Malugod na Pagtanggap sa Alibughang Anak
Mula sa isang mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University noong Pebrero 9, 2010; iniayos ang mga bantas ayon sa pamantayan. Para sa buong teksto ng mensahe sa Ingles, bisitahin ang speeches.byu.edu.
Ang talinghaga ng alibughang anak ay malinaw na naglalarawan ng maraming iba’t ibang disposisyon ng tao. Una, nariyan ang alibughang anak na makasarili na hindi iniisip ang sinuman o anuman kundi ang kanyang sarili. Ngunit, sa wakas, matapos ang magulong pamumuhay ay natuklasan niya sa kanyang sarili na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” [Alma 41:10], at siya ay “[n]akapagisip” (Lucas 15:17). Kalaunan ay natanto niya kung kaninong anak siya, at nanabik na makabalik sa piling ng kanyang ama.
Ang kanyang mayabang at makasariling disposisyon ay nauwi sa pagpapakumbaba at bagbag na puso at nagsisising espiritu nang ipagtapat niya sa kanyang ama: “Nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo” (Lucas 15:21). Lumipas na ang pagiging rebelde ng kabataan, wala na ang makasariling pag-iisip, at ang walang-tigil na paghahanap ng kasiyahan, at napalitan ito ng pagsisimula ng desisyong patuloy na gumawa ng mabuti. Ngayon, kung ganap tayong tapat sa ating sarili, aaminin ng bawat isa sa atin na tayong lahat ay may kaunting bahid ng alibughang anak.
At nariyan ang ama. Maaari siyang pintasan ng ilan na masyado siyang mapagpalayaw sa pagkakaloob ng hiling ng nakababatang anak na “ibigay mo sa akin ang bahagi ng iyong kayamanang nauukol sa akin” (Lucas 15:12). Ang ama sa talinghaga ay walang dudang sensitibo sa banal na alituntunin ng kalayaang moral at kalayaang pumili, isang alituntuning pinagtalunan sa Digmaan sa Langit bago tayo isinilang. Ayaw niyang pilitin ang kanyang anak na maging masunurin.
Ngunit ang mapagmahal na amang ito ay hindi kailanman sumuko sa kanyang anak na nalihis ng landas, at napatunayan ang kanyang walang-sawang pag-aalaga sa madamdaming kuwento na nang ang anak ay “nasa malayo pa … [a]ng kaniyang ama [ay] nagdalang habag, at tumakbo, at niyakap siya sa leeg, at siya’y hinagkan” (Lucas 15:20). Hindi lamang niya hayagang ipinakita ang pagmamahal sa kanyang anak, kundi hiniling pa ng ama sa kanyang mga alila na bigyan ito ng balabal, sapin sa paa, at singsing para sa kamay at nagbilin na patayin ang pinakamatabang guya, at tuwang-tuwang sinabing, “siya’y nawala, at nasumpungan” (Lucas 15:24).
Sa paglipas ng mga taon, ang ama ay nagkaroon ng napakatinding habag, pagpapatawad, mapagmahal na disposisyon kaya wala na siyang magawa pa kundi magmahal at magpatawad. Paborito nating lahat ang talinghagang ito dahil nagbibigay ito ng pag-asa sa bawat isa sa atin na isang mapagmahal na Ama sa Langit ang nakatayo sa daan, at sabik na naghihintay sa pag-uwi ng bawat isa sa Kanyang mga anak na alibugha.
At ngayon sa mas matanda at masunuring anak na tutol sa ginawa ng kanyang mapagpatawad na ama: “Narito, maraming taon nang kita’y pinaglilingkuran, at kailan ma’y hindi ako sumuway sa iyong utos; at gayon ma’y hindi mo ako binigyan kailan man ng isang maliit na kambing, upang ipakipagkatuwa ko sa aking mga kaibigan:
“Datapuwa’t nang dumating itong anak mong umubos ng iyong pagkabuhay sa mga patutot, ay ipinagpatay mo siya ng pinatabang guya” (Lucas 15:29–30).
Tulad ng pagkakaroon natin ng bahid ng pagiging alibughang anak, maaaring bawat isa sa atin ay may bahid din ng pag-uugali ng nakatatandang anak. Ipinaliwanag ni Apostol Pablo ang bunga ng Espiritu bilang “pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil” (Mga Taga Galacia 5:22–23). Bagaman posibleng masunurin nga ang nakatatandang anak sa kanyang ama, sa likod ng pagkamasunurin nito ay may namumuong pagmamalinis ng sarili at disposisyong manghusga, mag-imbot, at ganap na kawalan ng habag. Hindi nabanaag sa kanyang buhay ang bunga ng Espiritu, dahil hindi siya payapa kundi labis ang galit niya sa inakala niyang lubhang hindi pantay na pakikitungo.