2019
Ang Pagpili: Maging Isang Dakilang Pintor o Isang Dakilang Ina?
Abril 2019


Digital Lamang

Ang Pagpili: Maging Isang Dakilang Pintor o Isang Dakilang Ina?

Sinasabi ng lahat sa akin na imposibleng maging magaling sa dalawang larangang ito. Pero totoo ba iyon?

Naalala ko na hindi ako naging komportable nang malaman ko sa kolehiyo ang tungkol sa buhay ng mahuhusay na pintor. Tila ang mga totoong di-malilimutan at pambihirang pintor ay naging mahuhusay na pintor sa pamamagitan ng pagpapabaya sa kanilang pamilya at pagsasakripisyo ng kanilang katinuan. Ang mahuhusay na pintor ay nagpipinta habang ang kanilang mga anak ay nagbubukas ng regalo sa umaga ng Pasko. Ang isa ay ikinasal nang anim na beses. Ginupit naman ng isa ang kanyang tainga at ipinadala ito sa kanyang mga mahal sa buhay. At ang isa ay pumatay pa nga ng isang tao! Napaisip ako kung posible ba talaga na maging isang mahusay na pintor kasabay ng pagiging isang dakilang asawa at ina (ang lahat ng ito habang matino ang isip ko!).

Itinuro ng aking mga propesor na kung gusto talaga naming maging mahusay, kailangan naming gumawa ng mga sakripisyo para dito. Kailangan naming maging mas masipag kaysa kaninuman. Kailangan naming unahin ang sining sa aming buhay. Madalas ay naitatanong ko sa sarili ko, “Pero kung ang isang pintor ay susunod sa mga kautusan, uunahin ang mahahalagang bagay, at tataglayin ang Espiritu ng Panginoon upang patnubayan ang kanilang gawain, hindi ba sila magiging kasing-husay o maaaring mas mahusay pa?” Madalas ko itong itanong sa buong panahon ng pag-aaral ko.

Nang nakapagtapos ako at ang aking asawa sa pag-aaral, isang taon na kaming kasal. Si Elder Russell M. Nelson (na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol) ay dumating upang magsalita sa aming graduation o pagtatapos. Nagkaroon ng kainan pagkatapos, at 16 na estudyante lamang ang inanyayahang dumalo. Pambihira na kaming dalawa ng asawa ko ay parehong napili na makasama roon. Nang binuksan ang talakayan para sa pagtatanong at pagbibigay ng mga sagot, itinaas ko ang kamay ko, tumitig sa mata ni Elder Nelson, at ipinahayag ang aking pag-aalala tungkol sa pagiging kapwa pintor at ina. Nagsikap ako nang husto upang mahasa ang aking mga talento sa paaralan, at gusto kong patuloy na magsikap at gumaling pa, ngunit alam ko rin na mas mahalaga ang pagiging isang ina. Mayroon po bang paraan upang magawa ko ang mga ito nang sabay? Kumislap ang mga mata ni Elder Nelson nang sumagot siya na, “Talagang mayroon!” Hinikayat niya ako na hasain pa ang aking mga talento at na manalangin sa Ama sa Langit para sa tulong sa pag-alam kung paano ko magagawa ang mga ito nang sabay at na kasama Siya, magagawa ko ang mga bagay na sa tingin ko noon ay imposible. Isinapuso ko ang payong iyon.

Tapat sa Kanyang mga Layunin

Kami ng asawa ko ay mayroon nang apat na anak ngayon. Natutunan na namin kung paano gampanan ang mga responsibilidad ng pagiging magulang. Sa simula, inumpisahan ko ang karamihan sa mga araw nang alas-4:00 n.u. upang makapagpinta bago magising ang mga anak ko. Sinubukan kong magpinta nang anim na araw bawat linggo, kahit na sa ilang araw ay 30 minuto lang akong nakapagpipinta. Sinimulan ko ang bawat sesyon ng pagpipinta sa panalangin, nalalaman na wala akong gaanong magagawa kung wala ang tulong ng Panginoon. Hindi ako nagdarasal para lamang mabigyang-kakayahan sa aking sining kundi para malaman rin kung ano ang pinakamahalaga sa araw na iyon at tapat na nangangakong uunahin ang Kanyang mga layunin. Hindi naging mabilis ang aking pag-unlad, pero naging tuluy-tuloy ito.

Makalipas ang 12 taon mula sa araw ng aking graduation o pagtatapos, ako ay nagkaroon ng isang sandali ng pagkabigo. Tila napakarami kong kailangang gawin. Higit pa sa inaasahan ko ang hirap ng pagiging isang ina. Umiyak ako habang nakaupo sa harap ng aking kabalyete, iniisip kung magiging isang mahusay na pintor nga ba talaga ako gaya ng pinapangarap ko. Nagkaroon ako ng impresyon na kunin ang luma kong journal sa istante, at bumaling ako sa isinulat ko noong Abril 30, 2006, isang araw pagkatapos ng aking graduation o pagtatapos. Nakalimutan ko na talaga ang pambihirang karanasan ko kasama si Pangulong Nelson! Dahil sa aking pagiging abala, nakalimutan ko na ang tungkol sa pangyayaring iyon. Naroon sa harap ko ang mga salita mula sa kasalukuyang propeta, “Talagang mayroon!” Ang aking mga luha ay naging mga luha ng pasasalamat habang binabalikan ko ang lahat ng mga nagawa ko na simula ng panahong iyon, at tinatanaw ko rin ang hinaharap nang may pag-asa.

Paggawa ng Imposible

Makalipas ang ilang buwan, nakatanggap ako ng isang tawag mula sa isa sa mga taga-disenyo ng magasin na Ensign, nagtatanong kung maaari nilang gamitin ang isa sa aking mga ipininta sa panloob na pabalat ng isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Nobyembre 2018. Nabigla ako! Sa aking paglaki, ang una kong ginagawa kapag nakakakuha ako ng mga magasin ng Simbahan ay tingnan ang mga nakapintang larawan. Ngayon ang isa sa aking mga ipininta ay mailalagay na roon! Pagkatapos, nang sinabi sa akin na gusto nilang ipares ang aking ipininta sa mga salita mula kay Pangulong Nelson, nakita ko ang impluwensiya ng Diyos na hinihikayat akong magpatuloy.

Marami pa akong kakaining bigas sa aking paglalakbay bilang isang pintor, pero labis akong nagpapasalamat sa pag-asa ni Pangulong Nelson sa Panginoon at sa atin. Nagpapasalamat ako para sa kanyang positibong pananaw at kumpiyansa. Alam ko na habang nananampalataya tayo sa Panginoon, magagawa natin ang mga dakilang bagay, maging ang mga bagay na minsan na nating inakala noon na imposible. “Sapagka’t walang [imposible sa Diyos]”(Lucas 1:37).