2019
Subukan ang Ilang Bagong Tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay
Abril 2019


Subukan ang Ilang Bagong Tradisyon sa Pasko ng Pagkabuhay

Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, maglaan ng mas maraming oras para alalahanin ang pinakadakilang regalo sa lahat.

baby Jesus, Mary and Joseph

Detalye mula sa For Unto Us a Child is Born, ni Lynne Millman Weidinger

Madalas ay Pasko ang pinakanapapansin sa lahat ng mga pista. Pero kung wala ang mga naganap noong unang pahanon na ipinagdiriwang natin tuwing Pasko ng Pagkabuhay, hindi magkakaroon ng Pasko.

Itinuro minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Hindi magkakaroon ng Pasko kung walang Pasko ng Pagkabuhay. Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging isang pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Kalbaryo, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli.”1

Narito ang ilang tradisyon na maaari mong idagdag sa inyong mga pagdiriwang taun-taon.

1. Mangaroling ngayong Pasko ng Pagkabuhay

kids singing

Kung isasantabi ang mga nakahuhumaling na bersiyon tungkol sa reindeer at mga duwende, ang lahat ng kantang pamasko ay tungkol kay Jesucristo. Ang Pasko ng Pagkabuhay ay ang perpektong panahon para sa musikang tungkol sa Tagapagligtas, at oo, kahit awitin pa ang mga ito sa harap ng pinto ng mga kapit-bahay ninyo.

Kung kailangan mo pa ng mga ideya, tingnan ang bahaging “mga paksa” sa himnaryo sa ilalim ng “Paskua, Pasko ng Pagkabuhay” at “Pagbabayad-sala” para sa mga kanta. Anumang kanta na ipinagdiriwang si Jesucristo ay tugma para sa pangangaroling sa Pasko ng Pagkabuhay.

2. Patawarin ang Isang Tao

girls hugging

Gaano kadalas kayong nagpapasalamat para sa kaloob na pagsisisi? Ang Pasko ng Pagkabuhay ay nagbibigay ng pagkakataon para mas isipin natin kung paano natin ibibigay ang kaparehong diwa ng pagpapatawad sa iba.

Itinuro ni Jesus: “Dahil dito, sinasabi ko sa inyo, na nararapat ninyong patawarin ang isa’t isa. …

“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:9–10).

Tanungin ang inyong sarili: Kanino kayo nagkikimkim ng sama ng loob? Magdasal na bigyan kayo ng lakas na patawarin ang taong ito, at hayaan ang Tagapagligtas na tulungan kayo na mawala ang mga masasakit na pakiramdam.

3. Gumawa ng isang Pageant, Dula, o Iba pang Pagtatanghal

boy dressed up

Maaari kayong gumawa ng isang pagtatanghal na pang-Pasko ng Pagkabuhay. Isa sa mga simpleng halimbawa ay ang pagbasa ng banal na kasulatan sa family home evening o isang konsierto sa komunidad kung saan maaaring kumanta ang lahat ng dadalo.

4. Bisitahin ang mga Puntod ng mga Mahal sa Buhay

family visiting graves

Dahil kay Jesucristo, ang kamatayan ay nawalan ng tibo (tingnan sa Mga Taga Corinto 15:55). Maglaan ng oras para bisitahin ang mga puntod ng mga mahal sa buhay para pagnilayan ang napakagandang balitang ito.

Maaari rin ninyong basahin nang malakas ang ilan sa mga paboritong talata sa banal na kasulatan na tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli sa pagbisita mo sa mga libingan. Ang ilan (sa maraming) banal na kasulatan na maaaring gamitin para rito ay ang I Mga Taga Corinto 15:20–22; Alma 11:42–44; at Doktrina at mga Tipan 88:14–16.

5. Maging Mas Mabuti

Christ visiting the Americas

Detalye mula sa Jesus Christ Visits the Americas, ni John Scott

Inaalala ng Pasko ng Pagkabuhay ang mga nangyari sa Getsemani, ang naganap sa krus, ang pagbangon ng Tagapagligtas mula sa mga patay sa ikatlong araw, at pagkatapos ay ang Kanyang pagministeryo sa loob ng 40 araw bago Siya umakyat sa langit.

Bukod dito, hindi pa natatagalan matapos Niyang umakyat sa langit, nagpakita si Jesucristo sa mga Nephita at nagministeryo sa kanila (tingnan sa 3 Nephi 11–28). Marami tayong maipagdiriwang!

Bakit hindi ninyo habaan pa ang panahon ninyo ng Pasko ng Pagkabuhay? Hayaang matuwa ang inyong kaluluwa sa mga himala ng Pasko ng Pagkabuhay. Pagsikapan na maging mas katulad ni Cristo sa loob ng 40 araw pagkatapos ng Pasko ng Pagkabuhay. Para sa inspirasyon, isaalang-alang ang sumusunod na paanyaya mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Iukol ang bahagi ng inyong panahon bawat linggo para pag-aralan ang lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus ayon sa nakatala sa Lumang Tipan. Pag-aralan ang Kanyang mga batas na nakatala sa Bagong Tipan, sapagkat Siya ang Cristo roon. Pag-aralan ang Kanyang doktrina na nakatala sa Aklat ni Mormon, sapagkat wala nang iba pang naghahayag nang mas malinaw tungkol sa Kanyang misyon at Kanyang ministeryo. At pag-aralan ang Kanyang mga salita na nakatala sa Doktrina at mga Tipan, sapagkat patuloy Niyang tinuturuan ang Kanyang mga tao sa dispensasyong ito.”2

Naghihintay ang Inyong mga Tradisyon

Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Upang malaman ang pinakamahalagang araw sa kasaysayan, dapat nating balikan ang gabing iyon halos 2,000 taon na ang nakalipas sa hardin ng Getsemani nang lumuhod upang taimtim na manalangin si Jesucristo at inialay ang kanyang Sarili bilang pangtubos para sa ating mga kasalanan.”3

Ang pinakamahahalagang pangyayari sa kasaysayan ay marapat na paglaanan ng oras na magnilay-nilay bawat taon. Tinutulungan tayo ng mga tradisyon na gawin iyon, ang mga narito man sa listahang ito o anumang pipiliin mo.

Ano ang idaragdag mo ngayong taon?

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Ang Kahanga-hanga at Tunay na Kuwento ng Pasko,” Liahona, Dis. 2000, 5.

  2. Russell M. Nelson, “Mga Propeta, Pamumuno, at Batas ng Diyos” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Ene. 8, 2017), broadcasts.lds.org.

  3. Dieter F. Uchtdorf, “Narito, ang Tao!” Liahona, Mayo 2018, 108.