Mga Klasikong Ebanghelyo
Pagpapalakas sa Di-Gaanong Aktibo
Hango sa mensaheng ibinigay sa isang miting para sa mga pinuno ng priesthood noong Pebrero 19, 1969. Ang buong teksto ay matatagpuan sa Boyd K. Packer, Let Not Your Heart Be Troubled (1991), 12–21.
Iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay, pagbabantas, at pagpapalaki ng mga letra.
Tayong lahat na namumuno sa mga ward at stake ay kailangang magbukas ng pinto para sa nawawalang tupa; magsitabi tayo upang makadaan sila.
Ang aktibidad—ang pagkakataong maglingkod at magpatotoo—ay katulad ng gamot. Pagagalingin nito ang maysakit sa espirituwal. Palalakasin nito ang mahina sa espirituwal. Ito ang pinakamahalagang sangkap sa pagliligtas ng nawawalang tupa. Gayunman may tendensiya tayo, halos nakasanayan na, na bigyan ng mga pagkakataon sa pag-unlad ang mga taong napakarami nang aktibidad o ginagawa. Ang ganitong kalakaran, na kitang-kita sa ating mga stake at ward, ay maaaring magtaboy sa nawawalang tupa.
Kapag ang isang home teacher ay nagdala ng nawawalang tupa sa mga miting, ito pa lamang ang simula ng pagkahanap sa kanya. Anong tungkulin ang maaaring ibigay sa kanya na makatutulong sa kanyang espirituwalidad? Totoong kakaunti lang ang mga tungkulin kung saan magagamit ng isang lider ang isang taong nagsisikap na maging karapat-dapat. Nakalulungkot na tila ang ilang situwasyong iyon kung saan maaari natin silang magamit—sa pagbibigay ng panalangin, pagsagot sa klase, pagpapatotoo—ay halos nakalaan sa mga aktibo: sa stake presidency, sa high council, sa bishopric, sa patriarch, sa mga lider ng auxiliary. Sa katunayan, kung minsan ay masigasig tayo na mag-anyaya ng mga tagapagsalita at makikibahagi mula sa ibang ward—na hindi mainam para sa ating mga miyembrong nagugutom sa espirituwal.
Sa isang ward sacrament miting na dinaluhan ko kamakailan, inanyayahang kumanta ang isang sister na ang asawa ay hindi aktibo sa Simbahan. Gayunman, naroon ang lalaki sa miting. Gusto ng bishop na magkaroon ng napakaespesyal na programa sa okasyong ito. Ang unang sinabi niya ay: “Si Brother X, na aking unang tagapayo, ang magbibigay ng pambungad na panalangin.” Ang kanyang pangalawang tagapayo ang nagbigay ng pangwakas na panalangin.
Naisip kong nakapanghihinayang iyon. Labis ang pag-aalala ng tatlong kalalakihan sa bishopric sa mga maysakit sa espirituwal, ngunit sila mismo ang uminom ng gamot na magpapagaling sa mga taong iyon—aktibidad, partisipasyon—at inubos nila ang mga ito sa harap ng nangangailangan!
Sasabihin ng ilan: “Kailangan nating maging maingat kapag kasama natin ang mahihina. Mas makabubuting hindi sila tawaging magdasal o magbigay ng patotoo, dahil matatakot lang sila at maaasiwa at iiwan tayo.” Hindi iyan totoo! Ito ang karaniwang pinaniniwalaan, ngunit hindi pa rin ito totoo! Nagtanong na ako sa mga bishop—daan-daan sa kanila—kung totoo nga bang nangyayari ang gayon batay sa karanasan nila. Iilan lamang ang nagsabi sa akin na nangyayari nga ito—sa katunayan, sa lahat ng mga bishop na iyon, isa o dalawa lamang ang nabanggit na pagkakataon. Kaya’t napakaliit ng panganib, samantalang ang gayong imbitasyon ay maaaring makapagpabalik sa isang nawawalang tupa.
Ilang taon na ang nakalipas dinalaw ko ang isang stake na pinamumunuan ng isang lalaking pambihira ang husay at kakayahan. Bawat detalye ng stake conference ay nakaiskedyul. Ginawa niya ang karaniwang ginagawa sa pagpili ng mga mananalangin. Pumili siya mula sa stake presidency, sa high council, sa mga bishop, at ang stake patriarch. Hindi naman nasabihan ang mga lalaking iyon, kaya’t binago namin ito, sa halip na ipagawa ito sa mahuhusay ipinagawa namin ito sa mga taong nangangailangan—lubhang nangangailangan—ng gayong karanasan.
