Dapat Magtulungan ang Magkapatid
Tulad ng halos lahat ng magkakapatid na 18 buwan lang ang pagitan ng edad, halos magkapareho ng gusto sina Marilia at Nicole P. ng Cuzco, Peru. Pareho nilang gusto ang ceviche, isang katutubong pagkaing Peruvian na gawa sa isdang ibinabad sa katas ng dayap o lemon. Pareho nilang sinabi na ang paborito nilang kuwento sa mga banal na kasulatan ay ang panaginip ni Lehi. At kung “Dakilang Diyos” lang ang himno sa himnaryo, kapwa sila magiging masayang kantahin ito nang paulit-ulit.
Pagbabahagi ng Patotoo Tungkol sa Panalangin
Ang isa pang bagay na pareho sila ay ang malakas na patotoo na sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin.
“Alam ko na ang Simbahan ay totoo dahil kapag nagdarasal ako, sinasagot Niya,” sabi ni Nicole, na 10 taong gulang. “Kapag humihingi ako ng tulong sa Kanya, tinutulungan Niya ako.”
Ikinuwento ni Nicole noong magkasakit nang malubha ang kanyang kaibigan at nagpasiya ang mga doktor na ilipad siya sa Lima, ang kabiserang lungsod ng Peru, dahil hindi nila alam kung paano siya gagamutin. “Ayaw ko siyang umalis dahil matalik ko siyang kaibigan,” sabi ni Nicole. “Hiniling ko sa Ama sa Langit na basbasan siya. Narinig Niya ang aking dalangin, at gumaling siya.”
Sabi ni Marilia, edad 11, kaya raw niya gustung-gusto ang kuwento tungkol sa panaginip ni Lehi ay dahil nang makita ni Lehi na nag-iisa siya sa kadiliman, nagdasal ito “at sumagot ang Panginoon.”
“Alam ko na ang Simbahan ay totoo dahil nadarama ko ito sa puso ko kapag nagdarasal ako,” wika niya. “Naririnig ako ng Diyos, at kapag may hinihiling akong isang bagay, sumasagot Siya.”
Kaya rin nila gusto ang kuwentong iyan sa banal na kasulatan ay dahil masunurin sina Nephi at Sam.
Pagbabahagi ng mga Pagkakaiba para Matulungan ang Pamilya
Sa kabila ng lahat ng pagkakatulad nila, may ilang pagkakaiba rin ang magkapatid na ito. Sa eskuwela mahilig sa science si Marilia, samantalang mas gusto naman ni Nicole ang math. Mahilig magsayaw, kumanta, at magbisikleta si Marilia. Mahilig naman sa volleyball at mga hayop si Nicole.
Natutuwang magluto si Marilia. Gusto niyang manood ng mga palabas sa telebisyon tungkol sa pagluluto. Gumugugol ng oras si Nicole sa paglilingkod sa iba, at mabilis siyang magpatawad.
Ginagamit ng mga batang ito ang sarili nilang mga nakaugalian at talento para matulungan ang kanilang pamilya.
Sina Marilia at Nicole ay naninirahan sa Andes Mountains kasama ang kanilang nanay at tatay, dalawang nakababatang kapatid na babae, at isang nakababatang kapatid na lalaki. Pagmamahal sa kanilang pamilya ang isa sa pinakamahahalagang bagay sa magkapatid. At tulad nina Nephi at Sam na kapwa may hangaring maging masunurin at tulungan ang kanilang pamilya, umaasa sina Marilia at Nicole na ang mga pagkakatulad at pagkakaiba nila ay magpapala sa kanilang pamilya.
Mga Paborito ni Marilia
-
Paboritong pagkain: Ceviche
-
Paboritong banal na kasulatan: panaginip ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8)
-
Paboritong himno: “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48)
-
Paboritong asignatura sa paaralan: Science
-
Mga paboritong libangan: Kumanta, sumayaw, at magbisikleta
Mga Paborito ni Nicole
-
Paboritong pagkain: Ceviche
-
Paboritong banal na kasulatan: panaginip ni Lehi (tingnan sa 1 Nephi 8)
-
Paboritong himno: “Dakilang Diyos” (Mga Himno, blg. 48)
-
Paboritong asignatura sa paaralan: Math
-
Paboritong libangan: Volleyball