2019
Ang Buhay ay Isang Marathon: Mga Kabataan sa Greece
Abril 2019


Ang Buhay ay Isang Marathon

Ang mga batang Banal sa mga Huling Araw na ito ay naninirahan ngayon kung saan nabuhay si Apostol Pablo noong panahon ng Bagong Tipan. At ipinamumuhay nila ang kanyang mga salita.

Bryana

“Natutuhan ko na pareho lamang ang ebanghelyo sa lahat ng lugar. Dahil nakatira ako sa ibayong-dagat, natutuhan ko na magtuon sa mga katotohanan ng ebanghelyo at madama ang Espiritu sa halip na maabala sa kultura.” —Bryana W., 15

Marie

“Isinulat ko ang salitang alalahanin sa aking salamin para maalala ang lahat ng nangyari ngayong taon: FSY, Young Women camp, seminary. Tinutulungan ako nitong maalala kung saan ako nagmula.” —Marie H., 17

Lizzie

“Alam ko na kapag pumunta ako sa seminary, masisiyahan ako dahil nalalaman kong ginagawa ko ang kailangan kong gawin, at alam kong magiging OK ang lahat.” —Lizzie T., 17

Loukia

Si Loukia C., 15, ay nagbahagi ng kanyang patotoo sa unang pagkakataon sa Young Women camp at kalaunan ay nabinyagan.

Haig

“Ang paborito kong bahagi ng FSY ay ang mga laro, sayawan, at ang mga miting ng grupo, na mga debosyonal sa umaga at rebyu. Tinulungan ako nito na maging mas matulungin at matiyaga at mas mapahalagahan ang mga banal na kasulatan.” —Haig T., 14

Alexis

“Sa FSY, nagsimula kaming maging isang grupo at nagpalakas ito sa amin. Tinulungan nito na hubugin at impluwensiyahan ang programa para sa mga kabataan sa Greece dahil mas kilala na namin ang bawat isa ngayon.” —Alexis H., 18

Irini

“Ang pagkanta sa entablado sa FSY ang isa sa mga pinakamatapang na bagay na nagawa ko at isa sa pinakamahiwagang sandali sa buhay ko. Sa kasalukuyan, natutuhan ko kung gaano tayo kahalaga sa magandang mundong ito.” —Irini S., 17

Winifred

“Sa Young Women camp natutuhan ko na ang buhay ay tulad ng isang marathon. Tinulungan ako nito na palaguin ang aking pananampalataya, nalalaman na kailangan nating manatili sa tamang landas, katulad ng pagtakbo natin sa isang marathon. Tinutulungan ako ng karanasang iyon na palaguin ang aking patotoo at magpatuloy na manampalataya at manatili sa tamang landas.” —Winifred K., 14

Pavlos

“Gustung-gusto kong makita kung ano ang pakiramdam ng mapaligiran ng mga kabataan na may katulad na mga paniniwala. Nadama ko na magkakaugnay kami sa isang natatanging paraan, higit pa sa pagkakakilala namin sa pangalan ng bawat isa.” —Pavlos K., 15

Joshua

“Masaya ako na magkaroon ng pagkakataon na makilala ang ibang kabataan na pinagdaraanan ang parehong mga bagay na pinagdaraanan ko araw-araw.” —Joshua K., 17

Olivia

“Ang FSY at Young Women camp ay may parehong pakiramdam saang lugar ka man pumunta sa mundo. Natuwa talaga ako sa mas maliit na Young Women camp dahil mas madaling makipag-ugnayan sa bawat isa.” —Olivia H., 15

Irene

“Hindi ako miyembro ng Simbahan, pero pumupunta ako sa mga linggo na kaya ko. Gustung-gusto ko kung ano ang pinaninindigan ng mga kabataang babae.” —Irene C., 14

youth in Greece

Ilang buwan na ang nakalilipas, isang klase sa seminary ang pumunta sa Mars Hill, malapit sa Athens, Greece, kung saan minsang nagbigay ng makapangyarihang sermon si Apostol Pablo (tingnan sa Mga Gawa 17:22–34). Tinalakay ng mga estudyante ang tungkol sa impluwensiya ng seminary sa kanilang buhay, kabilang na ang mga turo ni Pablo.

“Ginagawang makabuluhan ng paninirahan sa Greece ang Bagong Tipan,” sabi ni Alexis H., 18 taong gulang. “Mahilig pumunta ang tatay ko sa iba’t ibang nasirang lugar kung saan nagturo si Pablo at magbahagi ng isang banal na kasulatan o magkuwento kung saan naganap ang isang pangyayari.”

