Pakiramdam ng Bago
Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.
Estonia
“May sorpresa ako!” Sabi ni Ema (Inay) nang sunduin niya si Rasmus sa eskwelahan. Sabay silang naglakad pababa sa mga makikipot na kalsada na may nakahilerang makukulay na gusali.
“Rosolje para sa hapunan?” hula ni Rasmus na puno ng pag-asa. Kakakain lamang nila nito noong nakaraang linggo para sa kanyang ikapitong kaarawan. Pero palagi niyang gustong kumain ng salad na may beet at patatas na may kasamang binurong tawilis!
Umiling si Ema na may kasamang ngiti. “May nakilala akong dalawang dalaga sa bus kaninang umaga. Mga missionary. Bibisita sila sa atin ngayon gabi para magsalita tungkol sa kanilang simbahan.”
Mausisang tumingin si Rasmus. Hindi pa siya nakakakita ng mga missionary noon.
Naglalaro siya ng kanyang trak ng bumbero sa kanyang kuwarto nang dumating ang mga missionary. “Tere! Tere! Hello!” binati nila si Ema habang naglalakad sila patungo sa apartment. Hinubad nila ang mabibigat nilang bota at isinuot ang mga pambahay na tsinelas na itinatago ni Ema para sa mga bisita. Sinamahan sila ni Ema papunta sa orange na sofa. Pero nanatiling nakatayo si Rasmus sa may pintuan.
Napansin siya ng mas matangkad na babae at ngumiti. Nakalagay sa kanyang itim na name tag ang Õde Craig (Sister Craig). “Sinabi ng nanay mo na kakatapos lang ng kaarawan mo,” sabi niya. “May dala kami para sa iyo.” Iniabot niya ang isang maliit na kard. Tiningnan itong maigi ni Rasmus.
Larawan ito ng isang lalaki. Nakasuot ito ng puting bata, at nakaunat ang kanyang kamay.
“Kilala mo ba kung sino siya?” tanong ni Õde Craig.
Hindi alam ni Rasmus ang pangalan ng lalaki. Hindi pa niya nakita ang larawang ito noon. Pero mukhang mabait at makapangyarihan ang lalaki. “Sa tingin ko ay isa siyang hari!” sabi ni Rasmus.
Ngumiti ang dalawang missionary. “Oo, Siya ay isang hari! Siya ang Hari ng mga hari! Ang pangalan niya ay Jesucristo.” Kinuha ni Õde Craig ang isang aklat na may asul na pabalat. “At ito ay isang aklat na nagtuturo tungkol sa Kanya, ang Mormoni Raamat. Ang Aklat ni Mormon.”
Sila ni Ema ay nagsimulang magbasa ng Aklat ni Mormon araw-araw bago siya pumasok sa paaralan. Kapag may pasok sa eskwelahan, naglalakad si Rasmus at ang kanyang klase sa gitna ng kalikasan at pagkatapos ay umiidlip. Pagkatapos ng klase, sila ni Ema ay madalas na makipagkita sa mga missionary. Nakikipag-usap sila sa mga missionary tungkol sa nabasa nila sa Aklat ni Mormon. Kung minsan, pinakakain ni Ema ang lahat ng kringel, o nakatirintas na cinnamon bread. Kapag Sabado at Linggo, sila ni Ema ay nagbibisikleta o nagpipiknik sa tabing-dagat. Minsan, naglalakad sila nang matagal sa gubat o sa dalampasigan ng kanilang paboritong ilog.
Sa isa sa mga paglalakad nila sa gubat, sinabi sa kanya ni Ema na gusto niyang magpabinyag. Napangiti si Rasmus. Hiniling ng mga missionary kay Ema na ipagdasal kung dapat ba siyang magpabinyag o hindi. Mukhang nakuha niya ang kanyang sagot!
“At alam ko kung saan ako dapat mabinyagan,” sinabi nito sa kanya nang may ngiti. “Mahuhulaan mo ba?”
Inisip ni Rasmus ang lesson ng mga missionary tungkol sa binyag. Itinaas nila ang isang larawan ni Jesus na kasama si Juan Bautista sa isang ilog. …
“Sa ilog!” napasigaw siya. “Sa paborito nating ilog.”
Pagkaraan ng isang linggo, tumayo si Rasmus sa tabing-ilog kasama ng mga missionary at ng ilang tao mula sa simbahan. Handa na si Ema na magpabinyag. Lumubog siya sa ilalim ng tubig, tulad ng ginawa ni Jesus. Nang umahon siya, siya ay nakangiti. Gustong maalaala ni Rasmus ang sandaling ito magpakailanman—ang bughaw na tubig, ang mga puting ligaw na bulaklak sa luntiang damo, at ang ngiti ng kanyang ina.
“Ano po ang pakiramdam ng mabinyagan?” tanong niya pagkatapos, nang kumakain na ang lahat ng cookies na dinala ng mga missionary.
“Napakaganda,” sabi niya sa kanya. “Gusto kong manatili sa ilog magpakailanman. Pakiramdam ko ay bagung-bago ako!” Niyakap siya ni inay nang mahigpit.
“Sa susunod na kaarawan ko, gusto ko pong mabinyagan, tulad ninyo at ni Jesus,” sabi niya sa kanyang ina. “Gusto ko ring maging bago!” ●