“Ito na nga!”
Richard J. Anderson
Utah, USA
Gabing-gabi na akong nakauwi isang gabi ng taglamig matapos akong magsagawa ng maraming panayam bilang bishop. Pagod na pagod ako. Ilang linggo na akong nahihirapan sa trabaho at nadarama kong hindi ko kayang gawin ang lahat ng kailangan kong gawin para sa aking mga responsibilidad sa pamilya at sa Simbahan.
Noong gabing iyon, kinailangan kong kumpunihin ang aking kotse para makapasok ako sa trabaho kinabukasan. Habang isinusuot ko ang aking coveralls, mula sa pagiging bishop ay naging mekaniko ako. Humiga ako sa malamig na sahig ng garahe sa ilalim ng kotse at nagsimulang magtrabaho. Bakit kailangan kong ginawin, mapagod, at saktan ang mga buko ng mga daliri ko pagkatapos kong magtrabaho nang husto noong araw na iyon? Nawawalan na ako ng pasensya at nagsimula akong manalangin nang dumadaing at nagsusumamo sa Ama sa Langit.
“Posible po bang matulungan Ninyo ako nang kaunti?” sabi ko. “Ginagawa ko ang lahat upang maging mabuting ama, asawa, at bishop at maipamuhay ang mga kautusan. Hindi ba mas makapagsisilbi ako kung makapagpapahinga ako nang kaunti? Tulungan po Ninyo akong matapos ito para makatulog na ako.”
Biglang pumasok sa isip ko ang malilinaw at natatanging mga salitang ito: “Ito na nga!”
“Ano po?” sagot ko.
Muling dumating ang mga salita: “Ito na nga!”
Napuno ng pag-unawa ang aking puso’t isipan nang dumating ang mga salita sa ikatlong pagkakataon: “Ito na nga!” Ang mga salitang ito ay naghatid ng mensahe sa aking espiritu. “Ito” ang buhay na mortal at dumaranas ako noon ng isang sandali ng paglago na nilayon upang tulungan akong maging katulad ng nais ng Ama sa Langit na kahinatnan ko. Tila ba sinabi sa akin ng Espiritu, “Inasahan mo bang walang paghihirap sa buhay na ito sa mundo?” Nang tumayo ako mula sa malamig na kongkretong sahig na iyon, hindi na ako katulad ng dati.
Depende kung paano tayo tumutugon sa mga ito, ang mga pagsubok ay maaaring ituring na mga regalo mula sa isang mapagmahal na Ama sa Langit. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong makaranas ng mga pagsubok para matuto tayong bumaling sa Kanya. Kapag ginagawa natin ito, pinagpapala tayong matuto at lumago sa espirituwal.
Ang mga salitang iyon na pumasok sa isip ko noong malamig na gabing iyon sa kongkretong sahig ng garahe ko ay nagbigay sa akin ng mga pagpapala sa loob ng mahigit 35 taon. Sinisikap kong tiyakin na hindi ko sinasayang ang mga pagsubok na ibinibigay sa akin. Itinuturing ko ang mga pagsubok bilang mga pagkakataon upang matutuhan ang mga bagay na maaaring hindi ko matututuhan sa ibang paraan.