Mga Tanong at mga Sagot
“Paano makatutulong ang patriarchal blessing ko sa akin na gumawa ng mga desisyon?”
Ang Ating Personal na Liahona
Ang mga patriarchal blessing ay isang paraan para matulungan tayo ng Ama sa Langit na malaman ang ating premortal, mortal, at walang hanggang pagkakakilanlan. Sa pag-alam sa tatlong espesyal na katotohanang ito tungkol sa ating sarili, makatutulong ito para masunod natin ang plano ng Diyos para sa atin. Nalalaman natin kung sino tayo, bakit tayo nandito, at saan tayo maaaring makarating. Tulad ng paggana ng Liahona ayon sa pananampalataya at pagsisikap ni Nephi at ng kanyang pamilya na sumunod sa mga ipinayo nito sa kanila (tingnan sa 1 Nephi 16:28), maaari rin tayong maging tapat at masigasig sa pagsunod sa ating sariling Liahona at sa mga ibinibigay nito, na gagabay sa atin patungo sa ating banal na potensyal.
Elder Utai, 20 taong gulang, Argentina Salta Mission
Isang Walang-Hanggang Pananaw
Tuwing wala akong ideya sa mga gagawin kong desisyon, tinitingnan ko ang aking patriarchal blessing at pinagninilayan ang mga banal na paghahayag nito. At pagkatapos ay nagiging madali na ang pagdedesisyon. Hindi lang ako tinutulungan nito na magtiis sa buhay dito sa mundo at makuha ang mga ipinangakong pagpapala, pero ipinaaalaala rin nito sa akin na ihanda ang aking sarili na maging marapat na pumasok sa kaharian ng Panginoon balang araw. Patuloy akong tinutulungan nito na palaguin ang aking pananampalataya, magtiwala sa kalooban ng Panginoon, at mabuhay nang may pangwalang-hanggang pananaw.
Abegail F., 18 taong gulang, Cagayan Valley, Philippines
Banal na Payo
Ang aking patriarchal blessing ay nagbibigay sa akin ng payo na mula sa aking Ama sa Langit. Kung susundin ko ang payo na iyon, alam ko na makatatanggap ako ng paghahayag sa mga gagawin kong desisyon. Sinasagot Niya ang ilan sa aking mga tanong bago ko pa man itanong ang mga ito.
Cami H., 16 taong gulang, Utah, USA
Pakinggan ang Espiritu
Kung ikaw ay naghahanap ng kapanatagan at patnubay o isang sagot sa isang kailangang-kailangan na tanong, maaari kang magdasal nang taimtim tungkol dito at basahin ang iyong patriarchal blessing nang may tunay na layunin ng puso, habang pinakikinggan ang Espiritu. Nakatutulong din ang pagsasaliksik sa mga banal sa kasulatan. Naniniwala ako na kung gagawin mo ito ng may totoong pananampalataya, sasagutin ka ng Panginoon, sa Kanyang panahon, sa pinakamainam na paraan.
Kezia B., 15 taong gulang, Hawaii, USA
Mga Ipinangakong Pagpapala
Sinasabi sa atin ng mga patriarchal blessing kung anong mga pagpapala ang gustong ibigay sa atin ng Diyos. Binibigyan Niya tayo ng mga babala at ipinapaliwanag kung paano tayo magiging mas katulad Niya. Kapag alam natin kung ano ang inilaan para sa atin ng Ama sa Langit at kung paano makukuha ito, tayo ay pipili at kikilos nang naaayon dito para matanggap ito.
Hunter H., 18 taong gulang, Utah, USA