Pagliligtas sa mga Nawawalang Tupa
Ilang taon na ang nakalilipas sa simula ng tagsibol, nagkaroon kaming mag-asawa ng pagkakataong magbiyahe papunta sa magandang Star Valley, Wyoming, USA. Kaaya-aya ang umagang iyon ng tagsibol, at napakaganda ng kapaligiran at tanawin.
Nang papasok na kami ni Jackie sa Star Valley, natuwa kaming makakita paminsan-minsan ng mga kawan ng tupa na may kasamang mga batang tupa. May ilang bagay na mas nakakatuwa kaysa isang batang tupa. Habang dumaraan kami sa abalang kalsada, nakita namin ang isang maliit na tupa sa labas ng bakod malapit sa tabing-daan. Hindi ito magkandatuto sa pagparoo’t-parito sa tabi ng bakod, at nagpipilit makabalik sa kawan. Naisip ko na sapat ang liit ng batang tupang ito para sumiksik sa maliit na butas ng bakod palabas pero hindi na ngayon makabalik.
Sigurado ako na kung hindi kami hihinto para iligtas ang tupa, maliligaw ito kalaunan sa kalapit na kalsada at masasaktan o mapapatay. Itinigil ko ang sasakyan at sinabi ko kay Jackie at sa mga kasama namin sa likurang upuan, “Dito muna kayo; sandali lang ito.”
Mangyari pa dahil sa kakulangan ko ng kaalaman sa pag-aalaga ng tupa ay inakala kong matutuwa ang takot na tupa na makita ako; tutal, mabuti naman ang intensyon ko. Naroon ako para iligtas ang buhay nito!
Ngunit nalungkot ako dahil natakot sa akin ang tupa at hindi nito ikinatuwa ang intensyon kong iligtas ito. Nang lapitan ko ang tupa, mabilis na tumakbo ang munting hayop sa tabi ng bakod palayo sa akin. Nang makita ang nangyari, lumabas ng sasakyan si Jackie para tumulong. Pero kahit magkatulong kami hindi namin mapasunod ang mabilis at maliit na tupa.
Sa puntong ito ang mag-asawang nakaupo sa likuran ng sasakyan, na tuwang-tuwang pinanonood ang habulan, ay lumabas ng sasakyan at sumali sa tangka naming pagliligtas. Sa huli ay tulung-tulong naming napagsalikupan ang nahintakutang tupa sa tabi ng bakod. Nang yumuko ako para buhatin ito suot ang malinis kong damit-pambiyahe, napansin ko kaagad na amoy kamalig ito. Noon ako nag-isip-isip, sulit ba talaga ang ginawa namin?
Nang buhatin namin ang tupa at itinawid ito sa bakod upang maging ligtas, nanlaban ito at nagsisipa nang buong lakas. Ngunit ilang sandali pa ay natagpuan nito ang kanyang ina at mahigpit at ligtas itong tinabihan ng inang tupa. Medyo marumi at lukot ang aming mga damit ngunit nasisiyahan at panatag kami na pinili naming gawin ang tama, nagpatuloy na kami.
Maraming beses kong pinag-isipan ang karanasang iyon mula noon. Iniisip ko kung gagawin natin ang gayong klaseng pagsisikap upang iligtas ang isang walang-utang-na-loob at di-gaanong aktibong miyembro. Sana nga! “Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa?” ang tanong ng Tagapagligtas (Mateo 12:12). Sa bawat branch, ward, at stake ay may naliligaw at nanganganib na mga tupa.
Palitan ninyo ang salitang maitutulong ng salitang maililigtas sa himnong “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” Hinihikayat ko kayong gawin ito sa pagliligtas ng mga nawawalang tupa:
Sa ngayo’y maraming maililigtas,
Pagkakatao’y naririyan.
Huwag mo nang hayaang ipagpabukas pa,
Kumilos na at gumawa.1
Ang ating mga kapwa ay maaaring tila walang-utang-na-loob, takot, o hindi interesadong mailigtas. At ang ating mga pagsisikap na iligtas sila ay maaaring mangailangan ng panahon, pagsisikap, lakas, at suporta at tulong ng iba. Ngunit ang gawaing ito ay gagantimpalaan ng mga walang hanggang pagpapala. Tulad ng ipinangako ng Panginoon, kung tayo ay magdadala ng “kahit isang kaluluwa sa [Kanya] sa kaharian ng [Kanyang] Ama, anong laki ng [ating] kagalakang kasama niya sa kaharian ng [ating] Ama” (D at T 18:15).