2011
Napalakas ng Isang Himno
Pebrero 2011


Napalakas ng Isang Himno

Khetiwe Ratsoma, South Africa

Nagpasiya akong lumaban kasama ang mga katrabaho ko sa isang marathon sa Western Cape, South Africa. Nagpraktis ako at nagpagod nang husto sa paghahanda para sa paligsahan.

Sa araw ng paligsahan, gumising ako, binasa ang aking mga banal na kasulatan, at nagdasal. Kinakabahan ako noon, ngunit nadama ko rin na kailangan kong magtiwala sa Panginoon. Alam ko na kung magtitiwala ako, bibigyan Niya ako ng lakas at suporta.

Pinaglakad o pinatakbo kami nang 40 kilometro (25 milya). Nagsimula kami nang alas-8:00 n.u. Malamig ang panahon at medyo maulan noon, kaya’t sa simula ay nasiyahan akong maglakad at walang naging problema. Ngunit nang mga 10 kilometro na lang ang layo sa finish line, naging napakahirap ng paligsahan para sa akin. Nabanat ang kalamnan sa isa kong binti, at nagpaltos ang paa ko. Gusto ko nang sumuko. Pagkatapos ay sinimulan kong kumanta ng isang himno:

Ako’y kapiling, kung kaya’t h’wag mangamba,

Ako’y inyong Diyos na tutulong sa t’wina.

Itataguyod at lakas ay iaalay, …

Kamay ko ang s’yang sa inyo’y maggagabay.

(“Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47)

Paulit-ulit na pumasok sa isipan ko ang mga titik ng himno at iniangat ang aking mga paa at natapos ko ang paligsahan sa bisa ng himno ng Panginoon.

Itinuro sa akin ng karanasang ito na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay tungkol sa pagtitiis. Ito ay tulad ng paglakad o pagtakbo sa isang paligsahan. Kung minsan ay napapagod tayo, nagpapahinga, at muling naglalakad. Hindi tayo pinababayaan ng Ama sa Langit kahit ilang beses tayong madapa; ang mahalaga sa Kanya ay kung ilang beses tayo tumayo at muling naglakad. Ang Kanyang ebanghelyo ay tungkol sa pagtapos sa paligsahan.