Matutong Pakinggan at Unawain ang Espiritu
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin ay matutong makinig at sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu.
Lumaki ang aking ama sa munting bayan ng Monticello, Utah. Noong pitong taong gulang siya, isa sa pang-araw-araw na mga gawain niya ang papasukin ang mga baka ng pamilya mula sa kanilang pastulan. Ang pinakamamahal niyang gamit ay ang kanyang pocketknife, na lagi niyang dala. Isang araw habang nangangabayo para sunduin ang mga baka, isinuksok niya ang kamay sa bulsa para kunin ang pocketknife. Nanlumo siyang malaman na nawala niya ito habang daan. Lungkot na lungkot siya, ngunit naniwala siya sa itinuro ng kanyang ama’t ina: Dinirinig at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin.
Pinatigil niya ang kanyang kabayo at bumaba mula rito. Lumuhod siya at hiniling sa Ama sa Langit na tulungan siyang makita ang kanyang pocket-knife. Sumakay siyang muli sa kabayo, pumihit, at binalikan ang dinaanan. Sa hindi kalayuan ay tumigil ang kanyang kabayo. Bumaba ng kabayo si Itay at kinapa ang makapal na alikabok sa daan. Doon, nakita niyang nakabaon sa alikabok ang mahal na mahal niyang pocketknife. Alam niya na dininig at sinagot ng Panginoon ang kanyang panalangin.
Dahil natuto na siyang makinig at kumilos ayon sa mga bulong ng Espiritu, mapalad ang aking ama na makita ang kamay ng Panginoon sa maraming pagkakataon sa kanyang buhay. Marami siyang nasaksihang himala. Subalit kapag tinitipon niya noon ang kanyang pamilya upang turuan kami ng ebanghelyo, madalas niyang banggitin ang kanyang karanasan sa maalikabok na daan sa Monticello nang dinggin at sagutin ng Panginoon ang dalangin ng isang “mapekas na pitong-taong-gulang na batang lalaki.”
Nang tumanda na siya sinabi niya sa amin na may iba pa siyang nalaman sa karanasan niya noong bata pa siya. May kislap ang mga matang sinabi niya, “Nalaman ko na nakakausap ng Diyos ang mga kabayo!”
Ang karanasan ng aking ama noong bata pa siya ay nakintal sa kanyang isipan dahil doon nagsimula ang kanyang sariling espirituwal na pagkatuto. Noon niya nalaman sa kanyang sarili na dinirinig ng Diyos ang mga dalangin. Noon siya nagsimula, sabi nga ni Propetang Joseph Smith, na matuto tungkol sa Espiritu ng Diyos.1
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Nangako ang Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol na paglisan Niya, matatamasa nila ang kaloob na Espiritu Santo. Sabi Niya, “Ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi” (Juan 14:26). Ang pangakong iyon ay natupad sa araw ng Pentecostes.
Ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may karapatan sa kaloob na ito. Pagkatapos tayong mabinyagan, ginagawaran tayo ng kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng taong may awtoridad na mangasiwa sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Ang kaloob na ito ay ang karapatan, kapag tayo ay karapat-dapat dito, na laging makasama ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos.
Ang pagsama ng Espiritu Santo ay isa sa mga pinakadakilang pagpapalang matatamasa natin sa buhay na ito. Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol:
“Tungkulin ng mga tao—nang higit sa lahat sa mundong ito—na hangarin ang patnubay ng Banal na Espiritu. Walang kasinghalaga ang pagsama ng Espiritu Santo. …
“Walang halagang napakalaki, walang gawaing napakabigat, walang pagpupunyaging napakatindi, walang sakripisyong napakahirap, kung dahil dito ay matatanggap at matatamasa natin ang kaloob na Espiritu Santo.”2
Itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang Espiritu ng Diyos ay matututuhan at “sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, kayo ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal kayo kay Cristo Jesus.”3
Ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa natin ay ang malaman ang tungkol sa Espiritu ng Diyos—matutong makinig at sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu. Kung nais natin ito at karapat-dapat tayo, tuturuan tayo ng Panginoon sa alituntunin ng paghahayag.
