2019
Bob at Lori Thurston—Cambodia Phnom Penh Mission
Abril 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Bob at Lori Thurston

Naglingkod sa Cambodia Phnom Penh Mission

senior missionary couple

“Nang malaman namin na tinawag kami upang maglingkod sa Cambodia Phnom Penh Mission, napaluha kami. Nasabik kami!” sabi ni Brother Bob Thurston. “Hindi namin maiisip na piliin ang Cambodia, ngunit kaygandang regalo! Kaylaking pagpapala!” sabi ni Sister Thurston.

senior missionary hugging Cambodian woman

Pakiramdam ng mga Thurston ay may espesyal na ugnayan sila sa mga mamamayan ng Cambodia. “Mahal namin sila, at nadama namin na mahal din nila kami,” sabi ni Sister Thurston. “Naging napakabait sa amin ng mga tao sa Cambodia.”

senior couple visiting members

Sa lahat ng responsibilidad ng mga Thurston sa kanilang misyon, ang pinakagusto nila ay ang pagkakataong bisitahin ang mga miyembro sa kanilang mga bahay.

senior missionary with Cambodian woman

Naaalala ni Sister Thurston na tiningnan niya ang mga pinaglingkuran niya sa Cambodia at naisip na, “Hindi na ako makapaghintay na makita kayo sa kabilang buhay, sa gayo’y talagang masasabi ko sa inyo ang lahat ng nadarama ko para sa inyo at ang pagmamahal ko para sa inyo.”

Sa kanilang unang mission na magkasama sila, natutuhan nina Bob at Lori Thurston na maaaring makagawa ng makabuluhang paglilingkod sa kabila ng pagkakaiba-iba ng wika at kultura dahil lahat tayo ay anak ng Diyos.

Leslie Nilsson, retratista

Sister Thurston hugging grieving girl

Bob:

Bago kami ikinasal ni Lori, pinag-usapan namin ang paglilingkod ng mga misyon kapag nagretiro kami. Pareho kaming nagmisyon noon. Si Lori ay nagmisyon sa Kobe, Japan, at ako naman ay nagmisyon sa Brisbane, Australia. Nang nagsimula na kaming maghanda upang magretiro, sinabi namin sa aming mga anak na gusto naming maglingkod ng maraming misyon.

Mapalad kaming nakapagretiro nang bata pa. Nang mabalitaan namin na ilang mga senior couple ang hindi makapaglingkod sa ilang mga lugar na gaya ng mga bansang papaunlad pa lamang dahil sa mga isyu sa kalusugan at iba pang mga alalahanin, naisip namin, “Wala pa nga kaming 60 taong gulang. Malusog kami, kaya hayaan ninyo kaming maglingkod sa mga lugar na iyon!”

Nagretiro ako dalawang araw lamang pagkaraan ng ika-56 na kaarawan ko. Sa katunayan, natanggap namin ang aming tawag sa misyon noong nagtatrabaho pa ako. Nang buksan namin ang aming tawag sa misyon at malaman na tinawag kami upang maglingkod sa Cambodia Phnom Penh Mission, napaluha kami. Nasabik kami!

Lori:

Hindi talaga namin inakala na maglilingkod kami sa Cambodia. Akala ko mapupunta kami sa Aprika o sa kung saan man. Nagsimula kaming magtanong sa aming mga sarili, “OK, ano kayang mga pakikipagsapalaran ang naghihintay sa atin?” Hindi namin maiisip na piliin ang Cambodia, ngunit kaygandang regalo! Kaylaking pagpapala! Mas matalino ang Panginoon kaysa amin. Isinugo niya kami kung saan kami kailangan.

Naglingkod kami ng isang misyong pantao (humanitarian). Kami ay nagsagawa ng mga proyekto para sa LDS Charities, gumawa ng mga ulat, at humingi ng mga bagong proyekto. Tiningnan din namin ang mga nakaraang proyekto tulad ng mga balon na hinukay dalawang taon na ang nakalilipas. Naglingkod din kami sa iba pang mga paraan.

Dumalo kami sa mga stake at district conference upang makatulong na sanayin ang mga lider at mga misyonero, ininspeksyon namin ang mga tirahan ng mga misyonero at binisita ang mga miyembro sa kanilang mga bahay. Marami kaming ginawa upang matulungan ang misyon na tumakbo nang maayos.

