2011
Hindi Niya Ako Pinabayaan
Pebrero 2011


Hindi Niya Ako Pinabayaan

Nang sumapi ako sa Simbahan noong 1990, kinaibigan ako ng napakababait na pamilya, binigyan ng tungkulin, at dama kong kabilang ako. Ngunit paglipas ng isang taon, matapos lumipat sa isang bagong ward, nagsimula akong lumayo [sa Simbahan]. Tumigil ako sa pagdalo sa mga miting at nagsimulang makipagdeyt sa isang lalaking hindi miyembro ng Simbahan.

Naniniwala pa rin ako noon na totoo ang Simbahan. Naisip ko lang na hindi na ako karapat-dapat pa rito. Pagkatapos ay si Kathy ang naatasang maging visiting teacher ko.

Tumatawag si Kathy bawat buwan sa unang ilang buwan na sinisikap na maiskedyul ang pagbisita niya sa akin. Dahil palagi kong iniiwasan ang kanyang mga pagbisita, sinimulan na lang niyang ipadala sa akin ang Mensahe sa Visiting Teaching. Bawat buwan ay talagang dumarating ang mensahe. Nagpatuloy ito sa loob ng apat na taon, kahit naikasal na ako sa kasintahan ko at nagkaroon kami ng dalawang anak.

May mga buwan na itatapon ko lang ang mensahe nang hindi ito binabasa; may mga buwan naman na babasahin ko ito at pagkatapos ay itinatapon na. Hanggang sa isang araw ay iniwan ako ng asawa ko. Nang maiwan akong mag-isa sa pagpapalaki ng dalawa kong anak, isang nagsisimula pa lang maglakad at isang sanggol pa, bigla akong nangailangan ng mga sagot. Nang muling dumating ang buwanan kong Mensahe sa Visiting Teaching, nagpasiya akong magsimba sa unang pagkakataon sa loob ng matagal na panahon.

Asiwang-asiwa ako, na para bang lahat ng mga kasalanan ko ay nakasulat sa manggas ko. Isang sister na nakilala ko sa young single adult program ang magiliw na bumati sa akin, at magkatabi kaming umupo. Biglang dumating si Kathy. Iniwasan ko siyang tingnan, nahihiya na hindi ko sinagot ang alinman sa kanyang mga liham. Ngumiti siya sa akin, nakipag-usap sandali sa katabi ko, at pagkatapos ay umupo sa tabi ng kanyang asawa.

Pag-uwi ko galing sa trabaho kinabukasan, may mensahe mula kay Kathy sa answering machine. Hindi ko siya matawagan. Ang alam ko lang ay gusto niyang sabihin sa akin na hindi na ako tutulutang magsimba pa, na napakalaki ng mga nagawa kong kasalanan. Nalungkot ako na si Kathy pa ang kailangang magsabi ng mensaheng ito sa akin. Wala na akong puwang sa mabubuti. Hindi ko siya matawagan, ngunit nang sumunod na gabi muli siyang tumawag.

“Gusto kong humingi ng paumanhin,” sabi niya.

Bakit naman kailangang humingi ng paumanhin sa akin si Kathy?

“Hindi kita nakilala noong nakita kita sa simbahan noong Linggo,” sabi niya. “Pagkatapos ng sacrament meeting, tinanong ko ang katabi mo sa upuan kung sino ka. Ngunit nakaalis ka na. Masaya ako na nakita kita.”

Wala akong nasabi.

“Sana magkausap tayo sa susunod na magsisimba ka,” dagdag ni Kathy.

“Oo, sige,” sabi ko, at biglang naging napakasaya ko.

Magkatabi nga kami sa upuan nang sumunod na Linggo—at nang sumunod pang mga Linggo pagkatapos niyon. Siya ang nagsilbing inspirasyon ko sa pagiging mas mabuting ina, mas mabuting miyembro ng Simbahan, at mas mabuting visiting teacher. Palagi siyang matiyagang nakikinig, nang hindi nanghuhusga, tulad ng nadarama kong gagawin ng Tagapagligtas.

Katabi ko sa upuan si Kathy nang tanggapin ko ang aking endowment at nang araw na ikasal ako sa pangalawang asawa ko sa templo. Nanatili siyang visiting teacher ko hanggang sa lumipat kami ng ibang lugar. Pinagpala ng kanyang paglilingkod ang pamilya ko sa maraming paraan na natitiyak kong hindi niya inakala noon—lahat ng iyon dahil hindi niya ako pinabayaan.