Ang Makitang Kumakanta si Itay
Maria Oka
California, USA
Apat at kalahating buwan pa lamang ako sa aking mission sa Honolulu, Hawaii, USA, nang magkaroon ako ng isang matinding seizure at pagkatapos ay masuring may epilepsy. Ang sumunod na mga buwan ay nauwi sa mga pagbisita sa ospital, hindi mabilang na mga pagsusuri, at isang bagong gamot na nakakainis ang epekto.
Bago nangyari iyon, nakatuon lamang ako sa gawaing misyonero kaya hindi ko gaanong naranasang mangulila sa pamilya, ngunit mula nang magkaroon ako ng seizure, nakaramdam ako ng kalungkutan. Nangulila ako sa aking mga magulang at nakaramdam ng pag-iisa kahit napapaligiran ako ng mga kahanga-hanga at mapagmahal na tao. Ayaw kong umuwi, ngunit gusto kong makadama ng kapayapaan.
Sa pahintulot ng aking mission president, kinausap ko sa telepono ang aking mga magulang tungkol sa pagpapagamot ko. Tiniyak sa akin ng tatay ko, na kailan lamang natupad ang matagal na niyang pangarap na sumali sa Tabernacle Choir sa Temple Square, na gagalingan niya sa pagkanta para sa akin sa pangkalahatang kumperensya, na magsisimula kinabukasan.
Kinaumagahan, taimtim kong ipinagdasal na magkaroon ako ng kapayapaan na kailangang-kailangan ko. Nakatanggap na ako ng mga sagot sa partikular na mga tanong sa pangkalahatang kumperensya noon at nagtiwala ako na maaari akong makatanggap muli ng patnubay. Nang magsimula ang kumperensya, kumanta ang koro ng “Mga Bata, Diyos ay Malapit” (Mga Himno, blg. 44). Sa unang minuto pa lamang, nakita ko na ang aking ama sa TV screen. Matagal-tagal ding nakatutok ang kamera sa kanyang mukha.
Napaluha ako nang mapuno ako ng matinding kapayapaan. Alam ko na mahal ako ng Diyos. Alam niya talaga kung ano ang kailangan ko sa araw na iyon—isang simpleng katiyakan na nasa malapit Siya at binabantayan ako. Nadama ko ang pagmamahal ng Diyos, gayundin ang pagmamahal ng aking pamilya, ng aking mga kompanyon, at ng aking mission president. Sa halip na mabigatan, nakakita ako ngayon ng pagkakataong lalong mapalapit sa Panginoon.
Hindi nawala ang mga problema ko sa kalusugan. Kinailangan kong lisanin nang maaga ang aking mission sa kabila ng lahat, ngunit alam ko na naroon ang Diyos at mahal Niya ako. Tinulungan ako ng katiyakang iyon sa maraming iba pang pagsubok at binigyan ako ng pag-asa sa pinakamahihirap na mga sandali. Maaaring isipin ng iba na nagkataon lamang iyon, ngunit alam ko na ang makitang kumakanta ang aking ama tungkol sa pagmamahal ng Diyos ay isang munting himala sa oras ng aking pangangailangan.