Ang Nawawalang Jacket
Ang awtor ay naninirahan sa Iowa, USA.
“Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:10).
“Nay, nawawala po ang jacket ko!” sabi ni Brad. Oras nang umuwi ng bahay mula sa pagsisimba, pero hindi makita ni Brad ang jacket niya sa sabitan.
“Sigurado ka bang diyan mo iyon isinabit?” tanong ni Inay.
“Opo. Dito lang po.” Ang jacket ni Brad ay matingkad na asul at pula. Hindi ito mahirap makita.
“Siguro ay nailipat ito. Hanapin natin ito dito sa simbahan,” sabi ni Itay.
Naghiwalay sina Inay, Itay, at Brad para tingnan ang iba’t ibang silid. Tumingin sila sa kahon ng lost-and-found, sa pinagdarausan ng sakramento, sa silid ng Sunday School ni Brad, sa silid ng Primary, at sa lahat ng sabitan ng jacket. Tiningnan pa nga nila ang mga palikuran, pero hindi nila nakita ang jacket.
“Siguro ay may aksidenteng nakakuha nito. Sigurado akong ibabalik nila ito sa susunod na linggo kapag nalaman nilang hindi ito sa kanila,” sabi ni Itay.
“Pansamantalang isuot mo muna ang luma mong jacket,” sabi ni Inay.
Sumimangot si Brad. Hindi niya gusto ang luma niyang jacket. Ito ay manipis, kupas, at maliit na sa kanya. Gustung-gusto niya na mukha siyang superhero kapag suot niya ang kanyang bagong pula at asul na jacket.
“May nakakita siguro kung gaano kaastig ang jacket ko kaya ninakaw ito,” naisip ni Brad. Paano nangyari ang ganito sa simbahan? Dapat ay matapat ang lahat ng naroroon. Hindi hahayaan ni Brad na makatakas ang magnanakaw. Mayroon siyang plano. Sa susunod na Linggo, titingnan niyang maigi kung sino ang nagsusuot ng kanyang jacket. Pagkatapos ay aagawin niya ito at sisigaw ng “Tigil, magnanakaw!” Magsisisi silang ninakaw nila ito.
Hindi na makapaghintay si Brad na mag-Linggo para isagawa ang kanyang plano. Pero mainit para mag-jacket nang sumunod na Linggo, at ganoon din noong sumunod pa na Linggo.
Noong Linggo pagkaraan noon, mapaghinalang tiningnan ni Brad ang lahat ng batang lalaki sa Primary, iniisip kung sino ang nagnakaw ng jacket. Iyon kayang matangkad na batang lalaki ba? O baka naman isang batang babae. Pakiramdam niya ay hindi niya mapagkakatiwalaan ang sinuman. Hindi gusto ni Brad ang ganoong pakiramdam.
Pagkatapos ng simba ay dali-daling naglibot ng gusali si Brad, tinitingnan ang bawat pamilya na magsuot ng mga jacket. Hindi niya nakita kahit saan ang jacket niya. Tiningnan pa nga niyang muli ang kahon ng lost-and-found … pero wala roon ang jacket. Nasaan kaya ito?
Sa daan pauwi, nakaisip si Brad ng bagong plano. Magdarasal siya. Alam niya na mahahanap ng Ama sa Langit ang mga nawawalang bagay. Noong gabing iyon, nagdasal si Brad at sinabi, “Ama sa Langit, pakisabi po sa akin kung sino ang kumuha ng jacket ko. Gusto ko po itong maibalik.”
Hinintay ni Brad na makita sa isip niya ang pangalan o mukha ng magnanakaw. Pero sa halip, nasimulan niyang maisip ang kanyang kaibigang si Carl. Madalas na katabi ni Brad si Carl sa Primary. Palagi silang nagbibiruan at nagtatawanan. Pero ilang linggo nang hindi nagsisimba si Carl. Na-miss siya ni Brad.
Paano kung si Carl ang kumuha ng jacket? Siguro ay natatakot nang magsimba si Carl ngayon dahil naisip niyang hindi na sila magiging magkaibigan ni Brad. Gusto ni Brad na magsimba muli si Carl. Kung si Carl ang kumuha ng jacket niya, nagpasya si Brad na hindi niya ito sisigawan. Patatawarin niya ito.
Umakyat ng higaan si Brad, mas mabuti na ang pakiramdam.
Noong sumunod na Linggo sa Primary, wala si Carl, pero mayroong isang bagong batang lalaki. Nakasuot ito ng kurbatang mayroong mga guhit na kulay pula at asul.
“Ang ganda ng kurbata mo,” sabi ni Brad, habang tumatabi sa bagong batang lalaki. “Mukha kang superhero dahil dito.”
Ngumiti ang bata.
Ngumiti rin si Brad. Hindi na siya naghahanap ng mga magnanakaw. Mga kaibigan na lang ang hinahanap niya. ●