2011
Isang Upuan sa Piging ng Kasintahang Lalaki
Pebrero 2011


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Isang Upuan sa Piging ng Kasintahang Lalaki

Ang pagpunta sa isang handaan sa kasal nang mag-isa ay hindi laging komportable. Ngunit nang imbitahan ako ng matagal ko nang kaibigan sa hapunan sa kanyang kasal, alam ko na hindi ko dapat palampasin ang oportunidad na magdiwang kasama niya at ng kanyang mapapangasawa.

Sa araw ng kasal, dumating ako bago magsimula ang hapunan. Nakakita ako ng bakanteng upuan at tinanong ko ang isa sa mga babae sa mesa kung may nakaupo na roon.

Imbitado ka ba?” tanong niya, na may paghihinala.

Wala akong ideya kung bakit siya nagtanong—o kung bakit ganoon siya magtanong. Wala namang tumitingin sa listahan ng mga bisita. Ang mga upuan ay hindi nakatalaga sa sinuman. Dumating ako sa oras at maayos ang bihis ko. Ano kaya ang problema?

Kinakabahan akong ngumiti. “Kaibigan ako ng lalaking ikinasal,” pagtiyak ko sa kanya. Tumango siya, kaya umupo ako at sinikap makipag-usap nang magiliw sa anim na mag-asawa sa mesa. Ang pagkaasiwa ko kanina ay mas tumindi dahil sa “pagtanggap” na naranasan ko. Desperadong inilibot ko ang aking tingin sa silid para maghanap ng isang tao—kahit sino—na kilala ko, ngunit maliban sa kaibigan kong ikinasal, wala akong makitang pamilyar na mukha saanman.

Ngunit may nangyari. Ang kaibigan ko, na nakaupo sa tabi ng kanyang asawa sa harap ng mataong bulwagan, ay tumayo. Nang nakatayo na siya, nakita niya ako sa kabilang panig ng silid. Huminto siya sandali, ngumiti, at inilagay ang kanyang kamay sa tapat ng kanyang puso na parang sinasabing, “Salamat sa iyong pagdating. Alam kong nagsakripisyo ka upang makarating dito. Napakahalaga sa amin na narito ka.”

Nakadama ako ng lubos na kapanatagan at kaligayahan. Anuman ang inisip ng iba, sa pagtaya ng bagong kasal, kabilang ako roon. Ngumiti ako habang ginagaya ko ang ginawa niyang paglalagay ng kamay sa tapat ng kanyang puso. Sana alam ng kaibigan ko kung gaano ko kagustong makipagdiwang at makibahagi sa kagalakan nilang mag-asawa. Anuman ang nadama kong pagkaasiwa ay naglaho sa 10-segundong iyon ng pagpapahayag ng pagkakaibigan, at ginugol ko ang buong gabi nang may sigla.

Makalipas ang mga araw, sa paghahandang magturo ng isang aralin sa Relief Society, pinag-aralan ko ang Mateo 22 at nabasa ko ang tungkol sa isang hari na naghahanda ng piging para sa kasal ng kanyang anak na lalaki, na kumakatawan sa Tagapagligtas. Tungkol sa mga talatang ito ng banal na kasulatan, itinuro ni Propetang Joseph Smith: “Yaong sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagpapamuhay ng Kanyang mga panuntunan hanggang sa huli, [ay ang] mga tao na tanging pinahihintulutang maupo sa maluwalhating piging na ito. … Ang mga yaon na iningatan ang pananampalataya ay mapuputungan ng putong na katuwiran; madaramitan ng puting kasuotan; matatanggap sa piging ng kasal; mapalalaya sa lahat ng paghihirap, at maghaharing kasama ni Cristo sa mundo.”1 Ang pangakong iyan ay may bisa anumang oras, ngunit lalo na dahil sa naranasan ko noong araw na iyon.

Habang itinuturo ko ang aralin, natanto ko na pagsunod ang tanging kailangan para matanggap ang paanyaya mula kay Jesucristo upang magalak na kasama Niya, na magkaroon ng lugar sa Kanyang piging. At ang piging na iyan ay hindi kailangang ikabalisa ng mga bisita dahil sila ay talagang kabilang dito. Bagama’t malayu-layo pa ako sa pagiging lubos na masunurin, umaasa akong magiging karapat-dapat ako balang-araw na salubungin ang Kasintahang Lalaki at masabi habang nakatutop ang kamay sa tapat ng aking puso—isang pusong sumuko sa Kanyang kalooban—na magsasabi, “Masaya ako’t narito ako.”

Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 192, 193.

Larawang kuha ni John Luke