May detalyadong adyenda ang stake president para sa mga pangkalahatang sesyon, at nabanggit niya na may 20 minuto sa isang sesyon na walang nakaiskedyul. Sinabi ko sa kanya na maaari tayong tumawag ng ilang magsasalita na hindi pa nagkaroon ng ganitong pagkakataon sa ibang paraan at nangangailangan ng karanasang magpapalakas sa kanila. Sumagot siya at nagmungkahing sabihan niya ang ilang taong may kakayahan at kilalang mga lider na maghanda sa posibilidad na mahilingan silang magsalita. “Marami pong dadalong hindi miyembro,” sabi niya. “Nakagawian na naming magdaos ng maayos at pinaghandaang kumperensya. Marami po kaming mahuhusay na tao sa stake. Hahanga ang mga makaririnig sa mensahe nila.”
Dalawang beses pa niyang binanggit sa aming miting ang iskedyul at iginiit na tawagin ang “pinakamahuhusay magsalita” sa stake. “Bakit hindi natin ibigay ang pagkakataong ito sa mga lubhang nangangailangan nito?” sabi ko. May pagkabigo sa kanyang sagot, “Kunsabagay, kayo ang General Authority.”
Maagang-maaga ng Linggo ipinaalala niya sa akin na may oras pa para masabihan ang isang tao at nang sa gayon ay maganda ang kalabasan nito.
Ang sesyon sa umaga ay sinimulan ng stake president sa isang mensaheng napakaganda at nagbibigay-inspirasyon. Ang sumunod na tinawag namin ay ang kanyang pangalawang tagapayo. Halatang kinakabahan siya. … (Pauna naming sinabi na malamang na magsalita ang kanyang mga tagapayo sa sesyon sa hapon. Nagplano kaming doon kami manananghalian sa kanyang tahanan. Alam niyang may oras pa para repasuhin ang kanyang mga isinulat, kaya’t iniwan niya ito sa bahay.)
Dahil hindi dala ang kanyang mga isinulat, nagbigay siya ng patotoo, at nagkuwento tungkol sa pagbibigay ng basbas sa isang taong maysakit nang linggong iyon. Isang lalaking wala nang pag-asang gumaling ayon sa kanyang mga doktor ang nailigtas ng kapangyarihan ng priesthood mula sa kamatayan. Hindi ko alam kung ano ang nilalaman ng isinulat niya, ngunit tiyak na hindi nito mapapantayan ang ibinigay na inspirasyon ng kanyang patotoo.
Isang matandang babae ang nakaupo sa hanay sa harapan, hawak ang kamay ng isang lalaking banat sa trabaho. Tila hindi gaanong nababagay ang suot ng matandang babae sa suot ng mga taong naroon—simpleng-simple kung ikukumpara sa suot ng iba. Para bang dapat siyang magsalita sa kumperensya, at nang bigyan namin siya ng pagkakataong magsalita, ikinuwento niya ang kanyang misyon. Limampu’t dalawang taon na ang nakalilipas nang makauwi siya mula sa misyon, at magmula noon ay hindi siya kailanman naanyayahang magsalita sa simbahan. Nakaaantig ang ibinahagi niyang patotoo.
May mga iba pang tinawag upang magsalita, at nang matatapos na ang miting, iminungkahi ng pangulo na ubusin ko na ang nalalabing oras. “May natanggap ka bang inspirasyon?” tanong ko. Sinabi niyang naiisip niya ang mayor o alkalde. (Inihalal ng mga botante sa malaking lungsod na iyon ang isang miyembro ng Simbahan na maging mayor, at naroon siya nang araw na iyon.) Nang sabihin ko sa kanyang maaari naming pabatiin ang mayor, ibinulong niya na hindi ito aktibo sa Simbahan. Nang imungkahi kong tawagin pa rin niya ito, tumanggi siya at tuwirang sinabi na hindi ito karapat-dapat magsalita sa miting na iyon. Gayunman dahil sa kapipilit ko, tinawag niya ang lalaki at pinapunta sa harapan.
Ang ama ng mayor ay pioneer ng Simbahan sa lugar na iyon. Nakapaglingkod siya bilang bishop sa isa sa mga ward at hinalinhan ng isa sa kanyang mga anak na lalaki—na kakambal ng mayor, batay sa naaalala ko. Ang mayor ang naliligaw na tupa. Nagpunta siya sa pulpito at nagsalita, sa pagkagulat ko, nang may kapighatian at pagkapoot. Parang ganito ang simula ng kanyang mensahe: “Hindi ko alam kung bakit ninyo ako tinawag. Hindi ko alam kung bakit nasa simbahan ako ngayon. Hindi ako nabibilang sa simbahan. Hindi ako kailanman nababagay rito. Hindi ako sang-ayon sa pamamaraan ng Simbahan.”
