2011
Siya na Nailigtas ay Naging Tagaligtas
Pebrero 2011


Siya na Nailigtas ay Naging Tagaligtas

Pasama nang pasama ang buhay ko noon hanggang sa makilala ko ang isang lalaking nagsabi na may solusyon siya sa mga problema ko.

Isang gabi noong 1978, nasa Logan Airport ako sa Boston, Massachusetts, USA, at naghihintay sa pagdating ng ilang kaibigan. May isang lalaking nakipag-usap sa akin, at nagkuwentuhan kami nang kaunti tungkol sa aming mga buhay. Sinabi ko sa kanya na tatlong buwan na akong nakabalik mula sa Central America.

Umalis ako para takasan ang mapapait na pangyayari sa buhay ko, sabi ko sa kanya. Siyam na taon bago iyon namatay ang kapatid kong lalaki. Nang sumunod na taon namatay ang mga magulang ko sa isang aksidente sa kotse. Isang taon makalipas iyon, namatay ang lola ko. Sa loob ng maikling panahon, nawala ang ilan sa pinakamahahalagang tao sa buhay ko. Lumung-lumo ako.

Malaki ang minana kong pera nang mamatay ang mga magulang ko, at ginamit ko ito upang subukang takasan ang aking pagdadalamhati. Ginasta ko ito sa mga mamahaling damit, kotse, droga, at pagliliwaliw sa malalayong lugar.

Sa pinakahuli kong biyahe inakyat ko ang isang pyramid sa Tikal, Guatemala. Doon, kahit nasa mataas na lugar ako, naaalala ko na nadama ko ang pinakamatinding kalungkutan. Hindi ko na maibalik ang dati kong buhay. “Diyos ko,” sabi ko, “kung nariyan Kayo, kailangan ko Kayo para baguhin ang buhay ko.” Tumayo ako roon nang ilang minuto, at tahimik na humingi ng tulong mula sa isang nilalang na hindi ko tiyak kung totoo. Pagbaba ko ng pyramid, nakadama ako ng kapayapaan. Walang nabago sa buhay ko, ngunit kahit paano nadama kong magiging maayos ang lahat.

At makalipas nga ang tatlong buwan natagpuan ko ang sarili ko na ikinukuwento ang lahat ng ito sa lalaki sa airport. Matiyaga siyang nakinig at pagkatapos ay nagtanong kung alam ko na nagpakita si Jesucristo sa mga lupain ng Amerika.

Noong panahong iyon hindi ko pa rin gaanong naiisip ang Diyos. Anong klaseng Diyos ang kukuha sa aking pamilya? Marami pa akong sinabi sa lalaking iyon, at sinabi niya na ang Diyos na pinaniniwalaan niya ay may ginawang paraan para makasama kong muli ang aking pamilya. Ngayon ako naman ang nakinig sa kanya.

“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ko.

“Narinig mo na ba ang tungkol sa mga Mormon?” Wala akong gaanong alam tungkol sa kanila, ngunit nagpatuloy ang lalaki at ipinaliwanag sa akin ang plano ng kaligtasan. At sa kabila ng hindi ko paniniwala noong una, parang totoo ang sinasabi niya.

Nagbigayan kami ng numero ng telepono ng bago kong kakilala, at nang sumunod na ilang buwan, nagkita kami paminsan-minsan. Pinag-usapan din namin ang ebanghelyo. Binigyan niya ako ng Aklat ni Mormon, at tinalakay namin ito at ang iba pang mga banal na kasulatan nang maraming oras sa telepono. Ikinuwento niya sa akin ang pagpapanumbalik ni Joseph Smith sa Simbahan ni Jesucristo. Iyon ay kamangha-manghang sandali ng pag-asa at pagbabago.

Medyo nabawasan ang pagkikita namin, ngunit pagkaraan ng ilang linggo, sinabi sa akin ng kaibigan ko na gusto niyang papuntahin ang ilang kaibigan niya para kausapin ako. Ang mga kaibigang pinapunta niya, mangyari pa, ay ang mga misyonero. Kasama ng mga full-time elder si Bruce Doane, isang stake missionary na napangasawa ko kalaunan.

Makalipas ang ilang linggong pagtuturo sa akin, tinanong ng mga misyonero kung gusto kong magpabinyag. Oo ang sagot ko. Pagkatapos ay sinabi nila sa akin na bago ako mabinyagan, kailangan kong sundin ang Word of Wisdom.

Nabawasan ang pag-inom ko ng alak o paggamit ng droga kaysa rati. Nagbabago na ang mga bagay-bagay sa buhay ko; mas nakadama ako ng pag-asa na hindi tulad ng dati—ngunit tiyak na hindi ganoon kadaling alisin ang mga bisyong iyon nang lubusan. Bukod pa riyan, marami na akong tinalikuran sa pagtanggap ko sa ebanghelyo—kasama na ang ilang kaibigang nag-iisip na hangal ako dahil nagpakita ako ng interes sa Simbahang Mormon. Nagpatuloy ako dahil nadama kong totoo ang ebanghelyo. Ngunit ganap ko bang matatalikuran ang matatagal ko nang adiksyon?

Nag-alok ang mga misyonero na bigyan ako ng basbas ng priesthood para matulungan ako. Pagkatapos niyon, kaagad kong itinapon ang lahat ng droga at alak na mayroon ako. At nang gabing iyon ang pagnanasang uminom o gumamit ng anumang bagay na labag sa Word of Wisdom ay nawala na sa akin. Iyon ay tunay na isang himala.

Nabinyagan ako noong Hunyo 1978. Pagkalipas ng mahigit isang taon, ikinasal kami ni Bruce sa Washington D.C. Temple.

Literal akong iniligtas ng ebanghelyo mula sa kawalang-pag-asa. Dati ay talagang naligaw ako ng landas. Wala na ang mga magulang at kapatid at lola ko, at pakiramdam ko wala na rin ako. Nang mamatay sila hindi ko na kilala kung sino ako. Ngayon natuklasan ko ang aking pagkatao. Alam kong ako ay anak ng Diyos at kilala at mahal Niya ako. Nang mabuklod ako sa aking mga magulang, lola, at kapatid, napalitan ng galak ang kalungkutan ko dahil sa katiyakan na maaari kaming magkasama-samang muli magpakailanman. 

Iniligtas din ako ng ebanghelyo ni Jesucristo mula sa aking mga adiksyon. Nitong nakalipas na ilang taon naglingkod kaming mag-asawa bilang mga misyonero sa LDS Family Services addiction-recovery, na tumutulong sa mga miyembro ng aming stake na nahihirapan sa iba’t ibang uri ng adiksyon. Lubos akong nagpapasalamat na makatulong sa mga kapatid na ito. Isang pagpapala sa akin ang maikuwento sa kanila ang nangyari sa akin upang maipaunawa sa kanila kung paano tayo maililigtas ng ebanghelyo.

Paglalarawan ni Roger Motzkus