Matamis na Katapatan
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
“Gawin ninyo ang may karangalan” (II Mga Taga Corinto 13:7).
“Gusto kong bantayan mo ang kapatid mo,” sabi ni Mama. “Tutulong kami ng itay mo sa isang taong may sakit.”
Tumingala ako at tumungo habang nagwawalis ng sahig ng aming maliit na bahay. Si Mama ang pangulo ng Relief Society, at palagi niyang binibisita ang mga sister sa aming ward.
“Salamat, Arlyn,” sabi ni Mama, at hinalikan ang ibabaw ng ulo ko. “Tulog na si John. At may masa ng tinapay na pinapaalsa sa mesa. Pakiusap, huwag mo itong hawakan.”
Minasdan ko sila ni Pa na lumabas ng pintuan at sumakay sa karwahe pababa sa maalikabok na kalsada. Masaya ako na nagtitiwala sa akin si Mama.
Habang nagwawalis ako sa kusina, tumigil ako para tignan ang masa ng tinapay. Hindi na ako makapaghintay na lutuin ito ni Mama sa hurno ngayong gabi. Kadalasan ay kumakain kami ng bagong lutong tinapay na may homemade jam. Pero tatlong buwan na kaming walang jam.
Jam! Dahil sa naisip ko ay bigla akong nagutom sa matatamis na pagkain. Tiningnan ko ang lalagyan ng asukal, na nasa itaas ng kabinet. Alam kong itinatago ito ni Mama para sa paggawa niya ng jam.
Pero habang mas naiisip ko ang asukal, lalo akong nagutom. Sa wakas, hinila ko ang upuan papunta sa counter at may inabot ako. Dulo lang ng mga daliri ko ang nakahawak sa lalagyan ng asukal. Hinila ko ito papalapit sa dulo ng kabinet. …
At pagkatapos ay dumulas ang lalagyan sa kabinet! Sinubukan kong saluhin ito, pero nahulog ito na may malakas na tunog sa gitna ng masa ng tinapay. Natapon ang asukal sa tinapay at sa counter at sa sahig.
“Naku po!” sigaw ko. Nagising nito ang kapatid ko. Nagsimula siyang umiyak. Gusto ko ring umiyak. Ano ang sasabihin ni Mama sa kalat na ito?
Matapos kong pakalmahin si John, ginawa ko ang lahat para linisin ang asukal. Hinila ko ang lalagyan mula sa masa at hinugasan ito. Winalis ko ang asukal sa counter at sa sahig. Pero wala na akong magagawa para alisin ang asukal sa masa ng tinapay.
Naisip kong ibalik ang lalagyan sa kabinet. Siguro ay hindi mapapansin ni Mama na wala itong laman. Pero alam kong hindi iyon tama. Kaya inilagay ko ang lalagyan sa mesa at hinintay na umuwi sina Mama at Pa.
Nang nakauwi na sila, napansin kaagad ni Mama ang lalagyan ng asukal.
Huminga ako nang malalim. “Gusto ko lang pong tikman ang asukal. Pero nahulog ko po ang lalagyan mula sa kabinet. Sinubukan ko po itong linisin pero hindi ko po maalis ang asukal sa masa ng tinapay.” Ang bilis lumabas ng mga salita habang nakatingin ako sa sahig.
Isang minutong tahimik si Mama.
“Sori po,” bulong ko.
Nagbugtong-hininga si Mama. “Sa tingin ko ay magiging napakatamis ng tinapay ngayong gabi,” sabi niya. Tumingala ako. Ngumiti siya nang bahagya. “Salamat at sinabi mo sa amin kung ano ang nangyari.”
Habang kumakain kami ng matamis na tinapay noong gabing iyon, nag-usap kami nina Mama at Pa tungkol sa katapatan.
“Tayong lahat ay nakagagawa ng pagkakamali sa ating buhay,” sabi ni Pa. “Pero kapag tayo ay matapat at nagsisikap na magsisi, masaya ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Palagi tayong pagpapalain dahil sa pagiging matapat—kahit na mas mahirap ito sa una.”
Malungkot pa rin ako na natapon ko ang asukal. Alam ko na hindi kami magkakaroon ng jam gaya ng dati dahil sa pagkakamali ko. Pero masaya ako na sinabi ko ang totoo. Ang tamis ng naramdaman ko at hindi maikukumpara sa naibibigay ng asukal. ●