2011
Hindi Ko Kayo Gustong Makilala!
Pebrero 2011


Hindi Ko Kayo Gustong Makilala!

Irvin Fager, Utah, USA

Taglay ang taimtim na panalangin sa aking puso at katabi ang 14 na taong-gulang na kompanyon ko, kumatok ako sa pinto ni Andy. Ito ang unang pagbisita namin sa kanyang tahanan bilang mga bago niyang home teacher. Kamakailan ay tinanggap namin ang responsibilidad na bisitahin siya sa kabila ng kanyang ugali na mahirap pakitunguhan. Bumukas ang pinto, at naroon siya at nakatayo, suot ang isang Japanese kimono.

“Ano iyon?”

“Hi, ako si Irvin, at siya ang kompanyon ko. Kami ang mga home teacher ninyo at gusto namin kayong dalawin.”

Nakaupo ang kanyang asawa sa mesa sa kanyang likuran, na ganoon din ang kasuotan. Kasalukuyan silang kumakain sa estilong Japanese.

“Palagay ko naman nakikita ninyong kumakain kami at wala kaming oras para sa inyo,” ang sabi niya.

“Maaari siguro kaming bumalik sa ibang araw?” tanong ko.

“Bakit?”

“Para makilala namin kayo,” ang sagot ko.

“Bakit gusto ninyo akong makilala?” tanong niya. “Hindi ko kayo gustong makilala!”

Iniisip ko na maaari naman kaming umayaw bilang kanilang mga home teacher nang oras na iyon, pero hindi namin ginawa. Pagbalik namin nang sumunod na buwan, pinapasok kami ni Andy. Umupo kami na nakaharap sa dingding na may hanay ng mga basyong bote ng beer na inayos sa hugis ng mga antigong kotse. Sandali lang naming nakausap si Andy, ngunit nalaman namin na siya ay retiradong air force colonel. Ang mga sumunod naming pagdalaw ay sandali lang din at walang masyadong resulta.

Isang gabi habang paalis na ako sa isang miting ng Simbahan, may narinig akong tinig na nagsasabi sa aking dalawin si Andy. “Hindi, salamat na lang,” ang naisip ko. “Huwag ngayong gabi.”

Nang tumigil ako sa pulang ilaw ng trapiko, muli kong nadama ang pahiwatig na dalawin si Andy. Naisip ko, “Huwag naman, wala akong ganang bisitahin si Andy ngayong gabi.”

Gayunman, sa huling pagliko ko pauwi, nadama ko ulit ang pahiwatig na iyon sa ikatlong pagkakataon, kaya’t natiyak ko ang kailangan kong gawin.

Nagpunta ako sa kanyang tahanan at ipinarada ang aking kotse, na nagdarasal na mapatnubayan. Pagkatapos ay lumapit ako sa kanyang pinto at kumatok. Nang papasukin ako ni Andy, nakita ko ang Aklat ni Mormon at isang aklat ng genealogy o talaangkanan sa ibabaw ng mesa. Kakaibang diwa ang nadama ko sa kanyang tahanan; may kakaiba rin kay Andy. Marahan niyang ikinuwento ang tungkol sa pagmamahal niya sa kanyang ina at kapatid na babae, na nagtipon ng talaangkanan.

Sa kauna-unahang pagkakataon, sinabi niya sa akin ang kanyang saloobin. Binanggit niya ang sakit na nararamdaman niya sa kanyang likod, at idinagdag pa na pupunta siya sa ospital sa March Air Force Base na malapit sa Riverside, California, kinabukasan. Tinanong ko siya kung gusto niya ng priesthood blessing. Walang pag-aatubiling sumagot siya sa mahinang tinig, “Sige, basbasan ninyo ako.” Tinawagan ko ang aming elders quorum president, na dumating para tumulong sa pagbibigay ng basbas.

Kinabukasan sinabi ng mga doktor kay Andy na may kanser siya sa baga at hindi na ito maaaring operahan. Pagkatapos matanggap ang balita, nakipagkita siya sa bishop. Sa loob ng ilang buwan, naratay siya sa kanyang higaan.

Isang gabi pagdating ko sa kanyang tahanan para muling dumalaw, dinala ako ng kanyang asawa sa kanyang silid, kung saan siya nakaratay. Lumuhod ako sa tabi ng kanyang kama at niyakap ko siya. Bumulong ako, “Mahal kita, Andy.” Sa natitira pa niyang lakas, niyakap niya ako at, pinilit na masabing mahal din niya ako. Pagkaraan ng dalawang araw siya ay pumanaw.

Inanyayahan ako ng kanyang asawa sa libing. Bukod sa apat na miyembro ng kanyang pamilya, ako lamang ang naroon.

Labis ang pasasalamat ko na pinakinggan ko ang mga pahiwatig ng Espiritu na dalawin ko si Andy.