Ang Huling Salita
Ang Pinakadakilang Pagpapahayag ng Pag-ibig ng Diyos
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1988.
Ipinahahayag ng Diyos ang kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng paglalaan ng gabay na kailangan natin para umunlad at maabot ang ating potensiyal. Siya na nakaaalam ng halos lahat tungkol sa atin, ng ating potensiyal, at walang hanggang mga posibilidad ay nagbigay sa atin ng banal na payo at mga kautusan sa Kanyang manwal ng mga tagubilin—ang mga banal na kasulatan. Kapag naunawaan at sinunod natin ang mga tagubiling ito, ang ating buhay ay magkakaroon ng layunin at kabuluhan. Matututuhan natin na mahal tayo ng ating Tagapaglikha at ninanais Niya ang ating kaligayahan. Isang hindi maihahalintulad na pagpapakita ng Kanyang banal na pag-ibig sa atin ang pagpapadala Niya sa Kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo.
“Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
“Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya” (Juan 3:16–17).
Si Jesus ay isinilang sa mortalidad. Siya ay nagkaroon ng perpektong buhay, at sa paggawa nito ay ipinakita Niya sa atin ang landas na dapat nating sundan. Itinuro Niya sa Kanyang mga disipulo, “Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan” (Juan 8:12).
Maaaring maunawaan natin ang lalim ng pag-ibig ni Cristo sa atin kapag isinaalang-alang natin na handa Siyang magbayad-sala at pagdusahan ang sakit para sa ating mga kasalanan, “kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu” (Doktrina at mga Tipan 19:18).
Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, bigyan natin ng espesyal na pasasalamat ang Diyos para sa Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ng Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo. Sapagkat sa Kanya, sa pamamagitan Niya, at dahil sa Kanya, ang ating pansamantalang mortal na kondisyon ay maaring maging permanente, at perpektong buhay, kung saan walang salitang makapagpapahayag ng ating kagalakan.
Ang lahat ng kamangha-mangha sa kalikasan ay mga sulyap lamang sa Kanyang banal na kapangyarihan at pagpapahayag ng Kanyang pagmamahal. Gayunman, ang pinakadakila sa lahat ng mga himala ay naghihintay sa atin. Mangyayari ito kapag, sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan, tayo ay babangon mula sa kamatayan at libingan patungo sa bagong mundo na hindi lilipas, kung saan, kung tayo ay marapat, ay makakapiling natin Siya at ang Ama sa Langit magpakailanman.