Ang bawat araw sa aming misyon ay magkakaiba. May mga araw na nasa isang lugar kami na kakaunti ang mga tao at lubog hanggang tuhod sa tubig o putik. Ang iba pang mga araw ay ginugol namin sa opisina ng misyon. Kasama ang mga misyonero sa Public Affairs, binisita namin ang Ministry of Cults and Religion. Sa Cambodia, ang salitang “kulto” ay hindi palaging masama. Ang opisyal na relihiyon ay Budismo—lahat ng iba pa ay itinuturing na kulto. Binisita namin ang Ministry upang makatulong na patunayan na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang mabuting organisasyon at maaaring mapagkatiwalaan.

Naging maganda ang relasyon namin sa kanila at mabilis silang humingi ng tulong. Tatawag sila at sasabihing, “Nagkaroon ng baha, at kailangan namin ng pagkain para sa 200 pamilyang nawalan ng tirahan.” Alam nilang makaaasa sila sa Simbahan upang mabilis na madala ang mga bagay-bagay kung saan ito kailangan at maidagdag ang mga bagay na wala sa kanila.

Ano ang naranasan namin sa Cambodia? Anuman ang maisip ninyo, malamang ay naranasan namin iyon! Nakaupo na kami sa pinakahamak na mga sahig—karaniwa’y lupa lang o yari sa kawayan—sa pinakahamak na mga tahanan. Nakapasok na rin kami sa malalaki at magagandang tahanan ng mga opisyal ng pamahalaan. Naglingkod pa nga si Bob sa isang branch presidency sa loob ng maikling panahon.

Bob:

Ang mission president ay tumawag sa akin at nagwikang, “Gusto kong ikaw ang maging pangalawang tagapayo sa isang branch.” Pagkaraan ng isa’t kalahating taon, nasa silid-bukluran (sealing room) ako ng Hong Kong China Temple kasama ang branch president na kasama kong naglingkod. Papasok siya sa templo sa unang pagkakataon! Nag-ipon sila ng kanyang pamilya ng pera at pitong beses na sinubukang makarating sa templo, ngunit laging may naaaksidente o nagkakasakit. Palaging may nangyayari na humahadlang sa kanila sa pagpunta sa templo. Pagkaraan ng pitong taon, 40 dolyar lamang ang naipon nila.

Tatlong beses sa aming misyon, natulungan naming makadalo sa templo ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Cambodia. Nagdala kami ng maraming branch president na nagsasagawa ng mga panayam para sa mga temple recommend ngunit hindi pa nakapunta mismo sa templo. Kahit sa Cambodia man lang, may umaalalay na isang senior couple sa mga pamilyang ito papunta sa templo. Kailangan nila ng kasama dahil hindi nila alam kung paano sumakay sa isang eroplano. Marami ang ni hindi pa nakakasakay sa isang bus! At ngayo’y nakuha pa nilang makasakay sa isang eroplano patungong Hong Kong at makapunta sa templo. Mahirap para sa kanila na gawin iyon nang mag-isa. Nagpapasalamat kami para sa Temple Patron Assistance Fund (pondo para sa pagtulong sa mga parokyano ng templo) na tumulong sa pag-aalaga sa kanila.

Lori:

Ang pagiging miyembro ng Simbahan sa Cambodia ay hindi madali. Bilang isang bansa, hindi sinusunod sa Cambodia ang Sabbath. Lahat ng nagsisimba ay kailangang magsakripisyo upang makapagsimba.

Dagdag pa rito, anim na porsiyento ang Muslim sa Cambodia at dalawang porsiyento lamang ang Kristiyano—ang natitirang bahagdan ay mga Budista. Ang pamumuhay bilang Kristiyano mula sa pagiging Budista ay napakahirap. Nawawalan pa rin ng trabaho ang ilan, at kadalasa’y ipinagtatabuyan sila ng mga ibang tao sa komunidad.

Napakalaking bagay rin ng ikapu. Dumarating ang mga mongheng Budista tuwing umaga at nanghihingi ng bigas o pera, at sanay na roon ang mga tao. Ngunit napakalaking bagay ng pagkuha ng isang bahagi ng suweldo mo upang magbayad ng ikapu.

Maraming talagang nakaranas ng matinding pagdurusa sa kanilang mga buhay. Dahil sa Khmer Rouge, isang rehimeng komunista na naghari sa Cambodia noong mga huling taon ng ’70s, lahat ng mahigit 40 taong gulang ay may sariling kuwentong nakakatakot. Wala akong nakilala na hindi naapektuhan nito. Lahat ay may mga kapamilya na pinatay. Kahit marami silang pinagdaanan, hindi ako makapaniwala kung gaano sila katatag, kung gaano sila kahandang sumubok. Ngunit sa likod ng kanilang katatagan, marami pa rin ang may mababa na pagtingin sa sarili. Marami ang hindi nakadarama na sila ay mahalaga o may halaga.