Inaamin ko na nagsimula akong mag-alala, ngunit tumigil siya sandali at nagbaba ng kanyang paningin. Mula sa sandaling iyon hanggang sa matapos siyang magsalita, hindi siya nagtaas ng paningin. Matapos mag-atubili, nagpatuloy siya: “Narito na rin lang ako, sasabihin ko na sa inyo. Tumigil ako sa paninigarilyo anim na linggo na ang nakararaan.” Pagkatapos, habang nakataas ang kanyang kamao na ikinukumpas-kumpas sa harap ng kongregasyon, sinabi niyang, “Kung iniisip ng sinuman sa inyo na madali iyon, hindi pa ninyo natikman ang impiyernong dinanas ko nitong mga nagdaang linggo.”
At pagkatapos niyon napawi ang pagmamatigas sa kanyang anyo. “Alam kong totoo ang ebanghelyo,” sabi niya. “Noon pa man ay alam ko nang totoo ito. Natutuhan ko iyan sa aking ina noong ako’y bata pa.
“Alam kong may kaayusan sa Simbahan,” pag-amin niya. “Ako ang wala sa ayos, at noon pa ay alam ko na rin iyan.”
Pagkatapos ay nagsalita siya marahil para sa lahat ng nawawalang tupa nang magsumamo siya: “Alam kong ako ang mali, at gusto ko nang bumalik. Noon pa ay sinisikap ko nang bumalik, ngunit hindi ninyo ako pinayagan!”
Mangyari pa talaga namang papayagan namin siyang bumalik, ngunit hindi namin ito ipinaalam sa kanya. Pagkatapos ng miting naglapitan sa harap ang mga tao—hindi sa amin kundi sa kanya upang sabihin, “Maligayang pagbabalik!”
Habang papunta sa paliparan pagkatapos ng kumperensya, sinabi sa akin ng stake president, “May natutuhan po ako ngayon.”
Upang makatiyak, sinabi kong, “Kung ginawa natin ang gusto mo, ang ama ng taong ito ang tatawagin mo, hindi ba, o baka ang kapatid niya, ang bishop?”
Tumango siya at sinabing: “Kahit sino sa kanila, kapag binigyan ng 5 minuto, ay makapagbibigay sana ng nakaaantig na 15- o 20-minutong mensahe na magugustuhan ng lahat ng dumalo. Ngunit maaaring walang napabalik na nawawalang tupa.”
Tayong lahat na namumuno sa mga ward at stake ay kailangang magbukas ng pinto para sa nawawalang tupa; magsitabi tayo upang makadaan sila. Dapat matutuhan nating huwag humarang sa daanan o pasukan. Makitid ang daang ito. Kung minsan pabigla-bigla tayo sa pagtatangkang hatakin sila papasok sa pintuang nahaharangan natin. Mapapasaatin lamang ang diwang iyon na makapagpapalakas ng patotoo kapag nasa atin ang pag-uugaling tulungan sila, hikayatin sila at makitang mas lumakas sila kaysa sa atin.
Iniisip ko kung iyan nga ba ang tinutukoy ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit” (Mateo 9:12).
Hindi ko sinasabing babaan ninyo ang mga pamantayan. Kabaligtaran ang sinasabi ko. Mas maraming nawawalang tupa ang mas mabilis na susunod sa matataas na pamantayan kaysa sa mabababang pamantayan. Nakagagamot ang espirituwal na pagdidisiplina.
Ang pagdidisiplina ay isang uri ng pagmamahal, isang pagpapahayag nito. Kailangan ito at napakabisa sa buhay ng tao.
Kapag ang isang batang nagsisimula pa lang lumakad ay naglalaro malapit sa daan, mahigpit tayong nakabantay sa kanya. Kaunti lamang ang titigil at titiyaking ligtas siya [at,] kung kailangan, didisiplinahin siya. Ganyan, maliban na lamang kung ito ay sariling anak o apo natin. Kung sapat ang pagmamahal natin sa kanila, gagawin natin ito. Ang hindi pagdidisiplina kapag makatutulong ito sa espirituwal na pag-unlad ay katibayan ng kakulangan ng pagmamahal at malasakit.
Ang espirituwal na pagdidisiplinang ginagawa nang may pagmamahal at pinagtibay ng patotoo ay tutulong sa pagsagip ng mga kaluluwa.