Ang Bisa ng Family Home Evening
Kami ng asawa kong si Luiz Antonio ay may malaking patotoo sa bisa ng family home evening at sa kakayahan nitong mas patatagin ang ating mga pamilya sa ebanghelyo. Noon pa man ay hindi na madaling subukan ito palagi, ngunit sa paglipas ng panahon ay malaking kaibhan ang nagawa nito sa amin at sa aming apat na anak.
Isa sa mga pinakaespesyal na sandaling nangyari sa family home evening ay noong naghahandang magpabinyag ang anak naming si Renan. Dalawang nakatatanda naming anak na babae, sina Cynthia at Lilian, ang nag-alok na magturo ng mga aralin para sa buwan bago sumapit ang kanyang ikawalong kaarawan. Gustung-gusto naming mag-asawa na masdan silang magturo ng kahulugan at layunin ng binyag—ang mga araling itinuro din namin sa kanila noong naghahanda silang magpabinyag. Pagkaraan ng apat na taon sinunod ni Renan ang mga halimbawa ng kanyang mga ate at nagturo ng mga aralin tungkol sa binyag sa nakababata niyang kapatid na si Ellen.
Patuloy kaming tinulungan ng family home evening gayundin ang aming mga anak sa mga hamon noong mga tinedyer sila. Tinulungan sila nitong patatagin ang kanilang patotoo at manatiling tapat sa ebanghelyo. Ngayon si Renan ay returned missionary na, at ang mga anak naming babae ay sa templo ikinasal at may kani-kaniya nang mga anak.
Pinatototohanan namin na ang family home evening ay isa sa pinakamaiinam na programa ng Simbahan. Alam namin na ang palagiang pagsunod sa payo ng propeta na laging magdaos ng family home evening ay nagdulot ng malalaking pagpapala sa aming buhay, at alam naming magdudulot ito ng mga pagpapala sa sinumang handang sumunod sa utos na iyon. Inaamin namin na maraming kailangang gawin at planuhin para dito, ngunit para sa amin sulit ang bawat minuto ng mga pagsisikap na iyon dahil sa mga pagpapala ng kawalang-hanggan.