Pagpapakita ng Habag
Mula sa “Some Have Compassion, Making a Difference,” Ensign, Mayo 1987, 77; pinagpare-pareho ang pagbabaybay.
Sa talinghaga ng nawawalang tupa, hinanap ng pastol ang tupa hanggang sa matagpuan niya ito. Pagkatapos ay bumalik siya, na nagagalak (tingnan sa Lucas 15:4–7).
Sa talinghaga ng nawawalang piraso ng pilak, nagsindi ng kandila ang babaeng balo, na nagbigay ng liwanag, at nagwalis sa bawat sulok upang hanapin ang pilak. Nagalak siya nang makita ito (tingnan sa Lucas 15:8–10).
Ang dalawang talinghagang ito ay mga halimbawa ng pagkilos upang maghanap, pagliwanagin ang kadiliman, at magwalis hanggang sa matagpuan ang isang itinatanging pag-aari o nawawalang kaluluwa at maibalik sa isang masayang tahanan.
Isang magandang halimbawa ng pagkahabag at paglilingkod na gumagawa ng kaibhan ay ang halimbawang ipinakita nina Don at Marian Summers. Habang naglilingkod sa England, inatasan silang iukol ang huling anim na buwan ng kanilang misyon sa Swindon Branch upang magturo at tumulong sa pagpapaaktibo ng mga miyembro. Sa loob ng 80 taon ang Swindon ay isang branch na may ilang matatapat na miyembro at maraming mabubuting miyembro na nagiging di-gaanong aktibo.
Isinulat nina Don at Marian: “Medyo nakakalungkot ang unang pagbisita namin sa Swindon Branch nang tipunin namin ang mga Banal sa malamig na inuupahang bulwagan. May 17 miyembro sa kongregasyon, kabilang na sina President at Sister Hales at 4 na misyonero. Suot pa rin ang aming mga pangginaw, pumalibot kami sa isang maliit at di-sapat ang init na heater habang nakikinig ng aralin sa Sunday School.”
Sabi pa sa sulat: “Isang miyembro ng branch ang kumausap sa akin isang araw: ‘Elder Summers, maaari ba kitang payuhan? Huwag na huwag ninyong banggitin ang salitang ikapu sa mga miyembro sa Swindon; hindi talaga sila naniniwala roon, at magagalit lang sila sa iyo.’”
Sabi ni Brother Summers: “Itinuro pa rin namin ang ikapu at lahat ng iba pang alituntunin ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng halimbawa at paghikayat ng branch president, nagbago ang damdamin nila, at nagsimulang lumago ang kanilang pananampalataya at pagiging aktibo. Ganap na nai-update ang mga talaan ng mga miyembro nang bisitahin namin ang bawat tahanan ng miyembro. Nang magmalasakit na ang mga lider, nagsimulang tumalima ang mga miyembro, at nadama ang panibagong sigla sa branch. Naging interesadong muli ang mga miyembro sa ebanghelyo at sa pagtulong sa isa’t isa. …
“Isang bata pang mag-asawa ang nahirapang makibagay dahil naiiba ang kanilang tradisyon, gawi, at pananamit. Nasaktan sila sa mga mungkahing magbago sila. Sumulat nang dalawang beses ang mag-asawa sa bishop [dahil ward na ito noon] at ipinaalis nila ang kanilang pangalan sa mga talaan ng Simbahan. Sa huling sulat binawalan nila ang sinumang miyembro na bumisita sa kanila, kaya pumunta [kami] sa tindahan ng mga bulaklak at bumili ng magagandang chrysanthemum at ipinadala ito sa mag-asawa. Simpleng mensahe lamang iyon: ‘Mahal namin kayo; hinahanap-hanap namin kayo; kailangan namin kayo. Sana bumalik na kayo.’ Mula sa Swindon Ward.
“Ang sumunod na Linggo ay pulong-ayuno at patotoo at huling Linggo namin sa Swindon. May 103 mga miyembrong dumalo, kumpara sa 17 miyembro anim na buwan bago iyon. Naroon ang mag-asawa, at nang magbahagi ng patotoo ang lalaki, pinasalamatan niya ang Swindon Ward dahil hindi nila hinayaang mawala sila.”
Bawat isa sa atin ay maaaring makaranas ng ganito sa ating ward at branch sa pagtulong at pagmamahal sa mga di-gaanong aktibo. Malaking kagalakan ang magbigay ng “… kahabagan [na gagawa ng kaibhan]” (Judas 1:22) sa mga taong maaaring handa nang matagpuan ang kanilang sarili at nais nang bumalik.