Makikita Ko Siyang Muli
Lumaki ako sa Nicaragua. Noong maliit pa ako, kasama ko sa lahat ng bagay ang kuya ko. Magkasama kaming naglalakad papunta sa paaralan. Magkasama kaming pumupunta sa tindahan. Nagkaroon kami ng lahat ng uri ng pakikipagsapalaran sa aming bakuran. Masaya kami.
Pagkatapos, noong siyam na taong gulang ako, may isang napakalungkot na pangyayari. Namatay ang aking kuya sa isang lindol. Noong una, parang hindi totoo na wala na siya. Nangangarap ako nang gising noon na kakatok siya sa pinto sa harap ng bahay. Sasabihin niya sa amin na pumunta lang siya sa isang malayong lugar. Tinititigan ko noon ang pinto, hinihiling na mangyayari iyon. Gustung-gusto kong makita siyang muli.
Paglipas ng panahon, naging mas madali na itong tanggapin. Nangulila pa rin ako sa kapatid ko, pero naging masaya na akong muli.
Noong panahon na iyon, hindi pa ako miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pero nang lumaki na ako, nalaman ko ang tungkol sa Simbahan at nagpabinyag ako. Isang araw ay naghuhugas ako ng mga pinagkainan. Pasko ng Pagkabuhay noon. Iniisip ko ang tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli at naisip ko ang kuya ko.
May bigla akong naramdaman. Naalala ko ang pangangarap ko nang gising tungkol sa kuya ko. Naisip kong hindi pala ito kahangalan! Nagmula ito sa Espritu Santo, para panatagin ako at gabayan ako. Darating ang panahon na totoong mabubuhay na mag-uli ang kuya ko. At talagang makikita ko siyang muli.
Kung mayroon kang namatay na mahal sa buhay, ayos lang na mangulila ka sa kanila at malungkot. Makipag-usap sa isang kapamilya o sa isang nakatatanda kapag sa pakiramdam mo ay handa ka na. Magdasal sa Ama sa Langit tungkol sa nararamdaman mo. Matutulungan ka Niyang muling maramdaman ang kapayapaan.
Anuman ang mangyari, alalahanin na mahal ka ni Jesucristo. Tuwing Pasko ng Pagkabuhay, inaalala natin ang Kanyang sakripisyo para sa atin. Dahil sa Kanya, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli at makakapiling ang ating mga pamilya magpakailanman. ●
Mga Kard na Nakapapanatag
Gupitin ang mga kard na ito. Maaari mong itupi sa gitna ang mga ito o gawin ang mga ito na bookmark. Ilagay ito sa iyong mga banal na kasulatan o sa iba pang lugar para matingnan mo ito kapag ikaw ay nalulungkot, nalulumbay, o natatakot.
“Hindi ko kayo iiwang magisa; ako’y paririto sa inyo.”
Juan 14:18
“At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata.”
Apocalipsis 21:4
“Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo.”
Doktrina at mga Tipan 68:6