Tulad ng pagharap ni Pablo sa mga pagsubok sa kanyang panahon, ang mga kabataan sa Greece ay nahaharap rin sa mga isyung panlipunan, politikal, at pang-ekonomiya. Ang mga Youth conference at Young Women camp ay bihirang ganapin sa Greece, at kahit ang pagdalo sa seminary ay mahirap din. Sa kabila nito at ng iba pang mga pagsubok, ipinamumuhay ng mga kabataan sa Greece ang paghikayat ni Pablo na maging “matitibay sa isang espiritu, na kayo’y matitibay na nangagkakaisa ng kaluluwa na nangagsisikap sa pananampalataya sa evangelio” (Mga Taga Filipos 1:27).

Ang pamumuhay sa Greece ay nangangahulugan na natatamasa ng mga batang miyembrong ito ang mainit na klima, tabing-dagat, pagkain, at pagsasayaw. Sila ay talagang natutuwa ring magkasama-sama. Kapag nagkikita sila sa seminary at sa mga aktibidad sa branch, nagiging mas malakas ang kanilang pananampalataya at pagkakaibigan.

Seminary sa Mars Hill

Seminary students

Ang grupo ng mga nagseseminary sa harap ng simbahan sa Athens.

Ang mga larawan ay mula kay Leeann Heder

Nang magsimula ang seminary sa Greece ilang taon na ang nakalilipas, mayroon lamang limang estudyante. Nagkikita sila nang tatlong umaga bawat linggo, at ang iba ay dumadalo sa pamamagitan ng online video conferencing. Nagkikita rin sila tuwing Miyerkules ng hapon para sa seminary, na sinusundan ng isang aktibidad. Naging malapit na sila sa isa’t isa at naging liwanag para sa kanilang mga kaibigan, na nakapapansin sa kanilang mga halimbawa. Kapag nagtatanong ang mga kaibigan nila, dinadala sila ng mga kabataan sa seminary at sa mga aktibidad sa Mutual.

Sinabi ng isang kabataang lalaki na si Pavlos K., 15, “Isang magandang paraan ang seminary para simulan ang araw at tinutulungan ako nitong maging malakas. Kinokondisyon nito ang isip ko na maging halimbawa sa iba. Tinutulungan ako nitong simulan ang araw ko na nag-iisip tungkol kay Jesucristo.”

Habang ang mga kabataan ay mas lumalakas at mas nagkakaisa, dumarating ang mga pagpapala. Halimbawa, noong 2017, nabiyayaan silang dumalo sa For the Strength of Youth (FSY), isang malaking regional youth conference. Lumahok din ang mga kabataang babae sa kauna-unahang Young Women camp sa Greece. Bunga nito, naging mas malapit sila bilang isang grupo, at dalawang kabataang babae ang umanib sa Simbahan.

International FSY Conference

youth spelling out youth theme at FSY

Sa kumperensiya ng FSY, pagbabaybay ng salitang “Humingi,” (o magtanong) mula sa Santiago 1:5.

Ang kumperensiya, na idinaos sa Stuttgart, Germany, ay nagtipon ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw sa buong Europa. Ang mga kabataan mula sa Greece at Cyprus ay daan-daang milya ang nilakbay, at ang karanasan sa kumperensiya ay nagkaroon ng malaking epekto sa kanila. Para kay Maximos A., 14, “ang pinaka hindi malilimutang bagay sa FSY ay noong nagbahagi kami ng aming mga patotoo. Naramdaman ng lahat ang Espiritu, at nahikayat ako nito na magkaroon ng sarili kong patotoo.”

“Sa simula, apat na kabataan lamang ang dapat pupunta,” dagdag ni Loukia C., 15, “pero sa huli, 15 ang dumalo—isang rekord sa Greece—kabilang na ang 3 kaibigan na hindi miyembro.”

“Napakaganda na magsama-sama sa isang lugar kung saan ay maibabahagi mo ang parehong ebanghelyo at hindi ka naiiba. Magkakasama kami, at nararamdaman namin ang parehong Espiritu. Nakatutulong sa akin ang mga bagay na ito.”

“Hindi miyembro ang tatay ko at hindi niya ako pinapayagang pumunta sa FSY o magpabinyag,” sabi ni Jesiana, 16. “Pero nag-ayuno ang mga miyembro ng branch para sa akin, at kinausap ng lola ko ang tatay ko. Pagkatapos noon, sinabi niya na maaari na akong pumunta!”