Matutong Makinig at Kumilos
Upang matuto tungkol sa Espiritu ng Diyos, dapat tayong matutong makinig nang taos-puso. Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Espiritu ay ang marahan at banayad na tinig—isang tinig na nadarama sa halip na naririnig. Ito ay isang espirituwal na tinig na pumapasok sa isipan at ipinadarama sa ating puso.”4
Itinuro din ni Pangulong Packer: “Mas madaling dumating ang inspirasyon sa payapang kapaligiran. Ang mga salitang tulad ng tahimik, panatag, payapa, Mang-aaliw ay marami sa mga banal na kasulatan: ‘Kayo ay magsitigil, at kilalanin ninyo na ako ang Dios.’ (Mga Awit 46:10; idinagdag ang italics.) At ang pangakong, ‘Iyong matatanggap ang aking Espiritu, ang Espiritu Santo, maging ang Mang-aaliw, na siyang magtuturo sa iyo ng mga mapayapang bagay ng kaharian.’ (D at T 36:2; idinagdag ang italics).”
Dagdag pa ni Pangulong Packer: “Kahit maaanyayahan natin ang pakikipag-ugnayang ito, hindi ito kailanman mapipilit! Kung susubukan natin itong pilitin, maaari tayong malinlang.”5
Napakahalaga sa ating pag-aaral ang ating responsibilidad na kumilos, nang walang pagkaantala, ayon sa mga espirituwal na pahiwatig na natatanggap. Ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson: “Nagmamasid tayo. Naghihintay tayo. Pinakikinggan natin ang marahan at banayad na tinig na yaon. Kapag nagsasalita ito, sumusunod ang matatalinong lalaki’t babae. Hindi dapat ipagpaliban ang pagsunod sa mga inspirasyong ibinibigay ng Espiritu.”6
Ang pagkatutong pakinggan at unawain ang Espiritu ay dahan-dahan at patuloy na proseso. Sinabi ng Tagapagligtas, “Siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw” (D at T 50:24). “Sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” (2 Nephi 28:30).
Tulad ni Cristo na “hindi … tinanggap ang kaganapan sa simula, subalit tumanggap nang biyaya sa biyaya” (D at T 93:12), gayundin, kapag sinunod natin ang Kanyang mga utos, tayo ay “makatatanggap nang biyaya sa biyaya” (D at T 93:20; tingnan din sa Juan 1:16) at “ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin” (2 Nephi 28:30). Ang ating pag-aaral kadalasan ay dahan-dahan tulad ng pagbaba ng mga hamog mula sa langit (tingnan sa D at T 121:45; 128:19).
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na “walang simpleng pormula o pamamaraang agad magtutulot sa [atin] na maging bihasa sa kakayahang magabayan [ng tinig ng Espiritu].” Sa halip, “inaasahan ng ating Ama na matututo [tayong] makamit ang tulong na iyon ng langit sa pagsampalataya sa Kanya at sa Kanyang Banal na Anak na si Jesucristo.”
Nagpatuloy si Elder Scott: “Ang akala ninyong nakakatakot na tungkulin ay magiging mas madaling gampanan sa paglipas ng panahon kapag palagi ninyong sinisikap kilalanin at sundin ang damdaming ipinadarama ng Espiritu. Mag-iibayo rin ang tiwala ninyo sa patnubay na tinatanggap ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo,” at “magiging mas tiyak ang tiwala ninyo sa mga nadarama ninyo kaysa sa pag-asa ninyo sa inyong nakita o narinig.”7
Bilang bahagi ng ating pag-aaral, tutulungan tayo ng Panginoon na makita ang mga resulta, sa buhay natin at ng iba, ng ating pagkilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap natin mula sa Espiritu. Ang mga karanasang ito ang magpapalakas ng ating pananampalataya at magbibigay sa atin ng dagdag na lakas ng loob upang kumilos sa hinaharap.
Ang pagkatutong pakinggan at unawain ang Espiritu ay nangangailangan ng malaking pagsisikap. Ngunit nangako ang Panginoon na ang matatapat ay “makatatanggap ng paghahayag, ng kaalaman sa kaalaman, upang [kanilang] malaman ang mga hiwaga at mapayapang bagay—yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan” (D at T 42:61).