Mula sa Unang Panguluhan
Ang Dakilang Regalo ng Diyos
Mula sa “Salamat sa Diyos,” Liahona, Mayo 2012, 77–80.
Isang araw nakakita kami ni Sister Nelson ng ilang tropikal na isda sa isang akwaryum. Mabilis na lumangoy ang mga isdang matitingkad ang kulay at iba’t iba ang hugis at laki. Tinanong ko ang isang malapit na trabahador, “Sino ang nagpapakain sa magagandang isdang ito?”
Sagot niya, “Ako po.”
Pagkatapos ay itinanong ko, “Nagpasalamat na ba ang mga isda sa iyo?”
Sagot niya, “Hindi pa po!”
Ang ilang tao ay tulad ng mga isdang iyon. Hindi nila alam ang tungkol sa Diyos at ang kabaitan Niya sa kanila. Napakaganda kung mas pagtutuunan ng lahat ang pagmamahal ng Diyos at ipapahayag ang pasasalamat sa Kanya.
Nagpapasalamat para kay Jesucristo
Ipinadala ng Diyos ang Kanyang Anak, si Jesucristo, para tulungan tayo. Ginawa Niya ito dahil mahal na mahal Niya tayo.
Dumating si Jesus para tubusin tayo.
Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong mabuhay na mag-uli pagkatapos ang ating kamatayan.
Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, makababalik tayo para makapiling ang ating Ama sa Langit magpakailanman.
Ipinaliwanag ni Jesus:
“Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagamat siya’y mamatay, gayon may mabubuhay siya: At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man.” (Juan 11:25–26).
Ito ang napakagandang mensahe ng Pasko ng Pagkabuhay! ●
Si Jesucristo ang Aking Tagapagligtas
Si Jesus ay nabuhay na mag-uli sa umaga ng Pasko ng Pagkabuhay. Basahin ang mga pangungusap para malaman kung ano ang ginawa Niya para sa atin. Kulayan ang isang sinag ng araw matapos mong basahin ang isang pangungusap. Pagkatapos ay kulayan ang buong larawan.
-
Nagdusa si Jesucristo sa Getsemani at sa krus para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan.
-
Namatay at nabuhay na mag-uli si Jesus para iligtas tayo mula sa kamatayan.
-
Ibinigay ni Jesus sa atin ang sakramento para tulungan tayong alalahanin Siya.
-
Tinuruan tayo ni Jesus na patawarin ang isa’t isa.
-
Ipinakita sa atin ni Jesus kung paano maging mabait.
-
Dahil kay Jesus, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli pagkatapos ng ating kamatayan.