na nakaturo at nakatitig sa amin. Tahimik kaming lahat nang pumasok at hindi namin alam kung ano ang nagawa namin para mapansin kami. Nang magsimula na ang intermission, nakita namin ang aming mga upuan.
Nang magsimula muli ang oratorio, pinuspos ng musika ang aking kaluluwa. Napaiyak ako sa “Hallelujah Chorus,” at nang kantahin ng soprano ang “I Know That My Redeemer Liveth.” Nadama rin ng mga misyonerong katabi ko ang kapangyarihan ng musika at kinuha ang kanilang mga panyo. Ang karanasan ay isang bagay na lagi naming maaalaala. Ngunit sumapit lamang ang tunay na di-malilimutang sandali nang magwakas ang pagtatanghal.
Nang paalis na kami sa gusali, nagbubulungan at nakaturo pa sa amin ang mga tao, ngunit walang nagsalita hanggang sa makalabas kami. Pagkatapos ay nilapitan kami ng isang lalaki, at sinabing, “Kayo! Kayo nga!”
Naghintay kaming lahat ng paliwanag.
“Sa unang bahagi ng pagtatanghal, nakadama kami ng pagbabago sa silid—isang matinding damdamin na naroon si Cristo,” sabi ng lalaki. “Kaya kami naglingunan para makita kung ano ang naging dahilan ng pagbabago. Pagtingin namin sa likuran ng awditoryum, nakita namin ang pitong katauhang nagniningning na parang mga anghel. Pagpasok ninyo sa silid, kasama ninyo ang Espiritu Santo. Naroon kayo para katawanin si Cristo; kayo ang mga anghel.”
Habang nagsasalita siya, tiningnan ko ang missionary name tag ko at binasa ang malalaking letra sa ilalim ng pangalan ko: “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.” Nakadama ako ng pagpapakumbaba sa sandaling iyon na maging kinatawan ng Mesiyas at tahimik na magpatotoo tungkol sa Kanya sa gabing iyon sa harap ng libu-libong katao.