Sa FSY, marami siyang naranasan sa kauna-unahang pagkakataon, tulad ng, “paglahok sa mga aralin at aktibidad at ang pagbabahagi ng aking patotoo ay nakatulong sa akin na maunawaan kung ano ang pakiramdam na madama ang Espiritu Santo. Hindi ko pa nadama ang Espiritu noon, at ako ay masaya at nananabik. Ibinahagi ko ang aking patotoo sa kauna-unahang pagkakataon.”

youth at FSY

Bukod pa sa espirituwal na pagpapakabusog, nakapagpahinga din ang mga kabataan at sama-samang nagkasiyahan sa kumperensiya. Si Haig T., 14, ay dumalo sa kumperensiya mula sa Cyprus. “Mas natuto akong makihalubilo, magkaroon ng tunay na mga kaibigan, at magsaya, kahit na sa mahihirap na panahon.”

Young Women Camp

young women at Marathon Greece

Mga kabataang babae sa Marathon, Greece.

Nagkaroon din ng ganoong epekto ang Young Women Camp. Labindalawang kabataang babae kasama ng kanilang mga lider ang pumunta malapit sa isang lugar sa Marathon kung saan nagkakaroon ng digmaan noong unang panahon. Tatlong araw silang magkakasama, natututo na humugot ng lakas at paghikayat mula sa isa’t isa.

“Noong ako ay 12 taon,” sabi ni Loukia, “Nagsimba ako sa unang pagkakataon at napakasaya ko, pero natanto kong wala akong kaedad. Ngayon, pagkaraan ng dalawang taon, napakarami naming kabataang babae na sa unang pagkakataon ay nakapagdaos kami ng Young Women Camp.” Dahil sa kanilang pagtitipon, sinabi niya, “Naisip ko kung ano ang kahulugan ng pagiging isang Banal sa mga Huling Araw. Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, tayo ay nababalot ng liwanag.”

young women holding flag

Young Women camp, 2017—kauna-unahan sa Greece.

Para kay Bryana W., 15, ang FSY at Young Women camp ay tumulong sa kanya maging bukas at makipag-usap sa iba. “Palaging lumilipat ang pamilya ko, at nahirapan akong maging malapit sa iba dahil mahiyain ako,” sabi niya. “Pero, dahil naging malapit ako sa grupo namin sa FSY, nagkaroon talaga ako ng mabubuting kaibigan. Sa testimony meeting, nagbahagi kami ng mga nararamdaman namin, at napagtanto ko na nadama rin ng iba ang nadama ko.”

Naalala ni Marie H., 17, ang tema ng camp, “Ang buhay ay isang marathon, hindi ito isang sprint.” Tinalakay ng mga kabataang babae at ng kanilang mga lider ang kahalagahan ng pagtitiis at pagtapos ng karera, sabi niya. “Ipinaalala nito sa akin na kaya kong magtiis hanggang wakas, tumakbo ayon sa aking bilis, at manatiling nakatuon sa finish line. Kung gayon ay kaya kong maisagawa ang mga bagay na nais ipagawa sa akin ng Ama sa Langit.”

young woman at girls camp

“Ang panonood ng bukang-liwayway ay nagdala ng nakapagpapayapa at magandang espiritu.” —Lizzie T.

Isa sa mga tampok na pangyayari sa camp ang debosyonal nang bukang-liwayway sa tabing-dagat noong huling umaga nila. Sinabi ni Lizzie T., 17, “Dinala namin ang aming mga banal na kasulatan, idinaos ang aming debosyonal, at pinanood ang pagsikat ng araw. Nadama naming lahat ang pag-ibig ng Diyos. Napakagandang pagtatapos nito sa panahon na magkakasama kami.”

Pagsalubong sa Hinaharap nang Walang Takot

“Mula sa FSY at Young Women camp, marami akong natutuhan tungkol sa ebanghelyo at kung paano ako matutulungan nito sa buhay ko,” sabi ni Irini S., 17. “Nagkaroon ako ng maraming kaibigan at natutuhan ko kung gaano kahalaga na ipahayag ang aking mga iniisip at nararamdaman. Nadama ko nang husto ang Espiritu Santo at ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.”

Ayon sa kanya, lumakas ang kanyang kumpiyansa dahil napaligiran siya ng ibang kabataang Banal sa mga Huling Araw. “Bago mag-FSY hindi ko makita ang mabubuti at magagandang bagay na ginawa ng Diyos para sa atin at ang plano na patuloy Niyang ginagawa para sa atin.”

“Hindi tayo dapat magpaapekto sa sinumang tao o sa anumang bagay na nakapaligid sa atin na hihila sa atin palayo sa pamumuhay ng ebanghelyo,” sabi ni Manasseh A., 17. “Ang ebanghelyo ay pareho lamang sa lahat ng lugar at dapat ay palagi tayong manatili sa tamang landas.”

At sa Greece man ito o saanman sa mundo, ang sama-samang pagtahak sa landas ay nagtutulot sa atin na magkaroon ng iisang diwa.