Kahit ang Bagyo ay Hindi Tayo Maaaring Pigilan
Koraima Santiago de Jesus
San Juan, Puerto Rico
Halos kauuwi ko pa lamang mula sa aking mission, nakatanggap ako ng paanyaya na magpunta sa isang sayawan. Sa sayawan, naiwala ko ang aking telepono at isang binata ang nag-alok na tumulong sa akin na hanapin iyon. Habang nag-uusap kami, natuklasan namin na kami ay kapwa mga returned missionary at nagpalitan kami ng maraming ideya at mithiin.
Patuloy na lumago ang aming relasyon at nagpasiya kaming magpakasal. Pinangarap naming mabuklod sa Washington D.C. Temple bago ito isara para ayusin noong Marso 2018. Ngunit matapos gawin ang pagpapasiyang iyon, nagkaroon kami ng mga pagsubok. Una, ako ay nawalan ng trabaho at walang paraan upang makapag-impok ng pera para sa aming biyahe papunta sa templo. Pagkatapos, may parating na bagyo na tatama sa Puerto Rico bago sumapit ang petsa ng aming kasal.
Nang dumating ang Bagyong Maria, sinalanta nito ang maganda naming isla. Nagsara ang mga tindahan. Nawalan kami ng kuryente; tubig, pagkain, at nahirapan kaming maghanap ng iba pang mga pangunahing pangangailangan. Nawala ang lahat ng mga bagay na binalak naming gamitin para sa salu-salo pagkatapos ng aming kasal. Kinailangan naming kanselahin ang salu-salo, at mukhang kailangan din naming kanselahin ang aming kasal. Ang paglalakbay papasok at palabas ng Puerto Rico ay limitado, at walang may alam kung hanggang kailan magiging ganito. Nagsimula akong panghinaan ng loob at napuno ako ng pagdududa at pagkalito.
Isang gabi, nag-usap kami ng aking nobyo tungkol sa aming sitwasyon. Walang katiyakan ang paglalakbay at wala kaming salu-salo o damit-pangkasal, ngunit pinagtibay ng Espiritu na kailangan naming magtiwala sa Panginoon. Ang pinakamahalaga ay ang mabuklod sa templo. Nanalangin kami sa Ama sa Langit para humingi ng tulong.
Nang magkaroon na muli ng mga biyahe ng eroplano palabas ng Puerto Rico, kinailangan naming gumawa ng bagong plano para sa aming biyahe at baguhin ang petsa ng aming pagbubuklod. Wala kaming komunikasyon sa loob ng ilang linggo pagkatapos ng bagyo, ngunit gumana ang telepono ng isang kaibigan. Ipinagamit niya ito sa amin upang makipag-ugnayan sa templo. Naisaayos namin ang lahat para mabuklod pa rin kami! Ilang linggo bago ang aming biyahe, binigyan kami ng aming mga kapamilya at mga kaibigan ng mga sapatos at damit at tinulungan kaming makakuha ng maraming mga bagay para sa aming kasal.
Nang sa wakas ay nakapasok na kami sa templo, iniwan namin ang lahat ng aming problema. Naghawak-kamay kami upang makapasok sa aming hinaharap nang magkasama. Masasabi ko talaga na nadama ko ang impluwensya ng Panginoon na gumagabay at tinitiyak sa amin na basta’t nagtitiwala kami sa Kanya, magiging maayos ang lahat. Ngayon, biniyayaan kami ng isang magandang anak na lalaki at nabuklod kami bilang pamilya para sa buong kawalang-hanggan.