2011
Bubuhatin Ka Namin!
Pebrero 2011


Bubuhatin Ka Namin!

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2006.

President Thomas S. Monson

Isang umaga habang nagmamaneho ako patungo sa opisina, may nadaanan akong isang karatula. Mababasa rito, “Paglilingkod ang Mahalaga.” Ang mensahe sa karatula ay hindi nawaglit sa aking isipan. Sa katotohanan ang paglilingkod ang mahalaga—ang paglilingkod sa Panginoon.

Maraming taon na ang nagdaan nagkaroon ako ng pribilehiyo na basbasan ang isang magandang dalagita na edad 12, si Jami Palmer. Natuklasang may kanser siya. Nalaman niya na ang binti niya kung saan naroon ang kanser ay nangangailangan ng maraming operasyon. Ang matagal na nilang planong pagha-hiking kasama ang klase niya sa Young Women ay hindi na mangyayari, ang naisip niya.

Sinabihan ni Jami ang kanyang mga kaibigan na mag-hiking na sila kahit hindi siya kasama. Alam kong may nadama siyang kabiguan sa kanyang puso.

Subalit mariing tumugon ang ilang dalagita, “Hindi, Jami, sasama ka sa amin!”

“Pero hindi ako makalakad,” ang sagot niya.

“Kung gayon bubuhatin ka namin hanggang sa itaas!” At binuhat nga nila si Jami.

Walang sinuman sa mga dalagitang iyon ang malilimutan ang araw na iyon nang dumungaw ang mapagmahal na Ama sa Langit na may ngiti ng pagsang-ayon at lubos na nasisiyahan.

Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang tungkol sa magiting na si Haring Benjamin. Pahayag niya, “At masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).

Ito ang paglilingkod na mahalaga, ang paglilingkod kung saan tinawag tayong lahat: ang paglilingkod ng Panginoong Jesucristo.

Mga paglalarawan ni Taia Morley

Pagtugmain

Gumuhit ng isang linya sa pagitan ng bata o retrato ng mga bata at ng isang bagay sa ibaba na binanggit sa kuwento. Ang ilan sa mga kuwento ay mayroong mahigit sa isang bagay.