Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo
Ang Kanyang Biyaya ay Sapat
Tulad ng maraming tao, halos buong buhay ko ay hirap akong kilalanin ang kabuluhan ko. Maraming taon ko nang pinoproblema ang mabigat kong timbang, na nakadagdag sa hindi maganda kong nararamdaman. Kahit nabawasan na ang timbang ko at pinangangalagaan na ang aking kalusugan, paminsan-minsan ay hirap pa rin akong labanan ang mga hindi magandang naiisip at damdaming iyon.
Isang umaga lungkot na lungkot ako at inisip ko kung paano ko mapagaganda ang sitwasyon. Sinimulan kong magdasal at humingi ng tulong sa Ama sa Langit na mapaglabanan ko ang nadarama kong kakulangan. Habang nagdarasal, naisip ko ang banal na kasulatang ito: “Kung kayo ay walang pag-asa kayo ay talagang nasa kabiguan; at ang kabiguan ay dumarating dahil sa kasamaan” (Moroni 10:22).
Ang kasamaan ay tila napakabigat na salita, kaya nga noong una ay inalis ko iyon sa aking isipan dahil wala akong maisip na ginawa kong maling-mali. Gayunman, hindi pa rin iyon matanggal sa isip ko, kaya nagdasal ako, tulad ng bilin ni Moroni, na ipakita sa akin ng Ama sa Langit ang aking kahinaan para mapalakas ito (tingnan sa Eter 12:27).
Naalala ko ang tatlong pangyayari dalawang araw bago iyon nang mawalan ako ng pasensya sa mga anak ko. Inuna ko ang sarili kong damdamin at pangangailangan kaysa kanila at hindi ako naging sensitibo sa kanilang damdamin. Hindi maganda ang naging pakiramdam ko at nagpasiyang gagawin ko ang mas nararapat. Humingi ako ng paumahin sa aking mga anak at ipinagdasal ko na mapatawad ako. Pagkatapos kong magdasal, nawala ang nadama kong kakulangan at nakadama ako ng kapayapaang mailap sa akin noon.
Parang may ilaw na nagsindi sa aking isipan, sa wakas ay naunawaan ko ang simpleng konsepto na masasabing hindi ko naisip noon pa man. Kapag may kasalanan akong hindi naiwaksi sa buhay ko, kahit maliit lang, binibigyan ko ng kapangyarihan si Satanas na impluwensyahan ako. Alam niya ang aking mga kahinaan, at kung anong mga salita ang “pupukaw sa akin” at “magdadala sa akin tungo sa pagkawasak” (tingnan sa D at T 10:22). Ang totoo, hindi ko kinamumuhian ang sarili ko, ngunit kinamumuhian ako ni Satanas at gagamitin niya ang lahat ng paraan para ilayo ako sa liwanag.
Gayunman, kapag nagsisisi ako, umaasa ako sa kapangyarihan ni Jesucristo. Dahil lubos Niyang alam kung paano ako tulungan sa aking kahinaan (tingnan sa Alma 7:11–12), pinalalakas ako ng Kanyang kapangyarihan at pinatatatag ako sa mga paraang hindi ko magagawa nang mag-isa.
Kahit ang Apostol Pablo, na napakagiting sa pagpapahayag ng ebanghelyo, ay nagkaroon ng kahinaan at nahirapan sa mga epekto nito sa kanya. Magkagayunman, nang ipagdasal niyang maalis ang kahinaan, sumagot ang Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Nagpatuloy si Pablo sa pagbulalas, “Kaya’t bagkus akong magmamapuri na may malaking galak sa aking kahinaan upang manahan nawa sa akin ang kapangyarihan ni Cristo” (II Mga Taga Corinto 12:9).
Gayundin, gagawin ko ang lahat para magsisi at masunod ang mga utos upang “manahan sa akin ang kapangyarihan ni Cristo” at mapuspos ako ng kapayapaan at pag-ibig.