Kamangha-manghang makita kung paano sila natulungan ng ebanghelyo ni Jesucristo na lumago. Kapag nalalaman nila na hindi lamang sila kahanga-hanga kundi anak din sila ng Diyos, sinasabi nilang, “Nagbibiro ka ba? Ngayo’y may maiaambag na ako.”

Talagang lalago ang Simbahan sa Cambodia. Mga kahanga-hangang tao ang naakay na sa Simbahan. Ang mga Banal doon ay mga pioneer, at ang mga taong tunay na tumanggap ng ebanghelyo ay pinagpapala sa napakaraming paraan dahil nakikilala nila ang Tagapagligtas. Talagang kamangha-mangha ito.

Marami tayong miyembro at napakatatag na mga ward sa isang lugar na tinatawag na “Bundok ng Basura,” isang pampublikong tambakan ng basura kung saan naninirahan ang mga tao. Ang mga miyembro doon ay mga mamumulot at mga kolektor. Kumikita sila ng pera mula sa pagre-recycle ng plastik at aluminyo na nakukuha nila mula sa tambakan ng basura. Nakatira sila sa napakaliliit na mga bahay na ilang beses na naming nabisita.

Bob:

Isang araw may narinig kaming malakas na tugtugan, at napansin namin na may itinatayong tolda. Sa Cambodia, ibig sabihin noon ay may ikakasal o kaya’y may namatay.

Lori:

Nalaman namin na kamamatay lamang ng isang ina na may lima o anim na anak. Wala ang asawa. Nagising na lang ang mga anak at napagtanto na patay na ang kanilang ina.

Umiiyak nang matindi ang isang anak na babae. Sa tulong ng isang tagasalin, sinabi niya, “Ako po ang panganay. Marami po akong kapatid. Hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko.”

Niyakap ko na lang siya nang mahigpit. Paanong hindi? Kamamatay lamang ng ina ng batang ito. Kinausap ko siya sa Ingles at sinabi ko, “Alam kong hindi mo ako naiintindihan, pero ipinapangako ko na makikita mo ulit ang iyong ina. Magiging OK ka rin. Hindi ka maiiwang mag-isa.”

Napakaraming karanasang tulad nito ang nakapagbigay sa amin ng espesyal na ugnayan sa mga mamamayan ng Cambodia.

Nadama namin na mahal din nila kami. Napakabait sa amin ng mga tao sa Cambodia. Mahal namin sila dahil sila ay mga anak ng Diyos. Sila ay mga kapatid natin.

Sa ilang tao, naaalala kong naisip ko, “Hindi na ako makapaghintay na makita kayo sa kabilang buhay, sa gayo’y talagang masasabi ko sa inyo ang lahat ng nadarama ko para sa inyo at ang pagmamahal ko para sa inyo, at kung ano ang hinahangaan ko sa inyo, dahil hindi ko masasabi iyon ngayon.”

Talagang napagpala kami ng aming misyon sa napakaraming paraan. Sabi ng ilan, “Hindi ko alam kung makakapagmisyon ako. Hindi ko maiiwan ang mga apo ko.” May lima kaming maliliit na apong lalaki nang umalis kami, edad lima, apat, tatlo, dalawa, isa. Dalawang apong babae ang ipinanganak habang wala kami. Itatago ko ang dalawa sa aking mga Cambodian missionary name tag at ibibigay ko ang mga ito sa aking mga apong babae para malaman nila na wala sa bahay si Lola dahil ginagawa niya noon ang ipinagagawa sa kanya ng Panginoon.

Bob:

Napakaraming paraan upang makapaglingkod sa Panginoon bilang mga misyonero. Taos-puso naming pinaniniwalaan ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa paglilingkod ng mga senior missionary. Sabi niya, “Ipinangangako ko na gagawa kayo ng mga bagay para sa [inyong pamilya] sa paglilingkod sa Panginoon, mga mundong walang katapusan, na hindi ninyo magagawa kailanman kung mananatili kayo sa bahay at kapiling nila kayo. Wala nang iba pang maipagkakaloob ang mga lolo’t lola sa kanilang mga inapo kundi ang sabihin sa pamamagitan ng gawa at salita na, ‘Sa pamilyang ito nagmimisyon tayo!’ [“Tayong Lahat ay Kabilang,” Liahona, Nob. 2011, 46.]”